Singer Dessa looking for blood donors for her blood transfusion

Nandito ngayon sa bansa ang singer na si Dessa para sa ilang shows at para na rin sa kanyang bloood transfusion dahil sa sakit niyang anemia. Pero inamin ng tinaguriang "Front Act Diva" na gusto na niyang bumalik sa Pilipinas.


Nasa Pilipinas ngayon ang tinaguriang “Front Act Queen” na si Dessa.

Sumikat si Dessa—Maria Destreza Alivio Salazar sa totoong buhay—noong early ‘90s dahil sa husay niyang bumirit at makipagsabayan sa OPM divas na sina Regine Velasquez, Vernie Varga, Ivy Violan, at Dulce.

Naging big hit ang cover version siya ng OPM song na “Paano” na mula sa kanyang debut album under Vicor Records titled Dessa: Isang Nagmamahal noong 1992.

Binigyan siya ng title na “Front Act Queen” dahil siya ang kinukuhang front act sa concerts ng foreign artists dito sa Pilipinas; gaya ng Color Me Badd, Bryan Adams, David Benoit, Mike Francis, Lisa Stansfield, Denise Williams, Peabo Bryson, Richard Elliot, CeCe Peniston, at Patti Austin.

Naging Philippine representative din si Dessa sa ilang international music competitions.

Naiuwi niya ang grand prize sa 1993 Federation Internationale Def Organisation de Festival (FIDOF) sa Russia; 1993 Voice of Asia; Saga Yoshinogari Festa’98 Asia Music Festival sa Saga, Japan; at 1999 Asia Song Festival sa Malaysia.

Forty-one years old na ngayon si Dessa, married with two children.

Ten years na nang naka-base si Dessa at ang kanyang pamila sa U.S.

Una silang tumira sa San Francisco at Los Angeles sa California, pero ngayon ay sa Las Vegas, Nevada na sila naninirahan.

May sariling banda si Dessa called San Fernando Band at nagpe-perform sila sa hotels, bars and casinos sa Vegas Strip.


NO PLACE LIKE HOME. Ayon kay Dessa, sobra niyang nami-miss ang Pilipinas kaya kapag may chance na makauwi siya to perform ay ginagawa niya.

“Actually, noong February pa ako nandito.

“Nakapag-show na nga ako sa Music Museum kasama ng ilang OPM artists.

“Every two years naman ay umuuwi ako dito kasi naiimbitahan ako mag-show.

“Pero itong pag-uwi ko ay maraming dahilan.

“Una ay first death anniversary ng tatay ko last February, tapos ise-celebrate din namin ang birthday niya on May 23.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tapos may mga scheduled shows ako sa 2702 Lobby Lounge of Midas Hotel. I will be performing every Mondays of May.

“Tapos may shows din ako sa Zirkoh sa Tomas Morato on May 28. Then, sa Music Hall naman sa Metrowalk in Pasig City on May 29.

“Babalik na kasi ako sa U.S. on May 30.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dessa sa Midas Hotel, along Roxas Boulevard, noong Lunes, May 4.

BLOOD TRANSFUSION. Isa rin sa dahilan kung bakit umuwi si Dessa sa Pilipinas ay para magpa-blood transfusion dahil sa sakit niyang anemia.

Nilinaw ni Dessa na hindi leukemia ang sakit niya kundi anemia.

“Mababa ang count ng RBCs [red blood cells] ko.

“Sakit ko ito noong bata pa lang ako. Namana ko ito sa tatay ko.

“Three years ago ay nagpa-blood transfusion ako dito sa Manila.

“Last check-up ko sa U.S., bumagsak na naman ang RBC ko.

“So, kailangan ko ulit ng transfusion.”

Mahirap daw kasing hanapin ang blood type ni Dessa, which is A+.

“Naghahanap kami ng blood donors.

“Lagi naman kami nagtse-check sa Philippine Red Cross. The last time we checked, walang available.

“Kaya sa dalawang shows na gagawin ko sa Zirkoh at Music Hall, magre-request kami sa mga may blood type na A+ na mag-donate ng kanilang dugo para sa transfusion ko.

“Kasi pagbalik ko ng Amerika, kailangan i-schedule na rin ang operation ko para tanggalin ang left uterus ko.

“Pero bago ako operahan, kailangan tama ang bilang ng RBCs ko. Kaya kailangan magawa ko na ang blood transfusion bago ako umalis.”

Patuloy ni Dessa, “For now, I’m taking iron para mabalanse ako.

“Kumakain din ako ng mga pagkain na makakatulong sa pag-normalize ng dugo ko.

“Kasi madalas akong mahilo and one time nag-faint na ako.

“Kaya hindi ko kayang mag-isa lang ako kapag lumalakad ako. Or else, babagsak ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya ipinagdarasal ko na magkaroon ng blood donors ng A+ para matuloy na ang transfusion ko.”

COMING HOME FOR GOOD. Inaayos na rin daw ni Dessa na mag-stay siya for good dito sa Pilipinas. Masyado na raw kasi siyang napagod tumira sa Amerika.

“Gusto ko na ulit na dito ako sa Pilipinas.

“Sa totoo lang, sobra akong napagod sa Amerika.

“Kahit na sobrang puyat ka from a gig, kailangan magising ka nang maaga para maasikaso mo ang mga bata.

“Wala akong katulong doon. Noong baby pa ang bunso ko, wala rin akong yaya.

“Kaya lahat ginagawa ko kaya sobra-sobra ang pagod ko.

“Kaya sabi ko, parang gusto ko nang bumalik sa Pilipinas.

“At least dito, puwede akong magbuhay-reyna!” tawa niya.

DESSA’S FAMILY. Kahit naman daw dito mabe-base si Dessa, hindi niya pababayaan ang status niya sa Amerika dahil doon pa rin daw kasi ang kanyang pamilya.

“Siyempre, hindi ko pababayaan ang status ko doon. ‘Tsaka ang mga anak ko, doon sila nag-aaral.

“Yung eldest ko na si Keanna Noshka, she’s 19 years old now at nasa college na.

“Yung bunso naman na si Jay Matthew, he’s 10 years old naman at nasa grade school pa.”

Na-meet daw ni Dessa ang kanyang husband na si Jay Inoue, isang Filipino-Japanese, sa isang Internet chatroom.

Kuwento niya, “Yung chatroom kasi, puro mga musicians ang nag-uusap-usap. So, doon ko siya nakilala.

“Sinabi ko ako si Dessa. Ayaw niyang maniwala. Gusto niya ng proof.

“Two months pa lang kaming ganun.

“Sabi ko, magbabakasyon ako sa L.A. at kung gusto niya sunduin niya ako sa airport.

“Aba, pumayag siya, kaya nagkakilala kami nang personal.

“Hanggang nagsama kami noong 2004 and we got married noong 2006.”

LIFE IN THE U.S. Sa sampung taong paninirahan ni Dessa sa U.S. ay hindi naman daw natigil ang kanyang pagkanta. Lagi raw siyang naiimbitahan sa events ng Filipino communities doon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kahit nga buntis ako sa second child ko, hindi ako tumigil kumanta!” tawa niya.

“Six months akong buntis, kumakanta ako sa Ichiban. Music lounge iyon sa L.A.

“Kesehodang malaki ang tiyan ko, kumakanta ako.

“Sayang din kasi ang kikitain ko, ‘di ba?”

Umawit na rin si Dessa ng Philippine National Anthem sa laban ni Manny Pacquiao versus Hector Velazquez sa Los Angeles Staples Center noong 2005, at sa laban ni Nonito Donaire kay Rafael Concepcion sa Las Vegas noong 2009.

Ngayong sa Las Vegas na sila naka-base, tuluy-tuloy naman ang gigs niya ng kanyang banda.

“Iba-iba ang kaharap kong audience gabi-gabi.

“Pinakamahirap kapag mga Pinoy na.

“Gusto nilang bumibirit ako para mapalakpakan ako. Hindi uubra sa kanila yung mga pa-sweet na kanta lang.

“Okey kapag ang audience ko mga African-American. Natutuwa sila sa akin.

“Kaya lahat ng hip-hop, R&B at rap, pinag-aralan kong kantahin para lang sa kanila.

“Minsan naman ang audience ko, mga Latino. Napagkakamalan kasi akong Latina minsan at nagre-request sila ng Spanish songs.

“Meron naman kaming naka-ready just in case. Binibiritan ko sila ng mga songs ni Selena!” tawa pa niya.

Bukod sa pagkanta, sinubukan din daw ni Dessa ang magtrabaho sa isang call center.

“Minsan kasi, bored ako, lalo na kapag walang gigs.

“So, sinubukan kong mag-apply sa isang office.

“First time kong ginawa ‘yan sa buong buhay ko.

“Yung work ko ay interviewer ako over the phone. May mga surveys kaming ginagawa.

“So, yun ang pinaka-day job ko. Okey naman kasi iba siya sa usual na ginagawa ko.

“Nakaka-four months pa lang ako doon bago ako umuwi ngayon sa Pilipinas.

“Sabi ko, may aasikasuhin lang ako dito at babalik din ako.

“E, dapat two months lang ako mawawala.

“Ewan ko kung may trabaho pa ako pagbalik ko doon!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN