Nora Aunor elated by various citations in Bicol region: “Pakiramdam ko, isa akong Presidente!”

Nora Aunor (shown delivering her acceptance speech) on being conferred the Bulawan Na Bikolnon Service to Bicol Award: “Hindi ako makapaniwala na sa edad kong ito, kinikilala pa rin ako ng generation ngayon, kaya nagpapasalamat ako sa mga taong hanggang ngayon ay nagtitiwala at naniniwala sa akin.”


Masigla ang naging pagtanggap ni Nora Aunor sa mataas na karangalang naipagkaloob sa kanya—ang Bulawan Na Bikolnon Service to Bicol Award—ng Ateneo de Naga University (ADNU) sa Naga City.

Ginanap ang pormal na seremonyas noong Biyernes, March 27, sa Ateneo de Naga University Gym, kung saan din idinaos ang Baccalaureate Mass and recognition rites ng mga kabataang magsisipagtapos sa taong 2015.

Ang sumalubong kay Nora sa entrance ng unibersidad ay si G. Tito Genova Valiente, kasalukuyang Director of the Institute of Bicol History and Culture; at chairman ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP).

Nauna rito ang pag-aalay ng bulaklak or wreath offering sa monumento ni St. Ignatius de Loyola, ang founder ng Society of Jesus (SJ) o samahan ng mga Heswitang Alagad ng Simbahang Katoliko.

Humigit-kumulang sa dalawang libong estudyante ang pumuno sa Ateneo De Naga University Gym.

Nagpalakpakan ang mga student awardees and graduates pagdating ng Superstar at kinikilalang People's National Artist.

Naging lalong masaya naman si Ate Guy sa natamong pagtanggap. Unang pagkakataon ito na naging bahagi siya ng isang Baccalaureate Mass.

“Hindi ako makapaniwala na sa edad kong ito, kinikilala pa rin ako ng generation ngayon, kaya nagpapasalamat ako sa mga taong hanggang ngayon ay nagtitiwala at naniniwala sa akin,” sambit ni Nora.

Tuwang-tuwa rin ang aktres sa naunang seremonya ng pag-aalay ng bulaklak sa paanan ng monumento ng Jesuit Father na si St. Ignatius.

“Pakiramdam ko, isa akong Presidente!” sambit niya sa isang informal chat over lunch, kasama ang taga-media, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Ang director of arts and culture ng Ateneo De Naga University na si Dr. Noel Volante ang nag-orchestrate ng maayos na reception sa pagdating ng kanilang honoree; kabilang ang pagdidisenyo ng entablado kung saan umupo si Nora, katabi ng matataas na opisyal ng akademya sa pamumuno ni Rev. Fr. Primitivo Viray, Jr., S.J. kasalukuyang Pangulo ng Ateneo de Naga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang mga katuwang ni Volante ay sina Prof. Rico Raquitico, Ms. Aime Salvamante, at poet-author and filmmaker Kristian Sendon Cordero.

Si Direk Kristian ang sumulat ng screenplay at magdidirek kay Nora sa susunod niyang pagbibidahang indie film project—ang Hinulid, na ang kuwento ay tungkol sa isang inang namatayan ng anak at ang kaugnayan niyon sa debosyon ng mga Bicolano sa imahe ng dead Christ.


IN SUPPORT OF BICOLANO ARTISTS. Sa kanyang acceptance speech, na naipahayag ni Nora sa magkakahalong Bicolano (Rinconada/Iriga and Naga) at Tagalog languages, ay binanggit ng Superstar ang mensahe sa mga student-awardees sa iba't ibang larangan, partikular sa sining.

“Sana po ay ipagpatuloy ninyo ang inyong mga pangarap at huwag balewalain ang inyong mga kontribusyon sa sining,” udyok niya.

Mahaba ngunit malinaw at nakakaaliw ang talumpati ni Nora Aunor, na dito'y muli niyang binalikan ang kanyang pagsisimula bilang amateur singing contests aspirant noong early and mid-1960s.

'Tulad sa mga naunang pagpaparangal sa kanya—sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na nagkaloob kay Nora ng Gawad Plaridel noong isang taon at Polytechnic University of the Philippines (PUP) na humirang kay Nora bilang Pambansang Artista ng Bayan—ang talumpati ni Nora, bilang honoree ng Bulawan Na Bikolnon Service to Bicol award sa Ateneo De Naga, ay pagtukoy sa naging kontribusyon niya sa iba't ibang larangan ng sining na nagpakinang sa kanyang natatanging talento.

Habang nakatayo sa apple box at nagtatalumpati, naging kuwela naman sa mga nakikinig ang paglalahad ni Nora ng kanyang buhay-artista, including her personal relationships to actor-celebrities.

Natatawa ang mga estudyante sa kanyang anecdotes—kung paano siya nagwagi at natalo rin sa Darigold Jamboree at Liberty milk-sponsored singing contests, na iisa pa lang ang alam niyang kanta, ang “You and the Night and the Music.”

Dahil doon ay nagpursige raw siyang mag-aral ng iba pang kanta, sa pamamagitan ng pakikinig sa radyo ng kapitbahay at pagmememorya ng mga kantang “People” at “Moonlight Becomes You,” ang kanyang winning piece sa Tawag Ng Tanghalan championship noong 1967.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hindi rin kaila sa publiko, mga taga-industriya at estudyante ng seryosong pelikula ang naging bahagi ni Nora Aunor sa pagpapaangat ng antas ng Philippine cinema.

Bahagi ito ng citation na isinulat ni Prof. Tito Valiente, patungkol kay Nora bilang 2015 Bulawan na Bikolnon Service to Bicol Awardee.

Ayon sa citation, “She joins the film industry and becomes a powerful metaphor for what cinema can do and express and subvert.”

Ugnay dito, hinihikayat ni Nora ang mga institusyon sa pag-aaral ng sining, tulad ng Ateneo de Naga, ng kaukulang pagtulong.

“Nawa'y masuportahan din ng Ateneo de Naga University ang mga manunulat at manganganta, pati na ang mga regional films.”

Kabilang sa mga klasikong pelikula ni Nora na nabanggit ni Prof. Tito Valiente sa citation ang Tatlong Taong Walang Diyos (1976), Minsa'y Isang Gamu-Gamo (1976), Bona (1980), at Himala (1982).


NORA FOR NATIONAL ARTIST SIGNATURE CAMPAIGN. Ganito rin ang mensahe ni Nora sa mga namumuno at mag-aaral ng Bicol University nang tanggapin niya ang parangal na ONRA (Bicolano term for Honor): Nora Aunor for National Artist.

May inihandang tribute ang unibersidad kay Nora, ang “An Interaction With Nora and Her Art,” na dinaluhan ng university faculty and students, at suportado ng Ako Bicol Partylist (AKB) at mga matatapat na supporters ni Nora sa pamumuno nina Eric Valeriano at Hedeliza Jordan.

Muli ring nakadaupang-palad ni Nora ang mga nakilalang pulitiko sa Legazpi, Albay, sina Rep. Edcel Grex Lagman (anak ng dating congressman na sinuportahan ni Nora noon), at Rep. Rodel Batocabe; kasama ang AKB staff na umasikaso sa grupo, sina Ms. Angelie “Ning” Alcazar at Rosalieh Constante-Luces.

Dito naipahayag ng Partylist representative, Congressman Batocabe, ang patuloy na pangangalap ng AKB ng mga lagda, para sa petition ukol sa pagiging National Artist ni Nora. Bagay na labis na ipinagpasalamat ng Superstar.


HONORARY NAGUEÑA. Ayon sa pagkakasunud-sunod ng kanyang parangal sa Naga City, makahulugan ang pagbanggit sa tatlong events na dinaluhan ni Nora bago niya tinanggap ang Bulawan na Bikolnon Service to Bicol award.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Una'y ang isinagawang misa sa Basilica Minore ng Our Lady of Peñafrancia, na dinaluhan ng representative ng iba't ibang fans club ni Ate Guy.

Ang paring nag-officiate ay nagngangalang Fr. Lito Heraldo ng Diocese of Daet, Camarines Norte.

Kilala si Fr. Heraldo sa buong KaBicolan bilang die-hard Noranian noon pa mang ito'y nasa seminaryo; mahal niya si Nora kaya batid niya ang buong buhay nito at ang mga tala ng kanyang propesyon.

Sabi niya sa Homily, “Bago naging Superstar si Nora, hindi naman kinilala sa ganyang tawag sina Susan Roces o si Amalia Fuentes, hindi ba?”

Ipinunto rin ng Diocesan priest ang halaga ng naging bansag kay Ate Guy bilang natatanging pagkilala sa kanyang pagiging bituin, na may kaakibat na responsibilidad; daan upang hirangin siyang Honorary Nagueña sa makahulugang pagbabalik sa Bicol.

Pero ayon din kay Tito Valiente at iba pang kapanalig na Bicolano: “Nora never left Bicol!”

Ugnay dito, ayon din kay Direk Kristian at mga kasamang propesor ng ADNU, ang Bulawan na Bikolnon, bilang Pinakamataas na Pagkilala sa isang indibidwal na Bicolano, ay ipinagkakaloob sa kababayang may natatanging naiambag sa kanyang larangan at sa kulturang Pilipino, partikular sa Bicolano culture.

Sa kasaysayan ay dalawang Bicolano pa lamang ang napagkalooban ng nasabing parangal kaugnay ng sining: si Nora, bilang multi-media artist; at isang makata, si Luis Cabalquinto.

Nauna ang pagpaparangal kay Nora ng pamahalaang siyudad o Sangguniang Panglunsod, bilang Honorary Nagueña, sa isang simpleng seremonya noong Huwebes, March 26, sa La Piazza, Avenue Plaza Hotel, Naga City.

Dito'y binigyan si Nora ng parangal, ang “Lyabe Con Ciudad” o Key to the City; isang simbolikong pagtukoy sa deklarasyon ng Sangguniang Panglunsod ng Naga City kay Nora bilang Honorary Nagueña.

Bukod kay Nora, ang isa pang Honorary Nagueña ay ang paring si Fr. Leonardo Legaspi.

Ang event ay dinaluhan ng alkalde ng Naga Province, si Mayor John Bongat at kanyang bise-alkalde, Nelson Legacion, na bumasa ng Resolusyon; si Allen Legacion ng local government unit, Naga City, ang chief protocol officer; at mga miyembro ng city council.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Umawit ng “Moonlight Becomes You” ang isang Nagueña, si Ms. Zayda Fe Rifareal; at "My Music Played" ang isang member ng Nora's Friends Forever Fans Club, sa saliw ng pagtugtog ng biyulin ng isa ring Nagueña.

Sa kanyang talumpati sa huling bahagi, hiniling din ni Nora ang suporta ng pamahalaan para sa mga alagad ng sining na tubong-Naga at iba pang probinsiya sa Bicol.

Aniya, “Bilang isang Bikolana, umaasa po ako na magpapatuloy ang lokal na gobyerno at ang mga taga-rito sa Naga na patuloy na suportahan ang ating mga manunulat, mang-aawit, mga pintor at mga aktor, at mga filmmakers.

“Huwag po sana nating balewalain ang malaking kontribusyon ng sining sa ating mga buhay.

“Natutuwa ako na sa darating na buwan ay gagawa kami ng pelikula dito sa Bikol, at sa wikang Bikol...”

Na ang tinukoy nga ni Nora ay ang Hinulid.

Sa mga buwan ng Abril at Mayo inaasahang masimulan at magtuluy-tuloy ang pagsu-shooting ni Nora at ni Direk Kristian ng Hinulid.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN