Robin Padilla on Kylie’s new BF: “Kung ano ang ikaliligaya ng anak ko, maligaya na rin ako.”

Robin Padilla details the urgency of his planned trip to Spain, where he and wife Mariel Rodriguez will be staying indefinitely: “Ang plano ko ay puntahan yung mga archives nila doon at kung may makita ako ay isasama ko sa museum ng family namin na tatawagin naming Museo de Padilla.”


Hindi pa rin nagbabago ang desisyon ni Robin Padilla na umalis ng bansa.

Mangyayari nga raw ito kapag natapos na ang commitment niya para sa second season ng kanyang sitcom sa TV5 na 2 ½ Daddies.

Nagpaalam na nga raw si Robin sa mga bossing ng TV5 sa kanyang planong pag-alis dahil kailangan niyang i-research ang kanilang family tree sa Spain.

Ayon pa sa aktor, may itatayo kasi silang museum at gusto ni Robin ay maayos ang pag-research niya sa Padilla family tree.

“Dalawa ang lugar na puwedeng pinag-ugatan ng mga Padilla, sa Toledo at sa Sevilla in Spain.

“Ang plano ko ay puntahan yung mga archives nila doon at kung may makita ako ay isasama ko sa museum ng family namin na tatawagin naming Museo de Padilla.

“Dito naman po sa atin, medyo magulo po kasi ang pinag-ugatan ng Padilla.

“Originally, ang Padilla ay taga-Nueva Ecija po. Pero may mga Padilla din na taga-Bulacan.

“Isama na natin ang mga Padilla sa Bicol at sa ibang parte pa ng Pilipinas.

“Kaya kailangan ko talagang i-research nang husto ang tungkol sa pamilya namin sa mga archives at documents doon sa Spain.

“Kaya matatagalan talaga ang pag-stay ko roon,” pahayag pa ni Robin sa naganap na press conference para sa second season ng 2 ½ Daddies last April 20, sa Annabel’s Restaurant along Tomas Morato Avenue, Quezon City.

Kasama raw ni Robin ang kanyang misis na si Mariel Rodriguez sa kanyang pagpunta sa Spain.

“Opo at hindi ko puwedeng hindi isama ang interpreter ko!” sabay tawa pa ni Robin.

“Kaya nag-aaral ngayon si Mariel ng Spanish para kapag ready na kaming umalis ay handa na rin siyang makipag-communicate sa mga tao roon.

“Hindi ko siya puwedeng hindi isama at mahihirapan akong makipag-usap sa mga Kastila roon.”

TALENTADONG PINOY ON-HOLD. Dahil sa desisyong ito ni Robin, hindi na muna matutuloy ang balak na magkaroon ng bagong season ang Talentadong Pinoy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagpaalam na kasi ako kay Ma'am Wilma Galvante. Sinabi ko na sa kanya yung mga plano ko pagkatapos ng 2½ Daddies.

“Wala namang naging problema. Alam naman kasi nila na importante po sa akin ang biyahe kong ito.

“Para ito sa pamilya namin at sa plano naming magtayo ng museum.

“Nagpapasalamat nga ako sa TV5 dahil sa pagbigay nila sa amin ng second season ng 2 ½ Daddies. Hindi namin inaasahan talaga ito,” ngiti pa niya.

THANKFUL FOR MARIEL'S NEW SHOW. Thankful din si Robin sa pagkakaroon din ng show ni Mariel.

“Isa pa pala yun sa pinagpapasalamat ko sa TV5.

“Noong tanungin nga ako kung papayag ba akong maging isa sa hosts ng Happy Wife, Happy Life si Mariel, um-oo kaagad ako.

“Kasi gusto mong maging masaya na ang misis ko. Matagal siyang nalungkot sa pagkawala ng baby namin. Ayokong gano’n siya.

“Baka kasi papunta na siya sa hindi magandang estado kaya sabi ko na panahon na para magtrabaho na siya ulit.

“Iba ang sayang dinala ng show na iyan sa misis ko. Nagkaroon ulit siya ng sigla at nakita ko siyang ngumingiti at tumatawa ulit,” pagpapasalamat niya.

ON KYLIE'S NEW BF. Hiningan din ng komento si Robin tungkol sa nababalitang bagong boyfriend ng kanyang anak na si Kylie Padilla.

Kumalat sa social media ang litrato ni Kylie kasama ang rumored boyfriend nito na nagngangalang Matt Henares, anak nina Ronnie at Yda Henares na pinsan din ng Kapuso actress na si Rhian Ramos.

“Kung ano ang ikaliligaya ng anak ko, maligaya na rin ako.

“Hindi na natin kasi mapipigilan ang paglaki at pagtanda ng mga anak natin. Nasa stage na sila na kaya na nilang magdesisyon para sa sarili nila.

“Alam ko naman ang mga nangyayari sa buhay ng mga anak ko at masaya akong makitang masaya rin sila.

“Bilang ama, iyon ang gusto kong makita sa mga anak ko. Yung masaya sila,” ngiti pa ni Robin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung dati'y hindi pabor si Robin sa pakikipag-boyfriend ni Kylie kay Aljur Abrenica, ngayon ay tila mas kampante na siya sa sitwasyon nito kay Matt.

“Sabi ko lang kay Kylie na huwag masyadong seryoso. Bata pa naman siya. Mag-enjoy lang siya.

“Ayoko kasing mabalitaan na nalulungkot ang mga anak ko.

“Gusto ko ay parati silang masaya sa buhay nila,” pagtapos pa ni Robin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN