Ryan Bang on playing sidekick to matinee idols: "Lalo silang gumuguwapo kapag katabi nila ako, hindi ba?"

IMAGE Noel Orsal

Korean comedian Ryan Bang on why he loves the Philippines: "In love na ako sa Philippines, ang ganda ng nature rito. Mahilig kasi ako sa nature. Maganda yung Pilipinas, maganda talaga."

 
 


Okay lang daw kay Ryan Bang na bansagan siyang "Pambansang Sidekick ng Pilipinas."

Masaya nga raw siya na maging support ng mga established actors, 'tulad nina Piolo Pascual at Coco Martin.

Nakatrabaho niya noon si Piolo sa teleseryeng Hawak Kamay. Ngayon naman ay katrabaho niya si Coco sa Wansapanataym Presents: Yamishita’s Treasures na magsisimula na sa ABS-CBN this Sunday, March 22.

Sabi ni Ryan, “Oo naman, okay lang kung tawagin akong ganoon. Natutuwa ako siyempre.

“‘Tsaka natutuwa ako, kasi kasama ko sa work ko si Papa P at saka si Coco.

"Masarap kasi talaga sila kasama sa trabaho, sobrang mabait.

"‘Tsaka tinuturuan nila ako kung paano umarte. Kaya sobrang enjoy akong katrabaho sila."

Dagdag pa niya, “Si Coco, minsan sinasabihan ako kung paano umarte, paano mga reaction, ganun.

"Tinutulungan niya ako mag-deliver ng linya."

Biro pa ni Ryan, “At saka lalo silang gumuguwapo kapag katabi nila ako, hindi ba?"

 

DEBT OF GRATITUDE. Five years na sa showbiz si Ryan mula nang maging housemate siya sa reality show ng ABS-CBN na Pinoy Big Brother noong 2010.

Ayon sa Korean comedian, masaya siya sa kanyang trabaho at sobrang nagpapasalamat sa Kapamilya network.

“Sobrang masaya ako siyempre sa ABS.

"Kasi, nandiyan pa rin Showtime family, Banana Split, 'tapos ngayon Wansapanatayam with Coco."

Masasabi ba niyang lahat ng ito, utang niya sa ABS CBN?

“Hindi! Tapos na utang ko, last year pa, December!” pabirong sagot niya.

Pero seryoso niyang bawi, “Oo naman, siyempre dahil sa ABS-CBN iyan.”

Kapag sinasabi sa It's Showtime na sususpendihin o tatanggalin siya, ano ang nararamdaman niya?

Sagot ni Ryan, “Alam ko namang joke lang yun, e,

"'Tsaka alam niyo naman unang-unang show ko pagkatapos ng PBB, Showtime yun, e

"Kaya sobrang happy ako. Alam naman ng buong Philippines kung gaano ko kamahal ang Showtime.

“Kasi mahal namin ang isa’t isa at mahal namin ang madlang people, ‘tsaka enjoy talaga kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"We try to make madlang people happy every day.

“Maganda yung samahan kasi kaya successful. Lahat, pati staff, hindi lang artista.”

ADVICING VICE. Isa sa mga kasamahan ni Ryan sa It's Showtime si Vice Ganda. Pinapayuhan ba niya ito ukol sa love?

Nilinaw muna ni Ryan kung ano ang ibig sabihin ng tanong namin, saka siya sumagot.

“Advice? Hindi, wala.

"‘Tsaka hindi ko pa nakikita na may kasama siyang lalaki, e.

“Hindi ko siya puwede bigyan ng advice, hindi naman…

"Kasi nanay ko siya, 'di ba? So, paano ko siya papayuhan?

“Basta sabi ko sa kanya, ako yung lalaking totoong nagmamahal sa iyo.

"Lagi ko sa kanyang sinasabi yun."

 

NOT COMPETITION. Nakakapanood ba siya ng Eat Bulaga, ang katapat nilang programa sa GMA Network?

“Minsan,” matipid na sagot ni Ryan.

Kanino siya nagagalingan na taga-Eat Bulaga?

“Siyempre lahat, sila Bossing [Vic Sotto], Tito [Sotto], and Joey [de Leon]… Jose [Manalo] and Wally [Bayola]."

Sinabi pa ni Ryan na dati niyang nakasama sa comedy bar sina Jose at Wally.

“Nasa Showtime na ako nun, pero hindi pa kami noontime.

"Idol ko iyang sina Jose at Wally. Nakasama ko na si Wally, napakabait niya.”

Idinagdag pa niyang hindi kakumpitensiya ang turing niya sa Eat Bulaga.

“Hindi ako nag-iisip ng ganoon, hindi ako nag-iisip na kalaban sila.

"Basta ako, paggising ko, happy ako, papasok ako sa Showtime, alam mo yun?

“Kasi maraming nagmamahal sa akin dun, 'di ba?

"Trabaho lang ito, trabaho lang.

"At saka ako, basta enjoy ako!" saad pa niya sabay banat ng tawa.

 

KOREAN FANS. Marami ba siyang Korean fans dito sa Pilipinas?

"Madami," sabi ni Ryan.

"'Pag pumunta ako ng Korea, natutuwa sila na Koreano ako, 'tapos magaling ako Tagalog.

"Kaya lagi sila nanonood ng Showtime tuwing tanghali.

"Lahat ng Koreano... try mo mga Korean restaurant ‘pag tanghali."

Ano sa tingin niya ang rason bakit parang dumadagsa ang mga Korean dito sa Pilipinas?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Oo, marami nga Korean dito, pero hindi ko naman sila isinama papunta rito,” pabirong saad niya.

“Pero siguro kasi, masarap nakatira dito.

"Ako nga, gusto ko nakatira dito. Kasi ang babait lahat ng mga Pilipino.

"‘Di ba, welcome sila, kahit sino? ‘Tsaka ang saya kasama, ang ganda rito.

"In love na ako sa Philippines, ang ganda ng nature rito. Mahilig kasi ako sa nature.

"Maganda yung Pilipinas, maganda talaga.

"Sobra, kaya siguro dumadami sila rito, pero madami ding Pinoy sa Korea, ha.

"So, pareho lang."

 

DUAL CITIZENSHIP. Ayon pa sa komedyante, gusto niyang maging Filipino citizen.

“Kaya nga, I’m trying. Gusto ko siyempre.”

Paano, mag-aasawa siya ng Pilipina?

“Hindi, may girlfriend ako na Korean.

"Bata pa ako, huwag naman mag-aasawa. Magagalit mommy ko, kaya ‘tsaka na iyon.

“Kasi alam ko, yung permanent resident, e.”

Itatakwil niya ang pagiging Koreano o magiging dual citizen siya?

“Hindi naman.

"Koreano pa rin ako, pero gusto ko pa rin maging citizen dito.

"Hindi ko alam kung puwede dual citizenship. I’m working on it, tingnan natin."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN