Cherie Gil wants Bituing Walang Ningning, The Musical to stop using her famous line

Gustong ipatanggal ng aktres na si Cherie Gil ang pamoso niyang linyang "You’re nothing but a second rate, trying hard, copycat" sa musical version ng 1985 film na Bituing Walang Ningning dahil intellectual property niya diumano ang nasabing linya.


Nakatanggap ng Cease and Desist Letter mula kay Atty. Lorna Kapunan ang Viva Films at ang management ng Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila, noong Biyernes, June 19.

Ayon sa thompsonhall.com: "A Cease & Desist Letter is often times the first step to asking an individual, or a business, to stop an illegal activity. The purpose of the letter is to threaten further legal action if the behavior does not stop."

Si Atty. Kapunan ang legal counsel ng aktres na si Cherie Gil, ang gumanap na Lavinia Arguelles sa Bituing Walang Ningning, ang 1985 blockbuster movie ng Viva Films.

Nakasaad sa Cease and Desist Letter ang pagpapahinto ni Cherie sa Viva at Resorts World Manila management sa paggamit ng famous line na "You’re nothing but a second rate, trying hard, copycat" sa Bituing Walang Ningning, The Musical, na nagbukas noong June 17.

Ito ay dahil intellectual property diumano ni Cherie ang nabanggit na dialogue.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa musical version ay si Cris Villonco ang gumaganap bilang Lavinia.

Ngunit pinabulaanan naman ito ng veteran director at scriptwriter na si Emmanuel Borlaza.

Si Borlaza ang direktor ng film version ng Bituing Walang Ningning.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Borlaza ngayong gabi, June 22.

Ayon sa kanya, 80 years old na siya pero malinaw na malinaw pa ang memorya niya.

Itinuwid ng direktor ang claim ni Cherie dahil sa kanya raw nanggaling ang classic line mula sa hit movie ni Sharon Cuneta.

“Kahit ilibing nila ako bukas nang buhay, ‘yon ang katotohanan,” pahayag ni Borlaza, na nag-iisip dahil sa hindi inaasahang aksiyon ni Cherie.

Comics novel ni Nerissa Cabral ang Bituing Walang Ningning na isinalin sa pelikula ng Viva Films noong 1985.

Ang pumanaw na award-winning scriptwriter na si Orlando Nadres ang sumulat ng screenplay ng Bituing Walang Ningning, pero nanindigan si Borlaza na nagmula sa kanya ang dialogue na nagmarka sa isip ng publiko dahil sa mahusay na delivery ni Cherie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung sakaling matuloy ang pagsasampa ng kaso ni Cherie laban sa mga producer ng Bituing Walang Ningning, The Musical, handa raw si Borlaza na tumestigo para sa Viva Films dahil pawang katotohanan lamang ang sasabihin niya.

Sinubukan ng PEP na kunin ang pahayag ni Atty. Kapunan, ngunit isang malapit sa kanya ang nagsabing nasa ibang bansa ang legal counsel ni Cherie.


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN

Close