Carl Guevara on Eula Caballero’s boyfriend: "Hindi niya puwedeng pagbawalan ako na humanga sa girlfriend niya."

Bagamat aminado si Carl Guevara na crush niya si Eula Caballero, hindi raw niya aagawin ang TV5 actress sa boyfriend nito: "Hindi ako yung manggugulo, hindi ako yung mang-aagaw, hindi ako manliligaw. Kumbaga, ang crush ko kay Eula ay hanggang paghanga lang muna. Ayokong maging dahilan ng paghihiwalay nila."


Walang kagatul-gatol si Carl Guevara sa pagsasabing matagal na niyang crush si Eula Caballero, kahit alam niyang may boyfriend ngayon ang Kapatid actress.

Kahit daw noong nasa GMA Network pa si Carl at hindi pa sila nagkakatrabaho ni Eula ay nagagandahan na raw siya sa dalaga.

Hanggang sa magkatrabaho nga sila sa TV5 sa pamamagitan ng Wattpad Presents Almost A Cinderella Story.

Matapos ipareha sa iba ay muli silang magkasama ngayon sa Wattpad Presents Maid For Korean Boys, with Steven Silva, at mapapanood ito mula Hunyo 1 hangang Hunyo 5.

Pagbabalik-tanaw ni Carl, “May time na napanood ko siya sa TV5, yung Cassandra, sabi ko, ‘A, siya pala si Eula, maganda.’

“And then, nagulat ako, noong first Wattpad ko, siya yung nakatrabaho ko.

“Siyempre noong una, nahihiya ako sa kanya, alam mo yung medyo ilang ako sa kanya noong unang taping namin.

“Pero dito [sa Maid For Korean Boys], medyo open na ako sa kanya.

“Actually, noon pa lang una kaming magkatrabaho, alam na niya na crush ko siya, e.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Carl sa presscon ng Wattpad Presents Maid For Korean Boys kahapon, Mayo 27, sa Max’s restaurant, sa Scout Tuason, Quezon City.

GIRLFRIEND MATERIAL. Sinabi ni Carl na matagal na niyang crush si Eula. Bakit hindi siya gumawa ng move noon para ligawan o i-level up ang nararamdaman niya kay Eula?

Aniya, “Actually, noong time na iyon, mayroon din akong girlfriend.”

Para sa kanya ba ay girlfriend material si Eula?

“Oo, girlfriend material si Eula. At saka mabait siya, smart, at marami kang matututunan sa kanya.”

Single man si Carl ngayon, si Eula naman ay may boyfriend—si Christian Samson, na dating co-finalist ng aktres sa reality artista search ng TV5 na Star Factor.

Kaya ang biro nga ni Eula kay Carl sa presscon ay kung willing siyang maghintay dahil hindi niya rin masasabi ang mangyayari in the future. Ano ang masasabi ni Carl dito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“E, di maghihintay siyempre. Nandito lang tayo.

“Ang sa akin naman kasi, sa lahat ng mga nakatrabaho ko sa TV5 na babae, siya yung medyo naging ka-close ko.

“Siyempre nung first naming magkatrabaho, nahihiya ako, naiilang akong hawakan siya.

“Sa eksena namin, pag may yakap, talagang nahihiya ako. Yakap lang.

“Pero pagkatapos ng eksena, sasabihin ko, ‘Oy, sorry ha, nayakap kita.’

“Ngayon, mas open na, minsan ina-adlib-an pa namin, kumbaga para rin sa trabaho namin.

“Ultimo kami rin mismo, natatawa kami sa eksena, kinikilig kami.

“So, yun ang dapat abangan ng mga tao dito sa bagong Wattpad namin na Maid For Korean Boys.”

RESPECTING EULA’S RELATIONSHIP. Sa mga sinasabi ni Carl ngayon, paano kung pagselosan siya ng boyfriend ni Eula?

Sabi niya, “Sa akin naman, dapat maging proud siya, at least may humahanga sa girlfriend niya.

“Ako, humahanga ako sa girlfriend niya.

“Pero hindi naman porke’t crush ko siya, e, aagawin ko na si Eula.

“Ang sa akin, masaya ako na maging kaibigan si Eula at humahanga ako sa kanya.”

Inirerespeto naman daw ni Carl ang relasyon ni Eula kay Christian.

“Oo, of course. Pero siyempre, hindi niya puwedeng ialis o pagbawalan ako na humanga sa girlfriend niya.

“Kumbaga, doon sa relasyon nila, may respeto ako.

“Hindi ako yung manggugulo, hindi ako yung mang-aagaw, hindi ako manliligaw.

“Kumbaga, ang crush ko kay Eula ay hanggang paghanga lang muna.

“Ayokong maging dahilan ng paghihiwalay nila.

"Nandito lang ako.”

Pero kung sakaling maging single na si Eula, sa susunod ba ay gagawa na siya ng move?

Sagot ni Carl, “Kung mabibigyan ako ng pagkakataong manligaw, ang first choice ko si Eula. Kaya tingnan din natin.

“Pero hindi naman ako nagmamadaling magkaroon ng karelasyon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN