Lyca Gairanod thanks Darren Espanto for promoting her album

Lyca Gairanod’s advice to The Voice Kids aspirants: "Manalo man o matalo, go pa rin nang go. Yung pangarap n’yo, tuparin n’yo. Kahit anuman ang mangyari, kahit sino man ang mang-api sa inyo, huwag n’yo na lang pansinin."


Masayang-masaya si Lyca Gairanod dahil personal niyang natanggap ang kanyang award bilang PEPsters’ Choice Child Star of the Year sa ginanap na awards night ng The PEP List Year 2, sa Solaire Resort and Casino, noong Hunyo 18.

Ang PEP List award niya raw ang unang trophy na natanggap niya nang personal.

Nang manalo kasi siya ng Best New Female TV Personality sa 28th PMPC Star Awards for Television noong Nobyembre 23, 2014, na ginanap din sa Solaire, ay hindi siya nakadalo sa awards night.

Iba raw pala ang pakiramdam na mahawakan niya agad ang kanyang trophy at makapagsalamat sa stage mismo.

Sabi ni Lyca, “Ang sarap po pala na tumanggap ng award.

“Ang bigat nga po ng trophy pero masayang-masaya po ako.

“Kasi first time ko lang pong makatanggap ng award sa PEP, kaya thank you po sa PEP.

“Thank you rin po sa mga fans ko, sa Lycanatics, sa Lycanians, at sa mga bumoto po sa akin, yun po.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kabilang sa mga tinalo ni Lyca para sa award na ito sina Ryzza Mae Dizon, Bimby Aquino-Yap, at Alonzo Muhlach.

SOLO ALBUM NOW OUT. Masaya ring ibinalita ni Lyca na nakalabas na ang kanyang solo debut album titled Puede Nang Mangarap under MCA Music Inc.

Sabi niya, “Okay naman po yung album ko at enjoy naman po yung mga fans ko.

“Masayang-masaya po sila kasi ang tagal-tagal na po nilang hinintay iyon kaya ‘ayan, nag-e-enjoy po sila sa album ko.”

Busy nga raw siya ngayon sa mall shows at TV guestings para mag-promote ng album niya.

DARREN ESPANTO. Natutuwa rin si Lyca na nanalo rin ang kaibigan at kasabayan niya sa The Voice Kids na si Darren Espanto ng PEPsters’ Choice Male Teen Star of the Year. Binati nga raw niya ang kanyang Kuya Darren.

Nananatili raw silang magkaibigan kahit na iniintriga sila na tila mas sikat na raw si Darren ngayon at mas naunang mabigyan ng magagandang opportunities.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Lyca kasi ang grand champion ng The Voice Kids season one habang si Darren naman ang first runner-up.

Pahayag ng young singer, “Wala po kaming away ni Kuya Dar.

“Siguro yung ibang fans po baka nag-aaway.

“Pero sa amin, balewala na po iyon sa amin, kasi dapat hindi kami nag-aaway. Basta kami close po kami.

“Mas masaya po yun, di ba?”

Nagpasalamat din daw siya kay Darren nang malaman niya na ipinu-promote din ng kaibigan ang album niya.

“Thank you, Kuya Dar, kasi lagi kang nandiyan sa tabi ko, and maraming-maraming salamat sa iyo na pinu-promote mo ang album ko.

“I love you, Kuya Dar!

“Thank you sa support mo sa akin at sa best friend kita.

“Maraming-maraming salamat sa iyo, Kuya Dar.”

ADVICE TO ASPIRING YOUNG SINGERS. Nagsimula na ang Season 2 ng The Voice Kids, at kapag may chance daw ay nakakapanood nito si Lyca.

“Minsan po nakakapanood po ako pag wala po akong schedule. Minsan po kasi gabi na ako nakakauwi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang dami pong magagaling ngayon sa blind auditions pa lang.”

Anong payo ang puwede niyang ibigay sa bagong contestants ng The Voice Kids?

Sabi ni Lyca, “Sana huwag kayong mawalan ng pag-asa.

“Manalo man o matalo, go pa rin nang go. Yung pangarap n’yo, tuparin n’yo.

“Kahit anuman ang mangyari, kahit sino man ang mang-api sa inyo, huwag n’yo na lang pansinin.

“Kasi ako dati, may nang-aapi sa akin, pero ngayon tingnan n’yo.

“Magpakabait lang kayo palagi and magdasal kay God.

“Lagi lang naman nandiyan si God para sa inyo, nakatabi sa inyo, at sumusuporta rin sa inyo.”


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN

Close