GMA talents win labor complaint against GMA; declared as regular employees by NLRC

TAG President Christian Cabaluna on resolution of arbiter declaring complainants as regular employees and not merely independent contractors: “Ang sinasabi ng arbiter, kapag may exclusivity ka, hindi ka independent contractor. Kasi kung independent contractor, you can serve lahat ng kumpanyang gusto mong pagserbisyuhan."


"Lahat ng mga sakripisyo at pagod namin, I can really say it’s really worth it.”

Ito ang pahayag ng presidente ng Talents Association of GMA (TAG) na si Christian “Bowe” Cabaluna kaugnay ng desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) tungkol sa labor complaint na isinampa ng kanilang grupo laban sa GMA Network.

Si Cabaluna ay associate producer ng GMA News and Public Affairs program na Imbestigador.

Sa kaso ni Cabaluna, ang kontrata niya bilang “talent” o non-regular employee ay per renewal basis, sa kabila ng kanyang mahigit siyam na taong pagtatrabaho sa GMA.

Read: GMA Network talents cry foul over alleged labor malpractice; stands by regularization complaint vs GMA

Base sa resolusyong pinirmahan ni NLRC arbiter Julio Gayaman, idineklarang “regular employees” ang mahigit 100 TAG members at hindi lang basta “independent contractors.”

Sabi sa isang bahagi ng resolusyon na may petsang June 22: “Judgment is hereby rendered, declaring complainants [names of complaints] as regular employees of GMA Network Incorporated, and as such, are entitled the security of tenure and all benefits and rights appurtenant thereto.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


BASIS OF REGULARIZATION OF TAG COMPLAINANTS. Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), Huwebes ng gabi, June 25, ibinahagi ni Cabaluna na halu-halong emosyon ang naramdam niya at ng iba pang TAG complainants nang matanggap nila ang kopya ng resolusyon bandang alas-kuwatro ng hapon nitong Huwebes.

“Once na nalaman ko, naiyak na ako.

"Sa sasakyan pa lang, sinabi na sa akin.

“Point by point, sinabi ng arbiter yung strength ng case.

“Sinabi niya na regular kami at hindi talents.

“Sobrang nakakaantig ng puso.

“Ang ingay kanina sa GMA. Nung in-announce namin, nagsigawan yung members,” pahayag ni Cabaluna.

Ito ay matapos ng isang taong pakikipaglaban ng complainants—na nagserbisyo sa kumpanya mula anim na buwan hanggang 15 taon—sa kanilang layunin na maging regular employees at magkaroon ng karampatang benepisyo mula sa GMA.

Paliwanag pa ni Cabaluna, “Ang issue kasi na ginamit ng GMA-7 against us, ang sabi ng GMA, hindi kami regular, kasi kami ay ‘independent contractors.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yun ang term na ginamit sa amin. Yun ang issue.”

Ayon pa kay Cabaluna, nakasaad sa resolusyon kung ano ang basehan na magpapatunay na ang isang manggagawa ay maituturing na independent contractor.

“Briefly, a person can be considered as an independent contractor when one, he has substantial capital or investment in the work or service which he was hired.

“Second, he does not perform activities which are directly related to the principal business.

“And three, he has control over the means and methods by which the work should be done.

“Among these considerations, the third or the element of control is the dominant factor,” saad sa isang bahagi ng resolusyon, ayon sa paglalahad ni Cabaluna.

Ngunit base na rin sa mga pinirmahang kontrata ng complainants sa GMA, mayroon umanong sapat na ebidensiyang magpapatunay na hindi sila maituturing na independent contractors kundi regular employees.

Ito ay sa kadahilanang nakasaad sa kontrata na kontrolado ng network ang duties at responsibilities ng complainants, partikular na ang schedule ng kanilang pagpasok sa trabaho.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakasaad din umano sa resolution na ang “exclusive at irrevocable option” ng GMA na mag-renew o mag-terminate ng kontrata ay malinaw na nagpapahiwatig ng “exclusivity,” na taliwas sa depinisyon ng isang “independent contractor.”

Pati ang probisyon sa kontrata ng complainants na sundin ang “standards, policies, rules, and regulations of GMA-7” ay taliwas sa gawain ng isang “independent contractor.”

Paliwanag pa ni Cabaluna, “Ibig sabihin, ang sinasabi ng arbiter, kapag may exclusivity ka, hindi ka independent contractor.

“Kasi kung independent contractor, you can serve lahat ng kumpanyang gusto mong pagserbisyuhan.

“Ang sinasabi, again it [stipulations in the complainants’ contract] establishes control.”


REINSTATEMENT OF TAG COMPLAINANTS. Ayon pa kay Cabaluna, sakop ng resolusyon ang pag-reinstate sa humigit-kumulang 40 complainants na bahagi ng TAG na hindi na na-renew ang kontrata sa GMA, sa loob ng panahong dinidinig ang regulation complaint ng grupo sa NLRC.

Sabi pa sa isang bahagi ng resolusyon: “The decision of the labor arbiter stating a dismissed or separated employee in so far as the reinstatement is concerned shall be immediately executory even pending appeal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“The employees shall be admitted back to work after the same terms and conditions in the payroll.

“The employer is likewise directed to submit report of compliance within 10 calendar days from receipt of the decision/order.

“No motion for reconsideration for this decision/order/resolution shall be entertained.”

Kaugnay nito, nito lang nakaraang June 5 ay nagsagawa ang ilang TAG members ng protesta laban sa labor malpractice, partikular na ang contractualization, sa harap mismo ng GMA compound sa Timog Avenue, Quezon City.

Sabi ni Cabaluna hinggil dito, “When we rallied, ready na kami mawalan ng trabaho nun.

"Pero pinabalik nila kami. Ang weird... I don’t know.

“Siguro naramdaman na nila na lalabas yung resulta.”

Malaking bagay para sa grupong TAG ang positibong development sa kanilang regularization complaint, lalo pa’t ilan sa kanila ay nakatakdang magtapos ang kontrata at mawalan ng trabaho sa June 30.

Saad ni Cabaluna, “Kasi yung mga pinagdaanan namin for the past years.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Imagine mo, yung mga nawalan ng trabaho.

“Imagine mo, yung mga sahod namin bumaba, nabawasan ng 60 percent, mga tao nawalan ng motivation and inspiration na magtrabaho at bumalik sa GMA.

“Meron sa amin nagkasakit, namumroblema.

“Actually, may gustong mag-back out, napigilan lang.

“Saktong-sakto lumabas ang resolution.”

Sa huli, iginiit ni Cabaluna na ang pagkapanalo ng grupong TAG ay hindi lang para sa kanilang pansariling kapakanan.

Nais din umano nilang magbigay-inspirasyon sa ibang manggagawa na patuloy na ipaglaban ang kanilang karapatan.

“Hopefully, tuluy-tuloy ang victory,” asam ni Cabaluna.

Sinubukan ng PEP na hingan ng reaksiyon ang GMA Corporate Communication hinggil sa desisyon ng NLRC kaugnay ng employee status ng TAG complainants.

Ngunit wala pang opisyal na pahayag ang Kapuso network sa ngayon.

Mananatiling bukas ang PEP sa panig ng GMA, TAG members, at iba pang sangkot sa isyung ito.


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN

Close