Tirso Cruz III reveals cancer scare at his birthday party

Sa kauna-unahang pagkakataon ay inilahad ng beteranong aktor na si Tirso Cruz III ang pakikipaglaban niya sa lung cancer noong 2014. Ngunit masaya ring ikinuwento ng aktor na pagkatapos niyang dumaan sa operasyon, ngayon ay "100 percent cancer-free" na siya.


Nag-uumapaw ang pasasalamat ng pamilya ni Tirso Cruz III sa advance 63rd birthday party ng batikang aktor na ginanap noong Sabado ng gabi, March 28, sa Valencia Events Place ni Mother Lily Monteverde sa #38 Valencia Street, Quezon City.

Literal na ‘celebration of life’ ang nangyari noong gabing iyon dahil sa pinagdaanang health emergency ni Tirso kamakailan.

Advance ang party dahil sa Miyerkules pa, April 1, ang actual birthday ng aktor na kilala sa showbiz sa tawag na Pip o Pipo.

Pero dahil pumatak ng Semana Santa ang kanyang kaarawan ay ginawa na ang selebrasyon last weekend.

Binasag na ng multi-awarded actor ang kanyang pananahimik hinggil sa pagkakaroon niya ng sakit last year, kung saan kinailangan niyang sumailalim sa isang maselang operasyon.

Sa simula ng party ay nagbigay ng kanyang testimonya ang birthday celebrator, at doon ay isinalaysay niya ang pagsubok na hinarap ng kanyang pamilya noong latter part of 2014.

THE DISCOVERY. Kuwento ni Pip, ayaw niyang nagpapa-checkup sa doktor dahil wala naman siyang nararamdaman.

Nang i-suggest ng second son nila ng misis niyang si Lynn Cruz na si Bodie na magpatingin siya ay napapayag siya. Ang panganay nila ay si TJ at ang bunso ay si Djanin.

(Tirso with wife Lynn Cruz and their children Bodie, TJ, and Djanin)

Doon natuklasan ang kanyang sakit.

“I was diagnosed with lung cancer. But friends, huwag kayong mag-alala dahil maganda ang ending nitong kuwento ko,” panimula ni Tirso.

Kuwento niya, may natagpuang lump sa baga niya nang magpa-checkup siya.

Hoping siya na matutunaw iyon ng gamot, pero hindi ito natunaw.

Nagpa-CT scan siya at nagpa-biopsy, ang resulta ay malignant ang lump o growth na nakita sa baga niya.

Abut-abot ang dasal ng premyadong aktor nang sabihin sa kanya ng doktor ang hindi magandang balita.

Ani Pip, naging smoker siya noong araw at feeling niya ay iyon ang resulta ng paninigarilyo niya dati.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

At that time ay ginagawa ng aktor ang Kapamilya teleserye na Hawak Kamay na pinagbidahan ni Piolo Pascual.

Humingi siya sa doktor niya ng ilang araw para makapag-taping nang sa ganoon ay hindi masira ang takbo ng istorya ng teleserye. So, nag-taping siya nang sunud-sunod na araw.

THE OPERATION. Martes ang last taping niya, kina-Miyerkules ay diretso na si Pip na nag-check-in sa ospital at inihanda na agad siya para sa isasagawang operasyon.

September 24, 2014 nang operahan si Tirso sa St. Luke’s Global City.

Emosyunal, natatakot, at nag-iiyakan ang mga anak niyang sina TJ at Bodie, lalo na ang bunso at only girl na si Djanin.

Tensiyonada rin ang misis niyang si Lynn dahil hindi biro ang operasyong iyon.

Bale 1/3 of his lower right lung ang tinanggal para maalis ang malignancy.

Sabi ng doktor ng beteranong aktor ay suwerte pa rin siya dahil yung iba nitong mga pasyente ay buong baga ang tinatanggal.

Biro ni Pip, ngayon ay may malaking “battle scar” na siya sa may kanang tagiliran, na more than a foot ang haba, kaya hindi na siya puwedeng maging “bold star.”

THE RESULT. Stage 2 ang cancer na natagpuan sa katawan ni Tirso.

After his operation ay sumailalim siya sa ‘adjuvant treatment’ na parang chemotherapy but more on preventive and not for curing.

Naka-four cycles siya ng adjuvant, na outpatient lang siya at hindi kailangang magpa-confine sa ospital.

Twenty days after the operation ay nag-report na siya sa set ng Hawak Kamay dahil kailangan nang makunan ulit ang mga eksena ng karakter niya.

Sa isang eksenang yayakapin siya ni Piolo, sinabihan niya ang Kapamilya matinee idol na mag-favor ang yakap sa gawing kaliwa dahil masakit kapag sa bandang kanan siya niyakap kung saan naroon ang kanyang malaking hiwa.

Aminado si Tirso na medyo napapraning siya nung mga panahon na iyon at nagigising siya sa gitna ng gabi na iniisip niyang baka may natira pang cancer cells sa katawan niya at hindi natanggal lahat ang mga ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tindi ng nerbiyos niya sa maaaring mangyari.

Para makasiguro ay nagpa-PET-CT scan siya, nagpa-blood test, at lahat.

Kaya lang ay hindi pala agad-agad nalalaman ang resulta nito, kaya nagpa-panic na ang misis niyang si Lynn.

Hindi ito makatulog sa pag-aalala kaya kinulit na nito ang mga doktor.

“Then came the result. The most wonderful news that God has given us, my whole family.

“Sinabi ng doktor, ‘You are now 100 percent cancer-free!’” sambit ng mahusay na aktor, na umani ng masigabong palakpakan mula sa kanyang mga bisita sa party.

Patuloy ni Pip, “I’m telling you this story not to put myself in the limelight as someone from showbiz na naka-experience ng ganitong harrowing experience.

“Not to scare you of this dreaded sickness, but to show you and to let you know that God still creates miracles in our lives.

“That God is still in the business of curing us!”

Aniya pa, noong tanggalin ang malignant growth sa katawan niya ay may mga nakita pang nodules, pero lahat ng mga iyon ay benign o negative ang resulta.

Kaya sobra-sobra ang pasasalamat niya sa Diyos.

GRATITUDE. For the past six months after his operation ay grabe ang takot at pag-aalala ni Tirso kung ano ang magiging resulta ng latest tests niya.

About two weeks ago lang idineklara ng kanyang mga doktor na malinis na siya at 100 percent cancer-free.

Nagpasalamat din ang batikang aktor sa mga kaibigan niyang artista na nakaalam ng tungkol sa sakit niya, ngunit inilihim ito dahil na rin sa kahilingan ng pamilya.

Maging ang ilang miyembro ng media ay nalaman din ito, pero hindi isinulat at nirespeto ang request ng mga Cruz.

Ayon kay Pip, ayaw niya itong ipaalam kaagad sa publiko dahil ayaw niyang mag-alala ang marami at baka may masabi pa ang ibang tao.

Ang gusto niya ay ibalita ang tungkol dito kapag okey na siya at nalampasan na niya ang pagsubok na ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May special thank you ang mag-asawang Pip at Lynn sa grupo nila of showbiz friends na kung tawagin ay Legends, kung saan kabilang si Senator Jinggoy Estrada.

Sabi ni Lynn, kahit nakakulong ito ay nagawa pa ring magbigay ng tulong ni Senator Jinggoy sa malapit na kaibigang si Tirso.

(Tirso with wife Lynn Cruz)

Sa ngayon ay balik na ulit sa normal ang buhay ni Pip, ngunit mas maingat na siya.

Nakapag-shooting na siya para sa pelikulang Honor Thy Father (na ang dating title ay Fonzi) na pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz.

“God is an awesome God! Thank you for this wonderful blessing! Praise the Lord!” ang masayang sambit ng active member of the Christian community na si Tirso Cruz III.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN