Robin Padilla to Senator Alan Peter Cayetano: "Wala akong personal na hangarin laban sa inyo."

Robin Padilla on Senator Alan Cayetano’s claim that political ties is behind the actor’s criticism of the senator’s anti-Bangsamoro Basic Law (BBL) stance: "Una po sa lahat ay wala pong kulay ng pulitika ang aking mga mungkahi patungkol sa inyo sa usapin ng BBL."


Pinabulaanan ni Robin Padilla na may kinalaman sa pulitika ang pagtuligsa niya sa posisyon ni Senator Alan Peter Cayetano kaugnay ng pagpasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL).

Isa si Senator Cayetano sa tutol na maipasa ang nasabing batas.

Matatandaang sa ginanap na forum para sa first anniversary ng peace agreement sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF), noong March 28, sinabi ng aktor na huwag sanang maging padalus-dalos ang mga mambabatas, tulad ni Senator Cayetano, sa pagtuligsa sa BBL.

Naantala ang pagpasa ng BBL dahil sa madugong trahedya sa Mamasapano, Maguindanao, na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP).

Ngunit sa kanyang Instagram post kahapon, March 30, ipinaliwanag ni Robin na wala siyang masamang intensiyon sa pagbanggit niya kay Senator Cayetano.

Pahayag ng aktor, “Sir Senator Alan Cayetano, una po sa lahat ay wala pong kulay ng pulitika ang aking mga mungkahi patungkol sa inyo sa usapin ng BBL.”

Nakarating kasi kay Robin ang sinabi ni Senator Cayetano sa isang panayam ng dzMM na kaya siya “tinutuligsa” ng aktor ay dahil kaalyado nito ang pamilya Tinga, na dating kalaban sa pulitika ng senador sa lungsod ng Taguig.

Ngunit iginiit ni Robin hindi niya personal na kinakalaban si Senator Cayetano.

Ayon pa sa aktor, walang kinalaman ang pakikipaglaban niya para sa BBL sa pagiging malapit niya kay Rica Tinga, na kumandidato bilang alkalde sa Taguig City noong May 2013 elections.

Ang maybahay ni Senator Cayetano na si Mayor Lani Cayetano ay kasalukuyang nanunungkulan bilang alkalde ng Taguig mula 2010.

Patuloy na paliwanag ni Robin, “Gusto ko pong linawin na hindi po ako direktang nakasuporta sa mga Tinga, ako po ay sumusuporta sa aking asawa at sa kanyang kaibigan na si Rica Tinga.

“Kung makakakuha po kayo ng aking talumpati noong gabi ng kampanya, malinaw po doon ang aking hangarin sa mga Tinga ay ang aking kampanya laban sa political dynasty at pork barrel.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinabulaanan din ni Robin ang pahayag ni Senator Cayetano na inimbitahan siya ng senador na bumisita sa Maharlika Village, sa Taguig City, upang makita ang mga development sa naturang Muslim community.

“Wala po akong natatanggap na imbitasyon mula sa lokal na gobyerno ng Taguig para mabisita ang inyong magagandang gawa.”

Diin pa ng aktor, “Sir Senator, wala akong personal na hangarin laban sa inyo.

"Ako po’y isang rebolusyonaryo na ang hawak ay katotohanan.

“Maraming salamat po sa pagbibigay ng panahon sa aking mga saloobin.

"Mabuhay ang katipunan at ang mga anak ng bayan.”

Isa si Robin sa mga bukas sa pagsuporta sa pagpasa ng BBL na itinuturing niyang isang magandang oportunidad upang tuluyang makamit ang kapayaan sa pagitan ng gobyerno at MILF.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN