A netizen reacts to Mary Jane Veloso’s mother’s statement against PNoy

Mrs. Celia Veloso’s statement against President Noynoy Aquino became a hot topic among netizens recently, majority of whom, are dismayed by her comments. One netizen posted an open letter to Mrs. Veloso.


Marami ang nadismaya sa naging reaksiyon at pagbatikos na ginawa ng ina ni Mary Jane Veloso na si Celia Veloso laban kay Pangulong Noynoy Aquino at sa gobyerno.

Kaugnay ito sa kaso ni Mary Jane sa bansang Indonesia at sa hatol ditong bitay dahil sa pagkakahuli rito sa pagdadala ng ilegal na droga papasok sa nabanggit na bansa.

MARY JANE EXECUTION POSTPONED. Noong nakaraang Miyerkules, April 29, ay masayang bumungad sa mga Pilipino ang magandang balita tungkol sa pagkaantala ng pagbitay kay Mary Jane.

Itinuturong isa sa mga dahilan ng pagkakaantala ay ang pagsuko sa pulisya ng sinasabing recruiter ni Mary Jane na si Maria Kristina Sergio nung Martes, April 28.

Si Sergio diumano ang nagpadala kay Mary Jane ng suitcase na naglalaman ng 2.6 kg na heroin papasok ng Indonesia.

Ayon pa sa mga ulat, dahil sa pagsukong ito ay nagkaroon ng pag-uusap sina Indonesian President Joko Widodo at Pangulong Aquino hinggil sa kaso ni Mary Jane, at sa posibilidad na pagkaka-dismiss nito sa grounds na biktima lang ng human trafficking ang Pinay migrant worker.

Samantala, nakalipad na sa Indonesia noon ang pamilya ni Mary Jane para sa mga huling sandali sana nito.

Ngunit naantala nga ang pagkakabitay rito, kaya't masayang sinalubong ng mga Pilipino ang pamilya Veloso nang bumalik na ito sa Pilipinas mula sa Indonesia.

Sabik na marinig ng mga Pilipino ang mga balita tungkol sa kalagayan ni Mary Jane mula sa ina nito na si Gng. Veloso, ngunit taliwas sa mabuting balitang inaasahan ay ibang klaseng paghayayag ang narinig dito.

Sa press conference na inihanda pagkarating nito sa Indonesia, nagsalita si Gng. Veloso laban sa Admininstrasyong Aquino.

"Nagpapasalamat ako sa inyo, nang dahil sa inyo ay nakilala kami nila Ma'am Connie [Regalado, Migrante International chairperson]," pauna muna ni Gng. Veloso na pasasalamat sa mga taong sumuporta sa kanila.

“Matagal na panahon na natulog ang kaso ng anak ko. Nagpapasalamat kami sa mga pari, teacher, kabataan na sumusuporta sa anak ko at sa mga nasa ibang bansa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung hindi sa inyong tulong ay hindi ko alam at baka nawalan na ako ng bunso.

"Ngayon ay nandito na kami sa Pilipinas ay marami kaming sisingilin sa gobyerno," simula na ni Gng. Veloso na pagsumbat sa Administrasyong Aquino.

“Sabi nila sa kanila nanggaling kung bakit hindi natuloy ang bitay ng anak ko, hindi totoo yun.

"Hanggang sa ngayon, niloko pa rin kami. Akala namin, siya ang gumawa ng paraan para mailigtas ang anak ko," tukoy ni Gng. Veloso kay Presidente Noynoy.

Dahil sa mga pahayag niyang ito, naging maingay sa social media sites ang ilang reaksiyon ng netizens.

Kahit ang mga hindi supporters ng Pangulo ay hindi sang-ayon sa sinabi ng ina ni Mary Jane.

Isang open letter naman ang naging viral sa Facebook kunsaan tila maayos na naihayag ang reaksyon ng karamihang nagulat sa hindi magandang mga komento ni Gng. Veloso laban kay PNoy.

Ayon kay Lucky Paul Zamora Taruc, na siyang gumawa ng viral na open letter, tila may mali sa mga pahayag ni Gng. Veloso.

Sana raw ay hindi ito nagpa-brainwash sa mga makakaliwang grupo na kausap nito at niliwanag pa ni Taruc na—kahit hindi siya suporter ni PNoy—ay malinaw na malaki ang ginampanang papel ng Pangulo para mailigtas si Mary Jane sa nakatakda sanang bitay rito.

Narito ang kabuuan ng open letter ni Taruc:

"Hayaan nyo pong sa inyo ko ialay ang aking unang Bukas na Liham, Gng. Celia Veloso.

"Nakikiisa po ako sampu ng sambayanang Pilipino sa kagalakan ng inyong pamilya dahil sa pansamantalang pagkakaligtas ng inyong anak na si Mary Jane Veloso mula sa parusang bitay sa bansang Indonesia.

"Nawa’y tuluyang maibasura ang hatol sa iyong anak at mapatunayan ang kanyang pagiging inosente kung ito man po ang katotohanan.

"Alam po ng buong bayan maging ng buong mundo ang kalbaryong sinapit ng inyong pamilya nitong mga nagdaarang linggo dahil sa naging sitwasyon ni Mary Jane.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Narinig po namin kayo, narinig po ng milyung-milyong Pilipino ang iyong pakiusap na sana ay tulungan kayong magdasal na maisalba ang buhay ng inyong anak.

"Marami ang nagdasal. Tumutok. Sumubaybay. At umasa rin tulad ninyo na hindi matuloy ang execution ni Mary Jane.

"Yun na nga po ang nangyari sa huling mga sandali ng sana’y nakatakdang pagbitay—ligtas si Mary Jane.

"Sabi n’yo nga po, ‘totoong may milagro. May milagrong nangyari sa buhay ng inyong anak.’

"Kaya naman ang naging trending na ‪#‎SaveMaryJaneVeloso bago ang pagbitay ay naging ‪#‎MaryJaneLives pagkatapos dahil na rin po sa naging takbo ng pangyayari noong mga sandaling iyon.

"Ang kalungkutan, napalitan ng kagalakan. Ngayon ay may pag-asa nang maabswelto ang inyong anak at makabalik sa Pilipinas at makasama kayo na kanyang pamilya lalo na ang kanyang mga anak.

"Ngunit sa inyo pong pagbalik dito sa Pilipinas mula sa Indonesia ay para pong may mali. May hindi tama. Lalo na sa inyong mga naging pahayag sa gobyerno.

"Ano po ang meron? Ano po ang nangyari? Hindi ko maintindihan. Hindi po maintindihan ng napakaraming Piliino na nakakaalam sa istorya ni Mary Jane.

"Hindi ako fan ni Pnoy, isa lang po akong mamamayan na marunong makiramdam sa kung ano ang tama at kung ano ang sa tingin ko’y mali.

"Sa punto pong ito, sinasabi ko po na sa pagkakataong ito, mali po kayo. Maling-mali.

"Ano po ba ang naging utang ng gobyerno sa inyo para sabihing kayo ay maniningil? Sinong nanloko?

"O baka kayo po ay ang siyang nagpapaloko sa mga luku-lukong makakaliwang grupo na nag-brain wash sa inyo upang sabihin ang mga bagay na sa tingin ko’y hindi n’yo naiintindihan ang kahulugan— tungkol sa naging aksyon ng gobyerno sa naging kaso ng anak ninyo.

"Alam n’yo po, sa tingin ko, ang talumpati na inihanda n’yo ay hindi napalitan— na ang talumpating iyan ay ang siya sanang inyong sasabihin ‘assuming’ na natuloy ang execution ni Mary Jane.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sino po ang gumawa? Sinong hudas ang sumulsol sa inyo?

"Bakit ganun? Mali. Maling-mali. Maangas.Walang hibla ng utang na loob.

"Hindi po 'yan ang inaasahan ng marami na marinig sa inyo. Nakakadismaya.

"At isa pong paglilinaw, hindi inaako ni Pangulong Aquino ang credit sa pagkakaligtas pansamantala ng iyong anak. Wala pong ganon.

"Alam n’yo kung ano ang totoo?

"Nawala lang naman sa Facebook at Twitter ang mga sikat na meme at katagang “KASALANAN KO NA NAMAN YAN” ng pangulo. Dahil lahat sila 99.9% kahit yung mga kritiko ni Pnoy ay nagkakaisa sa katotohanang naging malaki ang ginampanan niya upang mailigtas ang inyong anak sa nakatakdang kamatayan.

"Maaaring may naging pagkukulang po sa gobyerno sa naging takbo ng kaso sa nakalipas na limang taon pero siguro naman po ay nakita nyo na kahit sa huling sandali ay hindi sila tumigil gumawa ng aksyon mapigilan lamang ang pagbitay.

"Alam nyo rin po bang hindi sinunod ni Pnoy ang protocol, yun ho yung SOP, o tamang proseso na dapat sundin sa paguusap tungkol sa kaso.

"Dumiretso na siya kay President Widodo ng Indonesia. Nakiusap. Nagpakumbaba para sa buhay ng isang kababayan.

"Sabagay, ano nga naman silbi ng protocol kung urgent ang pangangailangan na maisalba ang isang buhay.

"At nanay Celia, ang Attorney General na rin po ng Indonesia ang nagkumpirma na ang pakiusap ni Pangulong Aquino ang naging daan upang ipagpaliban ang pagbitay sa inyong anak nang dahil sa iminungkahi ng pangulo na gawing witness si Mary Jane laban sa drug syndicate sa likod ng kasong ito sa kabila na rin ng pagsuko ng illegal recruiter ni Mary Jane na si Kristina Sergio.

"Sana nga po sa huli ay mapatunayang inosente si Mary Jane kung iyon po ang totoo at siya ay biktima lamang ng human trafficking.

"Gng. Veloso, malayo pa po ang tatakbuhin ng kaso ng inyong anak. Marami pa ang pwedeng mangyari. At sa ayaw nyo po at sa hindi, ang pamahalaan lamang po ang inyong makakapitan (at dasal) sa pagkaktaong ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Huwag po kayong masyadong lumapit at makinig sa mga taong mahaba ang nguso at kung anu-ano po ang sinasabi sa inyo. Piliin nyo rin po ang mga salitang tatanggapin nyo mula sa kanila.

"At sana’y sa huli malaman ninyo kung sino ang mga taong tunay ninyong kakampi sa labang ito.

"Hindi po lahat ay tunay na tumutulong. Dahil ang iba ay ginagamit lamang ang kahinaan ninyo upang kanila namang i-promote ang pansariling interes.

"Naging biktima na po ang inyong anak, sa pagkakataong ito, huwag n’yo na pong hayaan na kayo naman ang mabiktima sa sitwasyon.

"Maraming salamat."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN