Mahigpit pa rin ang labanan sa pagitan ng presidential rivals na sina Senator Grace Poe at Vice President Jejomar Binay, base sa pinakabagong pre-election survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa report ng GMA News Online, si Poe ang piniling presidential candidate ng 27% ng lahat ng sumagot sa survey, na ginanap noong March 4 to 7.
Mas mataas ito ng 3 points kaysa sa 24% na nakuha niya nung nakaraang survey, na ginanap naman noong February 5 to 7.
Read: Binay, Poe, Duterte tie in presidential poll
Samantala, nakakuha lamang ng 24 percent si Vice President Jejomar Binay. Mas mababa ito ng 5 points kaysa sa 29% niyang puntos noong February survey.
May ±2 point margin of error ang naturang survey.
Samakatuwid, maituturing na statistically-tied pa rin ang ranking nina Senator Poe at VP Binay.
Sumunod si Mar Roxas, na nakakuha ng 22%. Mas mataas ito sa 18% na nakuha niya noong February.
Bumagsak naman ang numero ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Statistically-tied si Mayor Duterte kina Senator Poe at VP Binay noong February sa 24%, ngunit sa ngayon ay nakakuha ang alkalde ng 21% na boto mula sa respondents ng latest SWS survey.
Hindi naman gumalaw ang ranggo ni Senator Miriam Defensor-Santiago, na nakakuha pa rin ng 4%.
May 1,800 respondents ang BusinessWorld-SWS Pre-Election Survey, na ginanap matapos ang unang presidential debate, at bago payagan ng Korte Suprema na tumakbo si Grace Poe.
VP SURVEY. Statistically-tied naman umano sa unang puwesto sina Chiz Escudero at Bongbong Marcos para sa pagka-bise presidente.
Nakakuha si Escudero ng 28%, habang 26% naman ang nakuha ni Marcos.
Ngunit makikitang mas umangat si Escudero kung sisilipin ang nakuha nila sa February survey, dahil pareho silang naka-26% noon.
Nadagdagan naman ng 5 points ang nakuha ng Liberal Party candidate na si Leni Robredo. Mula 19% ay naging 24% ito.
May 11% naman si Senator Alan Peter Cayetano para sa pang-apat na puwesto. 6% naman ang nakuha ni Senator Antonio Trillanes IV, at 5% kay Senator Gringo Honasan.