Nora Aunor flies to Cannes for world premiere of Taklub

Nora Aunor (shown in photo with Sen. Loren Legarda and Taklub director Brillante Mendoza) returns to Cannes after more than thirty years, when her movie Bona was screened in the prestigious film festival.


Kahapon, May 16, Sabado, ay nakalipad na patungong France ang grupo ng premyadong filmmaker na si Brillante Mendoza upang dumalo sa Cannes International Film Festival 2015, isa sa pinaka-prestihiyosong film fests sa buong mundo.

Kalahok ang pelikula ng direktor na Taklub, na pinagbibidahan ng Superstar na si Nora Aunor, sa Un Certain Regard section ng Cannes Film Festival, na nagsimula na nuong May 13.

Kasama ni Direk Dante si Larry Castillo (producer), Ruby Ruiz, at Aaron Rivera (co-actors ni Nora sa Taklub), at iba pa.

Ngayong gabi, May 17, Linggo, 11:00 p.m. ang flight ni Ate Guy lulan ng Emirates Airlines, kasama ang co-producer na si Albert Almendralejo, at si Carlo Valenzona na staff ng Center Stage Productions ni Direk Dante.

Ang Center Stage Productions, si Senator Loren Legarda, at Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang executive producers ng Taklub.

Ayon sa source ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa Mariott Hotel titira ang Philippine delegates.

Sa Dubai ang unang stopover ng grupo. Ang Cannes Film Festival ay magtatapos ng May 24.

Si Nora ang bukod-tanging aktres ng Pilipinas na ang mga pelikula ay naipalabas (at pinapurihan) sa top three international film festivals: Cannes (Bona and Taklub), Venice (Thy Womb), and Berlin (Himala).

Pagkatapos ng higit na 30 taon mula nang itanghal sa Cannes ang prinodyus ni Nora na Bona, kasama ang National Artist for Film na si Direktor Lino Brocka, nagbabalik-Cannes ang dekalibreng aktres.

SENATOR LOREN CONFIRMS ATTENDANCE. Si Senator Loren Legarda, isa sa producers ng Taklub, ay unang nagpasabi noong presscon ng nasabing pelikula na malamang ay hindi siya makakadalo dahil mayroon pa siyang commitment sa ibang bansa.

Ngunit ayon sa staff ng senadora, ay makakarating daw si Senator Loren sa Cannes.

Ipinagmamalaki ni Senator Loren ang Taklub, mula sa script ni Honee Alipio, production technicalities, at performances ng mga aktor at aktres. Sinabi pa niyang nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa mga survivors ng anumang sakuna. Ang buod ng kuwento ng pelikula ay kung papaano nag-survive ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Tacloban.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ginagampanan dito ni Nora ang isang karakter na hango sa totoong buhay—isang ina na namatayan ng mga anak dahil sa Yolanda.

Second collaboration ito nina Nora at Brillante. Ang una ay ang Thy Womb, na naparangalan din ng awards sa 69th Venice International Film Festival.

NORA'S BIRTHDAY. Ang Taklub ay official finalist sa Cannes 2015 sa ilalim ng Un Certain Regard section, at nakatakdang mag-world premiere sa May 19, Martes, 10 p.m. (French time), dalawang araw bago ang kaarawan ni Nora sa May 21.

Doon na magdidiwang ng kanyang kaarawan ang Superstar, at sinasabi ng ilang malalapit sa kanya na ito ang isa sa pinaka-masayang kaarawan ng aktres.

NORA'S OUTFITS. Sa kasuotan naman ni Nora, ang mahusay na fashion designer na si Albert Andrada ay lumikha ng dalawang long gowns. Pagpipilian pa ng aktres kung alin ang isusuot niya sa Cannes red carpet.

“Couture gowns ito. No more ternos. All modern [gowns] but with Filipino elements,” ang kuwento ng aming source.

Ang designer namang si Roel Rosal ay gumawa ng pantsuit at jacket ensemble ni Nora para sa Cannes press conference. Pero sabi rin ng source, hindi siya sigurado kung magkasunod ang presscon at ang red carpet premiere, o gaganapin sa magkahiwalay na araw.

“Sa Venice noon, nung um-attend rin si Ate Guy for Thy Womb, magkahiwalay ang presscon at red carpet premiere, so dalawang outfit ang nasuot niya.

“Pero I think sa Cannes yata kasi, sa Un Certain Regard, baka daw magkasunod ang presscon at premiere, so baka isang gown lang masuot niya.

“But all three outfits are for her talaga, custom-made ang mga ito, so she can wear one on the red carpet and the others to different affairs na pupuntahan niya,” sabi pa ng aming source.

Ang official stylist ni Nora ay si Michael Salientes, former judge ng Project Runway Philippines, at maraming bonggang events sa fashion industry.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kabog talaga mga outfit ni Ate Guy! Pang-Hollywood star ang dating,” dagdag ng source.

DIREK DANTE'S OUTFITS. Samantala, para kay Direk Dante, ayon naman sa magkabukod na source, hindi nito natanong kung barong Tagalog o pormal na suit at bow tie ang isususuot ng premyadong direktor.

“Ang alam ko lang, sa Cannes, partikular ang organizers sa men's outfits, na it should be coat and bow tie,” sabi ng source na malapit kay Direk Dante.

“Sa Cannes kasi noong 2009, nang manalo si Direk as Best Director [para sa Kinatay], dinamitan siya from head to toe, pero sa main competition ito.”


Ayon sa nakalap na impormasyon ng PEP, si Direk Brillante ay magsusuot ng black tie tuxedo suit by designer Joey Samson.

Dagdag pa ng source, “Ang dami ngang dapat na gawin ni Direk Dante na maiiwan niya sa Pilipinas, tulad ng kanyang Sinag Maynila 2016 preparations for submission deadline, several meetings sa iba pa niyang mga gagawing bagong pelikula.

“Pero tumawag yung international agent niya dito at sinabihan siya na ‘You have to be there!’

“Dalawang bagay ang puwede nating isipin sa ‘bilin’ na ito ng agent kay Direk: Baka may chance na makakuha ng award, o may possibility ng international distribution for the movie.”

Ayon pa sa source, ang filmmaker talaga ang priority ng Cannes Film Festival.

“Pero with Direk Dante, he really asked the support from different agencies dito sa atin, upang i-finance o maka-raise ng funds sa airfare at accommodation ng kanyang entourage to Cannes.

“Iba rin kasi ang funding requirements ng kasali sa Main Competition with that of Un Certain Regard. Iba rin ang itinerary ng mga ito sa Cannes,” sabi pa rin ng source.

May ibibigay na accommodations sa hotel o castle ang Cannes organizers para sa mga delegates na galing sa iba’t ibang parte ng mundo, pero hindi sigurado ang aming source kung magkaparehong hotel ang tutuluyan nina Nora at Brillante.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nanalo rin si Nora ng award na Best Actress in a Foreign Language Film sa St. Tropez International Film Festival (sa France pa rin) para sa Dementia, directed by Perci Intalan. Nanalo rin ang nasabing pelikula ng Best Foreign Language Film award.


(Read: Nora Aunor wins Best Foreign Actress award in France for Dementia)

Personal na nakadalo roon si Intalan at iba pang kasamahan. Wala man si Nora para tanggapin ang kanyang award, ayon sa isang source ay masayang-masaya ito sa nasabing award para sa Dementia.

Nanalo rin si Nora ng Best Actress sa PMPC Star Awards for Movies noong March 2015 at gagawaran din siya ng Natatanging Gawad Urian Lifetime Achievement Award sa June.

Noong April 11, 2015 naman ay pinarangalan din siya ng Lifetime Achievement Award ng 2nd ASEAN International Film Festival and Awards (AIFFA) sa Kuching, Sarawak, Malaysia.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN