Vice Ganda on insecurity issue with Alex Gonzaga: “Kung sino man ang nakaisip ay isang hunghang.”

Vice Ganda on rivalry issue with Alex Gonzaga: “E, isa po ako sa unang sumusuporta kay Alex Gonzaga. In fact, nagpo-promote po siya sa mga programa ko. Kaya kung may issue kami, e, di hindi sana siya nakakapag-promote sa mga programa ko."


Pinabulaanan ni Vice Ganda ang usap-usapang natatakot siyang matalbugan ni Alex Gonzaga kaya biglaan siyang nagpatawag ng presscon para sa kanyang May 22 concert na may pamagat na Vice, Gandang-Ganda Sa Sarili Sa Araneta: Eh Di Wow! (VGGSS).

Habang si Alex ay magsasagawa naman ng kanyang first major concert sa Araneta Coliseum din sa April 25.

Sagot ni Vice nang tanungin kung nai-insecure siya kay Alex: “Kung sino man ang nakaisip ng insecurity issue namin ni Alex Gonzaga ay isang hunghang.”

Nilinaw rin ni Vice na kaya napaaga ang presscon para sa kanyang VGGSS concert ay dahil nakatakda siyang magtungo sa U.S. para sa kanyang concert tour sa April.

“Hindi naman po kasi ako ang nag-schedule rin nito, unang-una.

“At pangalawa, aalis po kasi ako papunta ng America.

"At maganda siguro na habang nasa America ako ay may ingay na nangyayari tungkol sa concert ko, nang sa ganun ay hindi naman mahinto ang promotion ng concert ko,” paliwanag niya.

Bagamat tatlong beses nang naging sold-out ang kanyang mga nakaraang concert sa Araneta, naniniwala ang comedian/TV host na mas magandang makaramdam siya ng kaba para mas pagbutihin niya ang kanyang performance ngayong taon.

“Kasi siyempre, nakakatakot din.

"Hindi naman natin alam kung mapupuno o may tsansang hindi mapuno itong concert na ito.

“Kaya siyempre, kailangan promote tayo nang promote.

"And I do not see anything wrong with promoting very early."

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment reporters si Vice sa VGGSS presscon na ginanap sa 9501 restaurant sa ABS-CBN, ngayong Miyerkules ng hapon, March 25.

FULL SUPPORT. Ayon pa kay Vice, walang basehan ang diumano’y pagkakaroon ng kumpetisyon o inggitan sa pagitan nila ni Alex.

Lalo pa’t kung tutuusin ay todo ang suporta niya sa mga ginagawang proyekto ni Alex.

“E, isa po ako sa unang sumusuporta kay Alex Gonzaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“In fact, nagpo-promote po siya sa mga programa ko.

“Kaya kung may issue kami, e, di hindi sana siya nakakapag-promote sa mga programa ko.

“Welcome na welcome siya sa mga shows ko na ipinu-promote mismo namin.

“At kahit hindi niya alam, ako mismo pinu-promote ko yung programa niya.

"At tumutulong ako sa kanya na magbigay ng inputs para sa concert niya,” saad niya.

Bilang patunay, ang original composition ni Vice na “E di Wow!” ay ang ginamit na theme song sa bagong teleserye ni Alex sa ABS-CBN, ang Inday Bote.

Dagdag na pahayag ni Vice tungkol dito: "Para hindi paulit-ulit. Tapos na.

"Wala po kaming issue ni Alex Gonzaga. Kami po ay matalik na magkaibigan."

ANNIVERSARY CONCERT. Samantala, excited si Vice dahil ang kanyang concert sa Araneta ang magsisilbing selebrasyon para sa ika-15 taon niya sa showbiz.

Nang tanungin kung ano pa ang mga plano niya para sa kanyang showbiz career, direktang sinabi ni Vice na ang tanging dasal niya ay ma-enjoy pa kung anuman ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.

“Ang taray nung the height, 'no?

“Goal? Ang gusto ko lang talaga, to maintain kung anong meron ako ngayon.

"Kung anong meron ako ngayon, ayoko munang mawala."

Aminado si Vice na minsan na niyang nasabi sa mga nakaraang panayam na hindi siya takot maghirap o mawala ang kanyang kasikatan, dahil noong nagsisimula siya sa showbiz ay sanay na siya sa hirap.

Ngunit ngayon ay na-realize niyang madali lang sabihin, ngunit mahirap tanggapin kung sakaling dumating sa puntong mawala ang lahat ng mayroon siya ngayon.

“Pero nung na-realize ko na ang dali-dali lang pala sabihin, pero ‘pag nangyari, parang ang bigat-bigat.

“Kaya ngayon, ang ipinagdadasal ko, kung mangyayari man yun, ‘wag anytime soon kasi ini-enjoy ko pa po,” saad ni Vice.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN