Allen Dizon compares his career path to Coco Martin: "Nagpa-sexy rin siya at galing kami pareho sa indie."

Allen Dizon does not regret his past as a sexy actor: “Wala naman, kumbaga ay mas na-challenge lang ako sa mga taong hindi naniniwala sa akin, yung mga binabato ako, hinihila ako pababa. Struggle iyon, e, at saka pagsubok sa akin iyon. Kaya kailangang mas pagbutihin ko pa, kailangang ma-challenge ako. Kailangang mas ituloy ko iyong gusto kong mangyari sa buhay ko, sa career ko.”


Mula sa pagiging sexy actor, aminado si Allen Dizon na hindi niya inaasahang darating siya sa puntong mananalo ng kaliwa’t kanang acting awards.

Sinabi ng morenong aktor na, noong una, ang dahilan niya sa pagpasok sa showbiz ay para lamang kumita ng pera.

“Ang gusto ko lang dati, mag-artista, kasi gusto ko lang magkapera.

“Yun lang ang main purpose ko kung bakit ako nag-artista.

“Gusto ko lang tulungan ang mother ko, wala kasi siyang katulong.

“Kasi, ang daddy ko noon ay namatay na noong twelve years old pa lang ako.

“So, iyon lang ang main reason kung bakit ako nag-showbiz noong time na yun.”

Dagdag pa ni Allen, “Hindi ko lubos na maisip na noong nag-start ako, yung mga ginagawa ko noong time na ‘di pa ako ganun kagaling umarte, na lumabas akong sexy star… hindi ko lubos na maisip na magkakaroon ako ng awards ngayon.

“Pero ngayong nandito na ako, kumbaga, there’s no turning back. Kasi ang buhay ko ay nandito na sa industriya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kailangan kong ipagpatuloy kung ano ang dapat kong gawin, na makagawa ng pangalan, makagawa ng mga pelikulang makabuluhan, at makagawa ng tatak sa industriya bilang isang ganap na artista.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Allen sa ginanap na thanksgiving presscon niya kahapon, June 22, sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

TURNING POINT. Nagsimula si Allen sa mundo ng showbiz nang sumali siya sa Ginoong Pilipinas noong 1998.

Pagkatapos nito ay nag-audition siya sa Regal Films at unang napasabak sa pag-arte sa pelikulang Curacha, Ang Babaeng Walang Pahinga na pinagbidahan ni Rosanna Roces.

Itinuturing ni Allen ang taong 2006 bilang turning point ng kanyang career nang gawin niya ang pelikulang Twilight Dancers ni Direk Mel Chionglo.

Lahad niya, “Nag-decide ako na gusto ko nang maging ganap na akor noong nagkaroon kami ng pelikula ni Direk Mel Chinglo.

“Sa Twilight Dancers, nanalo ako ng dalawang Best Supporting actor doon [Star Awards for Movies at FAMAS].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Iyon ang time na nag-decide akong hindi muna gumawa ng sexy films, gusto kong maging serious actor talaga.

“After nun, nag-produce na ako ng pelikula noong 2008, yung Paupahan.

“Nanalo rin ako roon, yung first Best Actor [FAMAS 2009] ko.

“Tapos ay ginawa ko na yung Dukot, Sigwa, Migrante, Lauriana, Magkakabaung, at iba pa.”

Ayon sa manager ni Allen na si Dennis Evangelista, sa ngayon ay nakakuha na ng 16 acting awards ang actor.

Kabilang dito ang 12 Best Actor at four Best Supporting Actor awards. Bukod dito, mayroon pa siyang apat na special awards.

Sa pelikulang Magkakabaung (2014) pa lang ni Direk Jason Paul Laxamana, pitong tropeyo na ang nakuha ni Allen.

Kabilang dito ang tatlong international Best Actor awards sa Harlem International Film Festival sa New York, Hanoi International Film Festival sa Vietnam, at Silk Road International Film Festival sa Ireland.

Sinundan pa ito ng apat na local awards bilang pinakamahusay na aktor sa MMFF New Wave, 13th Gawad Tanglaw, 17th Gawad Pasado, at ang pinakahuli ay sa 38th Gawad Urian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

This year ay itinanghal din si Allen bilang Best Actor sa 1st Sinag Maynila Film Festival para sa pelikulang Imbisibol.

ALLEN’S JOURNEY. Mula sa pagiging sexy star ay naging award-winning actor si Allen. Paano niya ilalarawan ang journey na nangyari sa kanyang showbiz career?

Saad niya, “Noong time na iyon, ang naging inspirasyon ko ay ang mga pinagdaanan ko.

“Lahat ng pinagdaanan ko, doon ko lahat nabibigay yung pag-arte ko.

“Lahat ng struggles ko, lahat ng experience ko… good experience, bad experience, doon lumalabas iyon sa pag-arte ko.”

May instance ba dati na minaliit siya dahil sa pagiging sexy actor niya?

Sagot ni Allen, “Marami. Maraming ganoon.

“Pero hindi ako nagtatanim ng sama ng loob at hindi ko sineseryoso ang mga ganoon.

“Kasi, as far as I know, wala akong ginagawang masama dahil trabaho ko lang iyon, e.

“Mas lalo akong na-challenge sa mga ganoon.

“Kung walang ganoon, baka hindi dumating itong suwerte sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“And para sa akin, kung anuman ang narating ko ay pinaghirapan ko naman lahat iyon.

“Dito sa Magkakabaung, suwerte lang at nagkasunud-sunod ang award ko sa international at locally. Kaya nakakatuwa naman.”

Nang tinanggap ni Allen ang Magkakabaung, naisip niya bang hahakot siya ng awards dito?

Tugon niya, “Hindi, hindi ko ini-expect na magkaka-awards ako sa Magkakabaung.

“Kasi, napakasimple ng istorya para sa akin, napakasimple, pero malalim.

“Ang inaano lang nito, real time.

“Tapos lahat ng shots… and yung tunay na anak ko pa ang gumanap dito na anak ko sa movie.

“So, malaking bagay sa akin yun.

“Kaya yung acting ko ay mas naging natural.”

Sinabi rin ni Allen na wala siyang pinagsisihan sa mga pinagdaanan niya noon bilang sexy actor.

“Wala naman, kumbaga ay mas na-challenge lang ako sa mga taong hindi naniniwala sa akin, yung mga binabato ako, hinihila ako pababa.

“Struggle iyon, e, at saka pagsubok sa akin iyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya kailangang mas pagbutihin ko pa, kailangang ma-challenge ako.

“Kailangang mas ituloy ko iyong gusto kong mangyari sa buhay ko, sa career ko.”

Ipinahayag pa ni Allen na magiging malaking fulfillment sa kanya bilang alagad ng sining kung makakatrabaho niya sina Ms. Nora Aunor at Batangas Governor Vilma Santos.

“Ang gusto kong makatrabaho, siyempre ang nag-iisang Nora Aunor… si Governor Vilma Santos…

“Siyempre yung mga magagaling ang gusto kong makatrabaho. Isang malaking karangalan iyon para sa akin.

“Kapag nangyari iyon, malaking fiulfillment yun para sa akin, para sa career ko.”

INDIE KING. Kasama rin daw si Coco Martin sa mga artistang gustong makatrabaho ni Allen.

“Hindi ko pa siya nakakatrabaho, oo naman siyempre, gusto kong makatrabaho si Coco.

“At saka, kumbaga, naging pareho kami ng pattern ng career ni Coco, e.

“Kung paano yung career ko, nagpa-sexy rin siya at galing kami pareho ni Coco sa indie.

“So, at least, kung magkakasama kami, mas maganda, ‘di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At least, dalawang indie actor ang magkasama.”

Kung sakali na magsama sila ni Coco, dito malalaman kung sino talaga ang indie king?

Reaksiyon ni Allen, “Indie King? Ngayon, ako muna yung puro indie, so ako muna.

“Siya wala na, e, mainstream na siya ngayon, e. Pahinga muna siya sa indie.

“So, indie king at saka mainstream king ang magkakasama.

“Parehong king pa rin yun, hindi ba?”

Anong role ang magiging challenge para sa kanya? Gumanap na ba siyang bading?

“Hindi pa, parang ‘di ko kasi kayang lumabas na bading na bading, e!” tawa niya.

Pero kung halimbawang MMK episode na si Nora Aunor ang kasama niya, pero bading ang role niya, papayag ba siya?

Sagot ni Allen, “Oo naman, papayag ako siyempre.

“Kung closet na bading, mas puwede iyon. Kaya ko iyon, kasi parang ‘di ako mukhang babae, e.

“Pero hindi rin natin masabi, kapag nandoon na. Baka hindi ko masabi e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung comedy na bading, mas madali, e. Pero hindi kasi ako komedyante, e.”

Ano pang role ang gusto niyang gawin?

“Gusto ko talaga ay yung about sa mga sundalo. Iyong tipong Fallen 44.

“Kasi, parang ang hirap nun, ‘di ba?

“Nagte-traing ka, tapos iiwan mo ang pamilya mo. Tapos mamamatay ka.

“Kaya parang nakikipagsapalaran ka sa buhay mo, e.

“Tapos yung mga benepisyo, sahod [na maliit]… parang ang hirap.

“Compare mo doon sa mga taong normal na nagtatrabaho, pero hindi kasama yung buhay nila, hindi ba?”

Masasabi niya bang nag-e-enjoy siya sa kanyang career at hindi niya iiwan ang showbiz hanggang sa pagtanda niya?

Ayon kay Allen, “Oo naman, siyempre.

“Eto na yung buhay ko, e, eto na yung nagustuhan kong makasama habang buhay.

“Parang asawa ‘yan, e, nandiyan ang asawa mo at mga anak mo… eto trabaho, dapat laging may trabaho.

“So, gusto ko hanggang pagtanda ay umaarte pa rin ako dapat. Gusto ko ay artista pa rin ako dapat hanggang sa huli.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Katatapos lang ni Allen ng pelikulang Iadya Mo Kami mula sa panulat ni Ricky Lee at sa direksyon ni Mel Chionglo.

Gagampanan ni Allen dito ang papel ng isang pari na nagkaroon ng girlfriend at nagkaanak.

Kasama niya sa pelikula sina Eddie Garcia, Aiko Melendez, Ricky Davao, at Diana Zubiri.

Nakatakda rin gawin ni Allen ang pelikula mula sa Cannes Best Director na si Brilliante Mendoza. Sisimulan na rin niya ang Sekyu mula panulat ni Ricky Lee at sa direksyon ni Joel Lamangan.

Excited din si Allen sa ABS-CBN soap opera na uumpisahan niya ngayong Hulyo.


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN

Close