Hindi raw naiinis o nagtatampo si Kristoffer Martin kahit may mga nakakapansing mas naaalagaan ngayon ng GMA Network ang teen actors na sina Miguel Tanfelix at Ruru Madrid.
Si Miguel ay katatapos lamang magbida sa Once Upon A Kiss at napapanood sa Ismol Family at sa Sunday All Stars.
Si Ruru naman ay napapanood sa Let The Love Begin, pati na rin sa Sunday All Stars.
Mas nauna kasi si Kristoffer na makapag-establish ng career bilang isang Kapuso tween male star.
Sabi niya tungkol dito, “Honestly speaking, hindi naman.
"Pero nagkakaroon minsan… siyempre, kahit papaano, nauna ka pa rin naman, 'di ba? Sa sarili lang.
"Kumbaga, hindi ko naman nilalabas na, ‘Bakit kaya ganito, anong mali sa akin?’
“Iyon na lang yung sa akin, anong mali sa akin?’”
So, may pagtataka siya?
“Kumbaga, hindi naman mali ang network, e.
“Look at Miguel naman, 'di ba? Maganda naman yung buildup sa kanya.
"Si Ruru, for sure, maganda rin ang buildup.
“Kumbaga, nasubukan din naman ng network akong i-launch, e.
“Hindi lang masyado pa nagwo-work.
"Siguro nung mga panahon na yun, hindi pa time."
PUBLIC RELATIONS. Sa pagtatanong niya sa sarili niya kung ano kaya ang mali sa kanya, mayroon ba siyang nakuhang sagot?
Pag-amin ni Kristoffer, “Meron! Siguro masyado kong kinukulong yung sarili ko.
“Siguro kasi sila ano, e, kumbaga... paano ba?
“Sila kasi, literal, nasa personality nilang approachable sila, mabait sa mga fans, ganyan-ganyan.”
Mabait din naman si Kristoffer sa mga fans, hindi ba?
“May mga times kasi na minsan, pag tinotopak yung tao, ganun, ako ganun kasi madalas.
"Hindi naman sa fans, pero feeling PR problems, iyon yung kulang sa akin.”
Ano ang ginagawa niya tungkol dito?
“Siguro, ang dini-develop ko kasi ngayon sa sarili ko is kung paano ma-maintain yung relationship mo sa tao.
“Kasi nasa field ako ng business, e, so isa rin yun sa mga kailangan kong gawin.
“Kumbaga, ngayon yung sa business ko, sa clothing line namin ng mga kaibigan ko sa school, kumbaga, iyon yung winu-workout ko ngayon, yung PR.
“Marketing ako ng business namin, so mas ang tinutuunan ko ng focus is kung paano mag-handle ng tao.
“Kung paano yung relationship mo mas ma-build, mas maging faithful, mas maging solid yung relationship mo sa tao.”
RAD Republic ang pangalan ng clothing line nina Kristoffer.
HUNKY. Papayag naman daw si Kristoffer kung sakaling sina Ruru at Miguel ay ilinya sa mas wholesome na roles at siya ay gawing mas daring at mature hunk actor ng GMA.
Sa Healing Hearts nga ay may mga eksena si Kristoffer na topless siya.
“Okay lang naman, ayoko namang sabihin na pag matanda, kailangan may abs na, ganyan-ganyan.
“E, iyon na yung naging sequence ng industry na ito, e.
“So, ang gagawin mo, ia-adapt mo na lang din sa sarili mo.”
Handa na ba siyang maging daring and mature and sexy?
“Naman! Pero siyempre hindi pa sa mga indie levels, sagad-sagarang mga ganun.”
Papayag daw siya kung i-build up siya ng GMA bilang hunk actor.
“Pero preparation, preparation, hindi biglaan.
"Hindi yung, ‘O, kailangan eto na, eto na,’ ganyan-ganyan.
“Give me a year to rebuild myself.”
Kaya sigurado raw na ngayong taong ito ay wala munang “sexier Kristoffer Martin.”
“Wala pa, wala pa.
"Most probabaly mga sixty percent next year, iyon ang paghahandaan ko ngayon."
REINVENTION. Ano sa palagay niya ang mayroon siya na wala sina Ruru at Miguel?
Sagot ni Kristoffer, “Hindi ko alam...
"Siguro ako mas... yung passion ko kasi sa acting, iba, e!
“Kumbaga, as much as possible, gusto kong i-differentiate talaga yung character ko, e.
“Minsan kasi hindi lang talaga ina-allow ng network. Kasi gusto nila, ganito ka, e. Yung path mo paganito.
“Ako kasi, gusto ko tumatalun-talon yung character ko, kumbaga nare-rebuild ko yung sarili ko.
“Nababago ko yung buhok ko, mga ganun.”
Ano naman ang mayroon kina Ruru at Miguel na tila wala si Kristoffer, bukod sa sinasabi niyang kakulangan niya sa PR?
“Ewan ko, paano ba? Siguro, iba-iba.
“Minsan naiisip ko din na siguro kailangan din ng bagong mukha.
“Na kailangan ma-eclipse na si Kristoffer, ganyan-ganyan.
“So, ang gagawin ko is siyempre to rebuild myself.
“Hindi naman forever na kailangan na ganito lang ako lagi.
“Kumbaga, ang gagawin mo, you just have to reinvent yourself.
“Na parang, ‘A, hindi na ito si Kristoffer, iba na ito,' ganyan-ganyan.”
