Janet Lim-Napoles found guilty of serious illegal detention

In a resolution signed by Judge Elmo Almeda of Makati Regional Trial Court, Janet Lim-Napoles is found guilty of serious illegal detention of complainant Benhur Luy for three months. Benhur accused Janet of detaining him for fear of exposure of her alleged pork barrel scam transactions involving certain legislators.


Nahatulan ng guilty si Janet Lim-Napoles dahil sa kasong serious illegal detention na isinampa laban sa kanya ni Benhur Luy sa Makati Regional Trial Court.

Ayon pa sa ulat ng GMA News Online ngayong araw, April 14, pinatawan ni Judge Elmo Almeda ng parusang reclusion perpetua o pagkakakulong mula 20 hanggang 40 taon si Janet.

Pinagbabayad din si Janet kay Luy ng P50,000 para sa civil damages at P50,000 para sa moral damages.

Kaugnay ito ng akusasyon ni Benhur na idinitena siya nang labag sa kanyang kalooban ni Janet sa Discovery Suites noong December 19, 2012 at sa pag-aaring retreat house ng businesswoman sa Lapu-Lapu Street, Magallanes Village, Makati City, mula December 20, 2012 hanggang March 22, 2013.

Ito ay sa kadahilanang pinagbibintangan diumano ni Janet si Benhur na palihim na nakikipagtransaksiyon ang huli sa mga kasabwat na negosyante at mambabatas sa pagkamal ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala bilang pork barrel scam.

Inakusahan din ni Janet si Benhur ng pagnanakaw ng perang nagkakahalaga ng P300,000 at pagkuha ng loan na nagkakahalaga ng P5.5 million na walang permiso ng businesswoman.

Ngunit iginiit ni Benhur na walang katotohanan ang alegasyong ibinabato sa kanya ni Janet at sinabing idinitena siya dahil sa takot ng negosyanteng ibulgar niya ang katiwalian nito.

Si Janet ang itinuturong utak sa likod ng pork barrel scam, habang si Benhur ay second cousin at dating empleyado sa JLN Corporation na pag-aari ng negosyante.

Matapos siyang bigyang-saklolo ng National Bureau of Investigation (NBI), ibinunyag ni Benhur ang tungkol sa mga diumano’y pekeng non-government organizations (NGOs) na itinayo ni Janet at tinanggap nitong PDAF na umabot daw ng P10 billion mula sa mga kasabwat na mambabatas.

August 2013 nang boluntaryong sumuko si Janet kay Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III sa Malacañang.

Habang ang kapatid ni Janet at kapwa-akusado sa serious illegal detention na si Reynaldo "Jojo" Lim ay pinaghahanap pa rin ng awtoridad hanggang sa kasalukuyan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Samantala, nakatakdang maghain ng apela ang kampo ni Janet dahil hindi umano nasuri nang maigi ang inihaing ebidensiya ng akusado.

“Maybe the Court of Appeals or the Supreme Court will appreciate [our evidence] better. Marami namang convictions na nare-reverse,” saad ng legal counsel ni Janet na si Atty. Bruce Rivera.

Desidido rin umano ang kanyang kliyente na iapela ang guilty verdict sa kaso nitong serious illegal detention.

Kasalukuyang nakaditena si Janet sa Camp Bagong Diwa, Taguig City dahil sa hiwalay na kaso nitong plunder.

Ilan sa mga diumano’y kasabwat na mambabatas ni Janet ay sina Senator Juan Ponce Enrile, Senator Bong Revilla, at Senator Jinggoy Estrada.

Si Senator Enrile ay pansamantalang nakaditena sa Philippine National Police General Hospital, habang sina Senator Revilla at Senator Estrada ay nakaditena sa PNP Custodial Center.

Ito ay sa kadahilanang tumanggap diumano ng kickback sina Senator Enrile (P172,834,500), Senator Revilla (P224,512,500), at Senator Estrada (P183,793,750) mula sa pakikipagtransaksiyon kay Napoles.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN