Nora Aunor hits out at PNoy administration on Mary Jane Veloso’s case: "Tumawag? Bakit last minute lang?"

Kung sakaling isasapelikula ang buhay ni Mary Jane Veloso, willing daw ang Superstar na si Nora Aunor na tanggapin at gampanan ito kung iaalok sa kanya ang role.


Malapit sa puso ni Superstar Nora Aunor ang overseas Filipino workers (OFWs), lalo na iyong mga nakakulong at nahatulan ng kamatayan, dahil minsan na niyang ginampanan sa pelikulang The Flor Contemplacion Story (1995) ang buhay ng isang Pinay domestic helper na binitay sa pamamagitan ng pagbigti sa Singapore.

Kaya naman nakikisimpatiya si Nora sa pinag-uusapan ngayong Pinay death row convict na si Mary Jane Veloso, na nakatakda sanang bitayin sa Indonesia sa pamamagitan ng firing squad kaninang madaling-araw, April 29, kasama ang walong iba pang drug convicts.

Pero ibinalita na ipinagpaliban ang pagbitay kay Mary Jane habang natuloy na bitayin ang walong kasama niya.

Napigilan ang pagbitay dahil sa natanggap ng Indonesian authorities at government na request mula sa Pilipinas pagkatapos na sumuko sa mga awtoridad ang recruiter ni Mary Jane, na umano’y konektado sa drug syndicate.

Ang recruiter umano ang nagpadala kay Mary Jane ng bagahe na naglalaman ng ipinagbabawal na droga, na nahuli sa airport ng Indonesia.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media ang Superstar sa presscon ng pinagbibidahan niyang pelikula, ang Taklub, na napiling entry sa Un Certain Regard section ng 68th Cannes International Film Festival na gaganapin sa darating na May 13 to 24.

Isinagawa ang presscon kahapon, Abril 28, sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Ayon kay Nora, sinusuportahan naman niya ang pagkilos na ginagawa ng grupong Migrante para kay Mary Jane.

Nalulungkot nga raw siya sa nangyayari ngayon kay Mary Jane.

Saad ng Superstar, “Actually, yung kay Mary Jane, ikinukuwento nila [Migrante] sa akin na dapat hindi na nangyari.

“Dapat naman talaga maging yung sa ibang kababayan natin na nagtatrabaho sa ibang bansa na sana nga ay wala nang mangyaring ganyan.

“Kung hangga’t maaari dapat kasi katulong din natin… hindi lang tayong mga Pilipino, mga kababayan natin ang nagtutulung-tulong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang pinakaimportante kasi diyan ay kung sino ang nasa itaas, ang nasa gobyerno natin, kung sino yung dapat magsalita na ‘Tulungan natin iyan o tulungan natin dito.’

“Dapat maglagay ng tao para asikasuhin kung ano ang dapat asikasuhin.”

Ano ang masasabi niya sa ginawang last-minute call ni Pangulong Noynoy Aquino para pigilan ang pagbitay kay Mary Jane?

Sabi ni Nora, “Tumawag? Bakit last minute lang?

“Ang sa akin naman, hindi sa ano pa mang bagay, kung nabalitaan na natin na mayroong ganyan, dapat noon pa may nag-asikaso na.”

Sa tingin niya, may naging pagkukulang ang gobyerno natin sa pangyayaring ito?

“Mayroon, malaking pagkukulang, malaking pagkukulang talaga, yun lang ang masasabi ko.

“Kaya nga kailangang samahan yung mga nakikipaglaban, e, para maipagtanggol yung mga kababayan natin katulad ni Mary Jane at ni Flor Contemplacion.”

May mensahe ba siya para sa pamilya ni Mary Jane?

Saad ni Nora, “Sa pamilya niya, dapat nagkita kami, pero pasensiya na po kayo at hindi ako nakarating doon sa usapan po natin.

“Mayroon po akong importanteng ginawa kaya hindi po ako nakarating.

“Pero magkikita po tayo at makikilala ko po kayo.”

Kung sakali raw na isasapelikula ang buhay ni Mary Jane, willing daw si Ate Guy na tanggapin at gampanan ito kung iaalok sa kanya ang role.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN