Kiko Pangilinan on wife Sharon Cuneta being paired with Richard Gomez or Robin Padilla: “Oo naman, sabi nga nila, ’Basta happy wife, happy life.’”

Senator Francis "Kiko" Pangilinan is not aiming for a higher office if he decides to run in 2016, "Baka re-elect lang. Ayaw ko na ng dagdag na sakit ng ulo, e."


Itinuturing ni former Senator Francis "Kiko" Pangilinan na magandang regalo para sa kanilang 19th wedding anniversary ni Sharon Cuneta ang natanggap ng aktres na Dolphy Lifetime Achievement Award: Ulirang Alagad ng Sining sa katatapos na 6th Golden Screen TV Awards last Sunday, April 26.

“Nagpapasalamat ako sa naturang parangal, dahil nakita naman natin yung kanyang talagang dedikasyon sa kanyang propesyon, sa kanyang trabaho.

"Napakadaming sakripisyo ang kanyang ginawa, so ito ang nagbibigay-inspirasyon pa rin sa kanya na ipagpatuloy ang kanyang ginagawa,” pahayag ng dating senador sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong awards night.

“Oo, magandang regalo ito, tamang-tama, nineteen years na kami kaya kasama ito sa aming selebrasyon,” dagdag pa niya.

“Secret,” nakatawang saad naman niya nang tanungin kung ano ang gift niya kay Ms. Sharon.

Noong April 28 ang wedding anniversary nila.

ALL-OUT SUPPORT. Nagpahayag din ng kagalakan ang dating senador sa pagiging active muli sa showbiz ng kanyang maybahay.

Sabi ni Kiko, “Oo naman, happy ako…. masaya siya at tuluy-tuloy na naman ang kanyang trabaho… tumigil siya ng ilang buwan, e.

“So, maganda… it’s something that she’s looking forward to every week na may trabaho siya.”

All out din daw ang support niya sa Megastar, “Siyempre, oo.

"Kung saan siya masaya,” nakangiting saad ng esposo ni Sharon.

“Of course, you know, that’s her life,” pahabol pa niya.

Inusisa rin ng PEP kung nahihirapan si ex-Senator Kiko sa ginagawang pagpapayat ni Sharon?

“Hindi naman, alam naman niya na kasama sa trabaho niya yun.

“Nakikita naman na kahit papaano ay maganda ang resulta and focused na siya ngayon, she’s really focused on it.

“Mahirap gawin iyan, kaya malaking sakripisyo din sa kanya iyon ‘no? So tayo, siyempre suporta na lang tayo.”

Ine-encourage ba niya na mag-reduce si Ms. Sharon?

“Well, siya mismo ang gusto na talagang mag-reduce.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre, we just support her and encourage her.

“Sa akin siyempre, para sa health din, hindi lang sa itsura, ‘di ba?

“Whether physically… kung maganda ba o pangit, ang importante diyan, yung kalusugan, e.”

SACRIFICE. Ipinahayag pa ng dating senador na ang ginagawa ni Sharon ay pagpapatunay kung gaano niya talaga kamahal ang propesyong ito.

“Oo nga, ang laki ng isinakripisyo niya, ‘di ba? Since her teenage… hindi pa nga siya teenager, ‘di ba?”

ACCEPTANCE. Lagpas kalahati ng buhay ni Sharon ay nasa showbiz, “Tama, tama. It’s really something that’s part of her life.”

May instance ba na parang nagseselos siya kapag mas nakatutok ang asawa sa showbiz?

“Hindi naman, kasama sa pagkatao niya yun, ‘di ba,” matipid na sagot pa niya.

Sa tingin ba niya, hindi talaga maaalis yung showbiz kay Ms. Sharon?

“E, siyempre, kapag naging ganoon ang naging attitude natin, hindi siguro tayo tatagal ng nineteen years.

“Dapat tanggap mo lahat sa kanya, lalo na itong showbiz na bahagi na talaga ng buhay niya,” nakangiting saad pa niya.

Posible kayang mapanood ang Megastar sa pelikula this year?

“Iyon ang hindi ko alam, as soon as she’s back in fighting form…

“Ang alam ko, yung teleserye ay magkakaroon na this year. I don’t know about the movie.”

SCREEN PARTNER. Okey lang ba sa kanya na matambal ulit si Sharon kina Richard Gomez o Robin Padilla?

“Basta magandang project at magiging maayos ang kanilang trabaho, walang problema.”

Sabi pa ng dating senador, buo ang suporta niya basta masaya ang asawa.

“Oo naman, sabi nga nila, 'Basta happy wife, happy life,'” nakangiting pahayag pa niya.

Inusisa rin namin siya ukol sa pulitika. Plano ba niyang sumabak sa puwesto na mas mataas sa senador?

“Naku, hindi ko pa naiisip kung ano'ng plano, baka re-elect lang.

“Ayaw ko na ng dagdag na sakit ng ulo, e," nangingiting saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi pa sigurado, but if ever baka ganoon lang [senador].”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN