Ejay Falcon admits being a big fan of Angel Locsin: "Superstar na yun, sikat po talaga siya."

Naghayag ng panghihinayang si Ejay Falcon na hindi man lang niya nakaeksena ang kanyang idolong si Angel Locsin sa Maalaala Mo Kaya. Pero kahit papaano raw ay nakausap niya ito sa set, at puring-puri niya ang Kapamilya actress dahil napakabait daw nito.


Labis ang panghihinayang ni Ejay Falcon na hindi niya nakaeksena ang idolo niyang si Angel Locsin sa espesyal na two-part episode ng drama anthology ng ABS-CBN na Maalaala Mo Kaya (MMK).

Sa MMK episodes na ito ay bibigyang-pugay ang buhay ng dalawa sa 44 Philippine National Police-Special Action Force commandos, o Fallen 44, na nasawi sa Mamasapano massacre.

Sa unang episode na ipinalabas noong nakaraang Sabado, April 25, ay ginampanan ni Coco Martin ang papel ni Senior Inspector Garry Erana.

Sa episode naman na ipalalabas sa May 2, gagampanan ni Ejay ang papel ni Police Inspector Rennie Tayrus.

Sabi ni Ejay tungkol kay Angel, “Wala, wala kaming eksena.

"Pero nakakuwentuhan ko naman siya, napaka-humble niyang tao.”

Crush ba niya ang 30-year-old Kapamilya star?

Tugon ng 25-year-old na binata, “Sobrang fan talaga ako ni Miss Angel at pangarap ko talaga siyang makatrabaho.

“Kasi po, dito sa ABS-CBN, siya yung nakikita kong mag-a-aksiyon, magda-drama, nagsi-sexy.

"Parang ako din po yun, e.

“Ako din kasi nag-a-aksiyon din ako, nagda-drama din ako, and sa Pasion de Amor [upcoming teleserye nito], medyo sexy yung tema.

"So, parang nakikita ko na sa lahat ng babae, siya lang yung nakikita kong nag-a-aksiyon.

"Kaya yun, pangarap ko siyang makatrabaho.

“And alam naman po nating superstar na yun, sikat po talaga siya.”

Kung walang Luis Manzano si Angel, liligawan ba ni Ejay ang aktres?

Natatawang sagot niya, “Wala! Wala po, paghanga lang talaga yun bilang artista at saka napaka-humble na tao.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang miyembro ng media si Ejay sa pocket presscon nito para sa Part 2 ng Maalaala Mo Kaya, na ginanap sa 13th floor ng ELJ Bldg. sa ABS-CBN, Martes ng hapon, April 28.

SINGLE @ 25. Twenty-five years old na si Ejay at pitong taon na siya sa showbiz, pero wala pa rin siyang pormal na naipakilalang girlfriend sa publiko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bakit nga ba single pa siya?

Sagot niya, “Wala, e. Wala pa, e... wala pang dumating, e.

“Basta ‘pag may dumating, sigurado po, ipapaalam ko talaga.”

Naghahanap ba siya ngayon ng magiging girlfriend?

“Hindi naman ako naghahanap kasi mahirap hanapin.

“Ang oras ko pa, segue-segue na ako sa taping.

“Hindi ko naman hinahanap. Alam ko naman na kusang darating. Lahat naman ‘yan darating, e.

"Hindi naman ako yung pupunta sa club para maghanap ng babae, or manligaw, or para makahanap.

“Hindi ko rin kinukulit yung mga kaibigan ko na, ‘Uy, baka may kakilala ka, ipakilala mo naman ako.’

“Hindi naman ako ganun.

"Basta ‘pag dumating sa buhay ko at talagang okay kami, baka possible. Baka posibleng mangyari yun."

Biro naman ng press sa kanya, baka naman ibinuhos na niya ang kanyang sarili sa pagpapayaman?

Natatawang tugon ni Ejay, “Hindi naman sa nagpapayaman.

"Pero priority ko talaga ang pamilya ko, mga kapatid ko. Panganay po kasi ako."

#MMKBRAVE44. Sa ilang araw na taping ni Ejay para sa MMK, sumagi raw sa kanyang isip ang hirap na pinagdaanan ng mga pulis para lamang ipagtanggol ang ating bayan.

Sabi pa niya, “Napakasuwerte ko at nabubuhay ko ang pamilya ko na hindi kailangang manganib ang buhay ko.”

Ang unang episode nito na tinampukan nina Coco at Angel ay nakapagtala ng lagpas sa 30 percent audience share sa ratings, base sa tala ng Kantar Media.

Hindi naman daw napi-pressure si Ejay pagdating sa ratings dahil ang mahalaga ay maipakita sa publiko ang kapuri-puring kuwento ng maraming pulis na gumagawa ng kabayanihan para sa bayan.

Hangad din niyang magkaroon ng hustisya ang kalunos-lunos na sinapit ng tinaguriang #Fallen44.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN