Senator Grace Poe hits back at Vice President Binay’s camp; can prove that she is qualified to run for President

Senator Grace Poe says she expected that some of her critics would come up with criticisms to prevent her possible presidential candidacy in the 2016 elections.


Binuweltahan ni Senator Grace Poe ang kampo ni Vice President Jejomar Binay dahil sa diumano’y pagkuwestiyon sa kanyang katapatan at kuwalipikasyon para tumakbo bilang Pangulo sa 2016 elections.

Tinuligsa ng senadora ang mga pahayag laban sa kanya ni United Nationalist Alliance (UNA) interim president Toby Tiangco.

Kilala si Tiangco bilang kaalyado ni Vice President Binay.

Ayon kay Tiangco, hindi pasok sa residency requirement si Senator Grace, base sa nakasaad sa Constitution.

Una nang inilabas at ipinakita ni Tiangco ang certificate of candidacy ni Senator Grace sa pagkasenador noong 2013 midterm elections, kung saan nakasaad na naging residente siya ng Pilipinas ng anim na taon at anim na buwan sa senatorial election noong 2013.

Kung idadagdag pa rito ang tatlong taong panunungkulan ni Senator Grace bilang senador, bumibilang lamang umano ng siyam na taon at anim na buwan ang kanyang pagiging residente ng Pilipinas pagdating ng May 2016 presidential elections.

Nakasaad kasi sa Konstitusyon na nangangailangan ng 10-year residency sa bansa ang sinumang nais tumakbo sa pagka-Pangulo o Bise Presidente.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Tiangco, base sa ulat ng ABS-CBN News Online nitong Miyerkules, June 3, ''Hindi ko ho alam bakit tayo aabot doon sa kung kailangan pa siyang i-disqualify.

"Kasi if she will be honest, kung siya ay magiging tapat sa taumbayan, hindi na dapat umabot sa punto na mag-file pa siya ng certificate of candidacy."

POE ANSWERS. Sa transcript naman ng ambush interview kay Senator Grace, na ipinost sa website ng Philippine Senate ngayon ding araw, nakasaad ang sagot ng senadora sa isyung ipinupukol sa kanya.

Pahayag ni Senator Grace, kaya niyang patunayan na residente siya ng Pilipinas ng higit pa sa sampung taon.

“Naaawa ako sa kanila na pinagdidiskitahan nila ang isyu na iyan na parang ganoon na rin ang ginawa ng mga nawawalan ng pag-asa noong tumatakbo si FPJ,” pagtukoy niya sa kanyang yumaong ama na si Fernando Poe Jr., na tumakbo bilang Presidente noong 2004 elections.

Naging kontrobersiyal ang pagkatalo ni FPJ kay Gloria Macapagal-Arroyo, kung saan lumabas ang isyu ng malawakang pandaraya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi pa ni Senator Grace, “Gayunpaman, tama rin naman na malaman ng ating mga kababayan ang aking tunay na pagkatao sapagkat ako ay kanilang inihalal at wala naman po akong itinatago.

“Isang public document po ang COC [certificate of candidacy] na iyan. Ngayon, sasagutin ko ito.

“Unang-una, bakit nakalagay six years and six months.

"Nakalagay po doon sa COC, 'resident in the Philippines before May 2013.' Hindi po sinasabi by May 2013 or on May 2013.

“Alam mo, sa experience ko sa COMELEC, dapat nag-iingat kang mabuti.

“Ang ginawa ko, it was my actual residence on the day of my filing, which is in October 2012.”

Kung tutuusin daw, 2005 pa lang ay nandito na sa Pilipinas si Senator Grace at ang kanyang pamilya.

“Yung mga anak ko, naka-enroll na sa paaralan, ready po ang transcripts diyan, ready din po ang titulo ng aming kinuhang lugar para matirahan.

"Pero nilagay ko iyon sapagkat noong 2006 lang naibenta yung bahay namin sa America—April 2006, which can be proven."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tungkol naman daw sa COC niya na 'resident of the Philippines before May 2013,' paliwanag ng senadora, “So, sabi ko, at that time, baka iyon ang ibig nilang sabihin.

“Di ako abogado, pero ako po ay tapat at truthful, at kung bibilangin mo talaga ang oras na nandito ako sa Pilipinas, lagpas pa nga po sa requirement.

“Kaya para po sabihin nila na kulang, marami po kaming magpapatunay na sobra pa nga at maraming magpapatunay diyan.”

Bukod pa sa pagkuwestiyon sa kanyang qualification, mas nainsulto raw si Senator Grace sa pagdududa sa kanyang katapatan.

“Pero, ito rin po ang gusto kong sabihin. Ang pinaka-nakakainsulto sa akin ay ginamit pa nila na hindi daw ako tapat dahil di naman daw ako kwalipikado. Bakit hindi ko daw sinabi iyon.

“Unang-una, hindi po totoo na ako ay hindi kwalipikado.

"Kwalipikado po ako pero hindi pa po ako kandidato.

“Ang iba, may mga commercial na. Ako naman po ay nag-iisip at nagninilay-nilay pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sasagutin ko naman iyan kung ako ay nag-file, at iyan nga po ang kasagutan.

“Pangalawa, taglay ko po ang katotohanan, hindi po ako nagtatago sa inyo.

"Kaya nga po hindi ko po kinakailangang magtago sa likod ng isang tagapagsalita."

Tinanong din ang lady senator kung naapektuhan ba ang kanyang kumpiyansa na tumakbo sa pagka-Pangulo na ngayon pa lang ay binabatikos na.

Sagot niya, inasahan na niyang mangyayari ito.

“Alam ko namang darating iyan.

"Di ba, noong sa tatay ko [FPJ], masahol pa diyan ang ginawa sa kanya?

“Napakasakit. Ilang taon dito si FPJ; nagbigay ng trabaho sa maraming Pilipino, tumulong at nagmahal sa kanyang kapwa, sasabihin nila hindi Pilipino?

“Kaya nga po, ngayon na dumating iyan, sabi ko, mabuti na ring dumating iyan.

"Mas mabuti na pareho ang kanilang ibinabato sa amin ng aking tatay; lack of experience, hindi Filipino, at kulang sa track record. Iyan po lahat ang ibinato nila kay FPJ.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kanino nanggagaling iyan? Hindi ba, sa kanila rin na dating sumuporta kay FPJ?

“Kung masakit sa kanila na hindi ako sumama sa kanila, mas masakit din sa akin na sinasabi nila iyon samantalang ang mga pinagkikilos nila ay taliwas naman sa kanilang mga sinasabi.”

Una nang tinanggihan ni Poe na maging running mate ni Binay na tatakbo bilang Pangulo sa susunod na taon.

Hindi rin umano naniniwala si Senator Grace na walang basbas ni Vice President Binay ang mga naging pahayag ni Tiangco laban sa kanya.

Aniya, “Ganyan kalaking desisyon, walang sanction?”

Malaman pang saad ng senadora sa isang punto ng interview sa kanya, “Unang-una, wala akong tagapagsalita, mayroon akong mga kaibigan na dumidepensa sa amin.

"Sila, sino ba si Toby Tiangco? Tagapagsalita nito?

“So, ganoon lang naman kasimple yun.”


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN

Close