"Napakasakit Kuya Eddie" singer Roel Cortez diagnosed with stage four colon cancer

Best known for his classic OPM hits "Napakasakit Kuya Eddie" and "Baleleng," Roel Cortez reveals difficulty in battling colon cancer.


Kamakailan ay na-diagnose na mayroong stage four colon cancer si Roel Cortez, isang '80s singer na sumikat dahil sa classic OPM songs na “Napakasakit Kuya Eddie” at “Baleleng.”

Bandang unang bahagi ng Marso nang maglakas-loob na magpatingin sa doktor si Roel pagkatapos ng humigit-kumulang isang taong pag-inda sa madalas na matinding pananakit ng kanyang tiyan at hirap sa pagdumi.

Base sa feature story ng Kapuso Mo, Jessica Soho noong Linggo, March 22, bukod sa hindi na makatayo at makalakad si Roel ay hirap na rin ito sa pagsasalita.

Sabi ni Roel, “Misis ko na lang ang nagbibigay sa akin ng pag-asa na magdasal ka lang nang magdasal.”

Ngunit ang totoo ay nawalan na umano siya ng pag-asang patuloy na mabuhay, lalo pa’t limitado na ang mga bagay na maaari niyang gawin at madalas ay nakahiga lang siya sa kanyang kama.

Kapansin-pansin din na lumobo ang kanyang tiyan sa kabila ng pamamayat ng buo niyang katawan.

“Sawa na ako sa buhay na ganito. Aanhin ko ang buhay na ganito?

“Ni hindi ako makalakad. Hindi ko man lang matanaw ang paligid ko rito,” malungkot na saad ni Roel.

Ayon pa sa dating mang-aawit, mismong ang doktor na sumuri sa kanya ang nagsabing mahirap nang bigyan ng lunas ang malubha niyang karamdaman.

“Sabi ng doktor, ‘Misis, wala na tayong magagawa diyan. Sobra na ‘yan. Hindi na stage four ‘yan. Lagpas na.’”

Ganunpaman, patuloy ang suporta at pag-aalaga kay Roel ng kanyang misis na si Corazon.

Sabi ng misis ni Roel, “Kahit nagtatrabaho ako, obligasyon bilang asawa pagdating, intindihin siyempre lahat ng pangangailangan niya, pag-aalaga sa kanya.

“Yun lang din naman ang tanging maibigay sa kanya bilang kapalit sa mga nagawa rin niya sa akin dati.”

Isang beses kada linggo lang kung makauwi si Corazon sa kanilang tirahan sa Malolos, Bulacan, dahil abala siya sa trabaho bilang engineer sa Makati.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit aminado si Corazon na kulang ang kanyang kinikita para sa pagtustos sa mga pangangailangan ni Roel at ng kanilang pamilya.

Samantala, ilan sa mga dating kasamahan sa industriya ang personal na bumisita kay Roel sa tulong ng Kapuso Mo, Jessica Soho noong March 18.

Kabilang dito ang folk singer na si Freddie Aguilar at ang composer ng “Napakasakit Kuya Eddie” na si Jerico Rimas.

Ayon kay Freddie, dekada '70 pa noong magkakilala sila ni Roel sa Olongapo.

Si Ka Freddie pa umano ang nagsama kay Roel na tumugtog sa isang resto-bar doon.

“Halos hindi ko siya namukhaan, e. Ang layo ng hitsura niya.

“Siyempre nadudurog yung puso ko na makita siyang ganyan, kasi nung huli kaming nagkita, napakalakas pa niya,” saad ni Ka Freddie.

Ganunpaman, binigyan ng lakas ng loob ni Ka Freddie si Roel na patuloy na lumaban sa kabila ng kanyang matinding karamdaman.

Para sa mga nais magpaabot ng tulong kay Roel, maaaring tumawag sa mga sumusunod na contact numbers: 09175369192 at 09066424812.

Narito ang ilan sa mga pinasikat na kanta ni Roel:

"Baleleng" (1985)

"Napakasakit Kuya Eddie" (1984)


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN