Bianca Manalo ditches non-showbiz boyfriend for good: "Wala na. I’m happy now."

Bianca Manalo on her single status: "Busy ako ngayon, e. So, parang wala rin akong time para mabigyan ng oras yung lovelife na ‘yan. If it will happen, it will happen. Darating ‘yan.”


Inihayag ni Bianca Manalo na wala nang pag-asang magkabalikan pa sila ng kanyang non-showbiz boyfriend na nagmamay-ari ng ilang kilalang restaurant at bar sa Bonifacio Global City.

Humigit-kumulang isang taon at kalahati ang itinagal ng kanilang relasyon.

“Wala. Wala na. I’m happy now,” maiksing pahayag ni Bianca nang usisain tungkol dito.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at isa pang entertainment reporter si Bianca bago mag-umpisa ang programa ng Cream Silk Portraits, kung saan kabilang siya sa brand ambassadors.

Ginanap ito sa Solaire Theater noong Martes ng gabi, April 21.

Matatandaang ibinahagi ni Bianca sa isang panayam na nakita niyang may kasamang ibang babae ang ex-boyfriend noong Pebrero.

Ngunit sinubukan pa rin umano ng ‘di pinangalanang lalaki na makipagbalikan sa kanya noong Valentine's Day.

Tanong ng PEP: Patuloy pa rin ba siyang sinusuyo ng kanyang ex-boyfriend?

Paiwas na sagot ni Bianca, “Ayoko na mag-comment. No comment na.”


BUSY. Ini-enjoy raw muna ni Bianca ang pagiging “single.”

Lalo na ngayong nakatakda siyang bumalik sa pag-arte sa upcoming teleserye ng ABS-CBN, ang On The Wings of Love, na pagbibidahan nina James Reid at Nadine Lustre.

“Lovelife? Sa ngayon busy ako, e.

“Mas masaya akong… parang mas maganda yung career ko ngayong single ako!” natatawang pag-amin ng 27-year-old beauty queen-turned-actress.

Hindi man daw magandang pakinggan, ngunit sa puntong ito ng kanyang buhay ay naniniwala si Bianca sa kasabihang “unlucky in love, lucky in career.”

“Yeah, parang ganun, kasi busy ako ngayon, e.

“So, parang wala rin akong time para mabigyan ng oras yung lovelife na ‘yan.

“If it will happen, it will happen. Darating ‘yan.”


NO REGRETS. Bago niya nakarelasyon ang naturang restaurant owner, hindi rin nagtagal ang pakikipagrelasyon ni Bianca sa ex-boyfriend niyang si John Prats.

Ngunit nananatiling positibo ang pananaw ni Bianca pagdating sa pag-ibig.

“When you love [dapat], todo, para wala kang pagsisisi sa dulo. No regrets, just lessons learned.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wala ring kaso kay Bianca kung mula sa showbiz o non-showbiz ang kanyang susunod na makakarelasyon.

“Darating ‘yan. I’m not closing any doors. Darating ‘yan.”

Samantala, excited na si Bianca mag-taping para sa On The Wings of Love sa Sabado, April 25.

Matagal din siyang hindi napanood sa ABS-CBN, kung saan siya nagsimulang pumasok sa showbiz matapos niyang maging Bb. Pilipinas-Universe noong 2009.

“Yeah, ang tagal ko rin nagpahinga, na-miss ko talaga.

“Iba kapag Kapamilya, kasi dun ako nag-start, e.

"Mas kumportable ako, mas kilala ko lahat,” sabi ni Bianca.

Sa huli, nabanggit ni Bianca na gaganap siya bilang nakatatandang kapatid ni Nadine sa On The Wings of Love.

“Para kaming Toni and Alex Gonzaga banter daw so makulit yung role ko dun.”

Bukod dito ay abala rin si Bianca sa shooting ng pinagbibidahan niyang pelikula na pinamagatang Buhay Nanay, na iprinodyus ni Claire dela Fuente para sa Department of Education.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN