Kid Kulafu star Buboy Villar admits getting starstruck meeting Manny Pacquiao for the first time

Buboy Villar still can’t believe his luck for having been chosen to star in Kid Kulafu, the Manny Pacquiao bioflick: “Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na may solo movie na ako. Biruin mo po, sa dami ba namang bata na nag-audition sa pelikulang ito ay ako yung masuwerteng mapili.”


Hindi raw naiwasang ma-starstruck ng dating Little Big Star finalist na si Buboy Villar nang makaharap niya ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa kanilang shooting ng pelikulang Kid Kulafu sa General Santos City.

Kuwento ni Buboy nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng Walang Tulugan with the Master Showman noong April 11, “Na-meet ko si Sir Manny Pacquiao nung nag-shooting kami sa GenSan.

“Yun yung nagpa-dinner siya dun sa mansion nila.

"Nakakatuwa kasi sinabi pa nga ni Sir Manny, 'Sino ba ang gaganap sa akin?'

“'Tapos sinabi ni Direk Paul [Soriano], 'Manny, ito nga pala si Buboy Villar, siya ang gaganap na Manny Pacquiao, siya yung gumanap sa 'yo.'

“Nung una, nakayuko ako, kasi hindi ko alam ang gagawin ko.

"Medyo kinakabahan ako, kasi hindi ko alam kung ano ang masasabi niya at kung ano ang magiging reaksiyon niya.

“'Tapos, pagtango ko, nagkatinginan kaming dalawa.

"Nakakatuwa, kasi iba talaga ang pakiramdam kapag kaharap mo yung ginagampanan mong tao.

“Mas lalo mong ipupursige na mas magampanan mo nang maganda yung role na ibinigay sa 'yo.”

Binigyan ba siya ni Pacman ng payo para lalong mapagbuti ang pagganap niya ng kanyang role?

Sabi ni Buboy, “Wala naman, nagkuwento lang siya tungkol sa buhay niya.

“May mga ipinanood sa akin si Direk Paul na mga videos niya.

"Pero 'pag kausap niyo siya at nagkukuwento siya ng buhay niya, iba talaga. Parang pasok na pasok sa puso mo."


LAUNCHING SOLO FLICK. Hanggang ngayon ay hindi pa rin daw makapaniwala si Buboy na mayroon na siyang pinagbibidahang pelikula.

“Feeling ko nga, nananaginip lang ako!

“Sabi ko nga, gisingin nila ako, kasi baka panaginip lang 'to at 'pag nagising ako, wala na.

“Pero sobra-sobrang masaya ako. I feel blessed kasi sa akin ipinagkatiwala ang pelikulang ito.

“Biruin mo po, sa dami ba namang bata na nag-audition sa pelikulang ito ay ako yung masuwerteng mapili,” saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ikinuwento ni Buboy kung papano siya napili para gampanan ang role bilang batang Manny Pacquiao.

“Nag-audition ako, hindi lang isang beses kung hindi marami.

“Kumbaga, halos isang taon din akong nag-audition dito. Siguro naka-apat na balik ako bago ko nakaharap si Direk Paul.

“Nung unang auditions ko, hundreds na bata, kasama ako doon. Kumbaga, ang title pa lang ng movie na yun, Oscars.

“Kasi during the audition ayaw pa yata ipaalam ni Direk Paul na Manny Pacquiao.

"Kasi baka ma-mindset yung mga mag-o-audition na mga bata na magboboksing-boksing dun, e, hindi raw puwede.

“Kaya malayo pa sa Manny Pacquiao ang inarte ko dun.

“Hanggang sa pangalawa, pangatlo, wala pa rin.

"Yung pangatlo, tinanong na yung mga sports ko, kung nagba-basketball ako, nagsa-soccer.

“Hindi pa sinasabi noon kung nagbo-boksing ba ako.

“'Tapos nung pang-apat, nandun na si Direk Paul. Sinabi na niya sa akin na ako na si Manny Pacquiao. 'Maghanda ka na.'

“Nagulat ako kasi hindi ko ini-expect na ako yung mapipili. Kaya sobrang saya ko."

Pag-amin ni Buboy, "Pero may takot ako kasi Manny Pacquiao, sobrang laking tao, sobrang sikat 'tapos gagampanan ko.

“'Tapos first time kong gaganap na totoong buhay, totoong tao, hindi lang basta-basta tao kung hindi People's Champ.

“So, yun, after nung meeting na yun, nag-start na ako ng matinding training and workshops.

“'Tapos boxing training for three months. Sobrang hirap, lalo na yung workout para magka-abs, boxing training.

“Pero yung sa pag-arte, hindi naman ako nahirapan. Bonding-bonding lang naman yun sa family.

“Nilalapit lang ako sa role bilang Manny Pacquiao.

“Nahirapan ako sa pagsa-shadow box sa at sa iba pang training.

"Ilang beses din ako bumabalik mula umaga hanggang hapon. Mga two or three hours training kaya medyo mahirap talaga.

“Nung nagsu-shooting nga kami... kasi parang ang dugyot-dugyot ko dahil sa dami ng oil sa katawan. Ang itim-itim.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"May mga nagsasabi, 'Boksingero ba 'yan?'

“May nagsasabi na kamag-anak raw ba ako ni Pacquiao?” tawa pa ng teen actor.


RESEARCH ON MANNY'S LIFE. Bilang bahagi ng kanyang pag-internalize sa kanyang role, ikinuwento rin ni Buboy na matinding research ang ginawa niya tungkol sa buhay ni Pacquiao.

Sabi niya, “Oo, nag-research ako.

"Yung mga movies niya dati, pati yung blow-by-blow fights.

“Inaral ko yung pagbu-boksing niya, yung pagsa-shadow fight, at sa tulong na rin ng mga coach ko, like coach Erwin Tagle at Coach Ben Bermudez.

Dahil sa intensive at makatotohanang training na ginawa niya para sa kanyang role, sinabi namin kay Buboy na puwedeng-puwede na rin siyang maging boksingero. Hindi ba niya naisip ito?

Pag-amin niya, “Oo, sumagi rin sa isip ko na mag-train bilang amateur. Try lang.

“Pero sa pro [division], hindi ko pa gaanong iniisip.

“During the time pa lang na nagti-training at nagsu-shooting, may mga nagbubulong na sa akin na mag-boxing na ako.

“Kaya naman medyo naeengganyo ako.

"Bakit hindi ko subukan? Magandang sport naman 'to.”

Ano naman ang masasabi ni Buboy sa mga nagku-comment na sadyang realistic daw ang portrayal niya kay Pacman?

Aniya, “Sa mga nagsasabi na nagampanan ko nang maganda yung role ko sa Kid Kulafu, maraming-maraming salamat.

“Nakakatuwa talaga at maganda yung kinalabasan ng paghihirap ko sa movie na ito—yung training at iba pa."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN