Mich Liggayu defends self from accusations of Jam Sebastian’s mom

Mich Liggayu on accusations of Maricar Sebastian, Jam’s mom: “Ayoko lang po talaga magsalita pa, dahil ayaw ko pong pagbintangang sinisiraan ko siya. Ayoko pong manggaling sa akin.”


Bukas, May 2, ay live na magsasalita sa Startalk ng GMA Network si Mich Liggayu.

Inaasahang sasagutin ni Mich ang mga isyung ibinato sa kanya ni Maricar Sebastian, ang ina ng yumao niyang kasintahan na si Jam Sebastian.

Ngunit bago ito ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang 24-anyos na dalaga ngayong araw, May 1.

Sinabi ni Mich na nahirapan siyang sagutin si Maricar dahil ina ito ng lalaking minahal niya, ngunit kailangan niyang ipagtanggol ang kanyang sarili.

“Ayoko na po sanang magsalita. Kaya lang, hindi na po maganda ang tingin sa akin ng mga tao.

“Malaki po ang paggalang ko kay Tita Maricar at ina siya ng taong minahal ko nang husto, kaya sana pagkatapos ko pong magsalita, sana tama na po.”

Maraming gustong linawin si Mich na mga isyung inilabas ni Maricar.

Gusto raw sana niyang linawin ang tungkol sa hatian ng perang ibinigay sa kanya ng Globe, ngunit ayaw niyang idetalye ang transaksiyon.

Kaya ang ina ni Mich na si Shyn Liggayu ang nagpaliwanag sa aming ang anak lang daw niya ang nakapirma sa kontrata nila sa Globe.

Sabi ng ina ni Mich, “Nung buhay pa si Jam, sinasabi niya kay Mich na bahala na ang anak ko sa kontrata dahil siya na lang naman talaga ang gumagawa nun.

“Si Mich na nga lang ang nakapirma dun.”

Kahit wala na si Jam, nag-decide na rin daw silang ibigay pa rin kay Maricar ang share na dapat para sa kanyang anak.

Ibinawas na raw nila ang ilang expenses, kagaya ng suweldo sa kasambahay, dahil share naman daw talaga sila sa lahat ng gastos.

Ayon kay Mich, si Maricar ang kumuha ng kasambahay na iyon para kay Jam.

TAKING CARE OF JAM. Sa ilang mga panayam ni Maricar, parang pinapalabas nitong hindi na gaanong nagbabantay si Mich kay Jam sa hospital.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi naman ni Mich tungkol, "Hindi lang po ako ang nagbabantay kay Jam. Pati po ang mommy at daddy ko."

Singit ng ina ni Mich, “Lagi kami nakabantay kay Jam. Madalas nga nun, ako pa ang kinakausap ng doktor kesa sa mommy niya.”

Ang isa pang gustong iparating ni Mich sa lahat, magmula raw nang magkasakit si Jam, kahit nung wala pa itong sakit, nandiyan daw siya para mag-alaga sa kanyang kasintahan.

Gusto namang iparating ng kanyang ina na si Shyn na hindi raw madalas na dumadalaw noon si Maricar sa kanilang bahay nung may sakit na si Jam.

Nag-aalangang sabi ni Mich, “Ayoko lang po talaga magsalita pa, dahil ayaw ko pong pagbintangang sinisiraan ko siya. Ayoko pong manggaling sa akin.”

Sa takbo ng mga kuwento ni Mich at ng ina nito, lumalabas na sila raw talaga ang nag-aalaga kay Jam noon pa.

Nitong bandang huli lang daw tumutok nang husto si Maricar sa pag-alaga sa kanyang anak.

CELEB VISITORS. Ang isa pang gustong linawin ni Mich ay hindi raw si Jam ang humiling na gusto niyang dalawin siya ng mga kilalang celebrities noon sa hospital.

Sabi ni Mich, “Tinanong po kasi yun ni Jam na bakit nagpapapunta pa ng mga artista.

"Pero hindi po talaga si Jam ang may gusto niyan."

Kapag nakikita raw kasi ni Jam sa TV na ibinabalita ang mga kilalang artista na dumadalaw sa kanya, nahihiya raw ito.

Pero bawi ni Mich, “Yung kay Vice [Ganda] po, alam ko po gusto niya yun, kasi gusto naman talaga niya si Vice.”

Pero nang nakita raw ni Jam sa TV na may mga iba pang hinihiling ang kanyang ina na kung puwedeng dumalaw sa kanya, pinigilan daw ito ni Jam dahil nahihiya raw siya.

Ipinakita pa sa amin ng ina ni Mich ang litrato ng ilang sulat ni Jam na pinipigilan ang kanyang inang magtawag ng mga artistang dumalaw dahil nakakahiya raw ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NOT TO FIGHT. Bukas, sa Startalk, ay gustong linawin lahat ni Mich ang mga isyung kinasangkutan niya.

Kagaya ng pag-away raw niya kay Jam nung nakaratay na ito sa hospital, pati ang pagkaka-link nito sa baguhang singer na si Neo Domingo.

Sabi ni Mich, “Magsasalita po ako, hindi po para makipag-away kay Tita Maricar.

“Kaya kapag tinatanong po ako kung ano ang message ko sa kanya, ayoko pong magsalita, kasi gusto ko po sana magharap kami.

“Open naman po ako anytime na mag-usap kami dahil wala naman po akong galit sa kanya.

“Wala po kaming itinatago, kaya sana po makapag-usap po kami.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN