Maricar Sebastian on Mich Liggayu: “Sino ngayon ang mukhang pera sa aming dalawa?”

Binuweltahan ni Maricar Sebastian, ina ng yumaong si Jam Sebastian ng Jamich, ang kasintahan nitong si Mich Liggayu. Ani Maricar, pinagkakakitaan pa rin ni Mich ang kanyang anak kahit na namayapa na ito.


Hindi raw titigil si Maricar Sebastian, ina ni Jam Sebastian ng Jamich, hangga't hindi niya ito nabibigyan ng "katarungan."

Yumao si Jam noong March 4 dahil sa lung cancer.

Nakapanayam ng StarTalk si Maricar ngayong Sabado, April 18, tungkol sa isyung hatian ng ari-arian ni Jam at ng dating live-in partner nitong si Mich Liggayu.

Naniniwala si Maricar na mayroon siyang karapatang kunin ang bahagi ng kanyang yumaong anak sa mga naipundar nila ng naiwang fiancée na si Mich.

Pahayag ni Maricar, “Hindi ako humihingi ng simpatiya, hindi ako humihingi ng kakampi. Ang totoo lang ang sinasabi ko.”

Meron din siyang mensahe sa mga online bashers niya: “Ngayon, kung bubuwelta kayo sa akin, nakahanda akong mamatay.

“Paninindigan ko lahat ng sinabi ko kahit saan tayo mapunta.

“Ang sabi ko, gusto ko ng breakdown ng finances ng anak ko.

"Hindi ako stage mother. Ni singko wala akong pinakinabangan pagkasikat ng anak ko dahil may kanya-kanya kaming buhay.

“This time, namatay ang anak ko, ngayon, may karapatan ako."

Patuloy niya, “Ayoko sanang magsalita pero sobra, e, grabe.

“Hinihingi namin sa 'yo [Mich] ang gamit. Ano'ng sabi mo sa amin? Pag-iisipan mo.

“Hinihingi namin ang share, ano'ng binigay mo sa amin?

“Gusto mo sa 'yo lahat.

“Ang anak ko naghirap din diyan, hindi mabubuo ang Jamich kung walang Jam.

“Until now, pinakikinabangan mo.”


“MAAWA KAYO SA ANAK KO.” Naglabas din ng hinanakit si Maricar tungkol sa hindi raw pagpapaalam sa kanila nang kunin umano ng kampo ni Mich ang mga naipundar nila ni Jam sa bahay na tinirhan ng magkasintahan.

“Kinuha niya lahat ng gamit without informing us.

"Gamit ng anak ko kinuha niyo without informing us.

“Nung pumunta ako dun, nandun yung aircon, [na] kay Jam din, wala yung remote, dinala nila yung remote.

“'Tapos ang mga naiwan dun, ang mga kumot, mga unan na ginamit ni Jam at yung hospital bed na bago, pati yung wheelchair niya, yun na lang ang natira.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Binigay nila sa amin yung PC, walang hard drive.

“Yun lang ang remembrance ng anak ko na dapat sa amin, kinuha niyo pa.”

Naniniwala rin si Maricar na hanggang ngayon ay may nakukuha pa umanong pera si Mich sa itinatag nilang YouTube channel nila ni Jam.

“Namatay ang anak ko, ang cellphone ng anak ko, hiniram mo kay Yexel [Jam's brother], ano ginawa mo?

"Ni-log out mo ang Facebook, ni-log out mo ang e-mail, ni-log out mo lahat.

"Ni-log out mo ang Jamich page... during the wake 'yan.

"Bakit? Para mawalan kami ng access dahil alam mo sa Jamich page pinagkakakitaan niyo 'yan na until now sinabi niyo na-hack.

“'Tapos sa Google ng anak ko, ni-log out mo ang email.

"Bakit? Kasi dun pumapasok ang suweldo niyo for YouTube na, until now, ikaw ang nakikinabang.

“Kaya sino ngayon ang mukhang pera sa aming dalawa? Sino ang mukhang pera?

“Sobra nang panggagamit ang ginagawa niyo sa anak ko.

“Pinagkakakitaan niyo ng pera ang anak ko. Until now, ginagamit niyo siya.

“Please lang, maawa kayo sa anak ko!”

Hindi rin naniniwala si Maricar sa pahayag ni Neo Domingo na walang namagitan sa kanila ni Mich noong buhay pa si Jam.

Buwelta ni Maricar kay Mich, “Tuwing madaling-araw, saan ka nagpupunta? Hindi ka natutulog sa bahay.

“Kung sasabihin mong magkaibigan nga kayo, bakit mas marami ka pang time sa kanya [Neo]?

“Nasaan ka na alam mong kailangan na kailangan ka ni Jam?”

Itinanggi rin ni Maricar na pumayag siyang i-mercy killing na lang ang anak at sinabing hindi niya iyon magagawa.

Samantala, tumanggi naman si Mich na magbigay ng pahayag, ayon sa Startalk.

Bukas ang website na ito sa kanyang panig.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN