(UPDATED) Former child actor Jiro Manio found wandering at NAIA Terminal 3

Apat na araw na raw na nagpapalaboy-laboy sa loob ng NAIA Terminal 3 ang dating child actor na si Jiro Manio. Nakakaraos daw si Jiro sa pang-araw-araw na pangangailangan nito dahil na rin sa tulong ng mga pasahero at mga empleyado ng airport.


Pakalat-kalat na lamang daw ngayon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang dating child actor na si Jiro Manio.

Ayon sa ulat ng inquirer.net ngayong hapon, June 30, apat na araw na raw nagpapalaboy-laboy ang Magnifico star sa loob ng airport terminal.

Nabubuhay lamang daw ito sa mga pagkaing bigay ng mga biyahero at mga empleyado ng airport.

Sa terminal lobby raw ng NAIA 3, kung saan nakapuwesto ang restaurants, nag-iikot si Jiro sa pag-asang may makuhang tira-tirang pagkain.

Kuwento pa sa media ng security guard ng paliparan na si Frank Sorca, naawa raw siya nang makumpirma niyang si Jiro nga ang pakalat-kalat sa terminal.

Sa tingin daw niya, hindi pa kumakain nang maayos at madumi ang damit ni Jiro, kaya raw binigyan niya ito ng damit at personal na gamit.

Ginamit daw ni Jiro ang damit at kinuha ang pagkain, pero tumanggi raw itong maligo o kaya ay maglinis ng kuko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong tinanong daw niya si Jiro kung bakit sa terminal na ito nagpapalipas ng mga araw, sinabi raw nitong umalis na siya sa kanilang bahay dahil marami raw siyang kaaway doon.

Ayon pa sa salaysay ni Sorca, noong dumating si Jiro sa NAIA, may mga pasa at sugat daw ito na maaaring bunga ng tinamong pambubugbog.

Sabi pa raw ni Jiro, 23, mas maigi nang sa loob siya ng airport terminal tumira dahil mas ligtas siya rito kaysa sa labas.

Duda naman ni Sorca, hindi stable ang pag-iisip ni Jiro dahil noong tinanong daw niya ito ulit, iba na raw ang isinagot nito.

Nag-ambagan daw ang security guards at attendants ng airport para may maipambiling pagkain at iba pang pangangailangan ni Jiro.

Tila hindi naman daw alam ni Jiro kung bakit siya pinakitaan ng kagandahang-loob ng mga taga-airport o bakit siya nakakuha ng ganung klaseng atensiyon.

Hindi rin daw niya alam na siya ay isang artista kundi baka kamukha lamang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

UPDATE: Dahil na rin sa mga naglabasang reports sa telebisyon at sa Internet, nakaabot sa kaalaman ng mga kaanak ni Jiro ang kanyang kinaroroonan.

Kaya naman pagkalipas ng ilang oras ay sinundo na siya ng mga ito sa lobby ng NAIA Terminal 3.

Nanawagan ang amain ni Jiro na si Andrew Manio at ang direktor na si Maryo J. de los Reyes sa mga taga-showbiz na tulungan ang dating child star para sa mental rehabilitation nito.

Pinapahanap na rin ngayon ng Philippine Queen of Comedy na si Ai-Ai delas Alas ang kinaroroonan ni Jiro.


Gusto raw tulungan ni Ai-Ai ang isa sa mga naging anak niya sa pelikulang Ang Tanging Ina Mo.

Sa edad na 12, nakatanggap ng apat na Best Actor awards si Jiro, tatlo mula rito ay mula sa pelikulang Magnifico (2004).

Taong 2011 nang na-rehab si Jiro dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Makalipas ang isang taon, nakalabas na ito at umasang muling mabigyan ng mga TV at movie projects para sa kanyang anak na babae.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Read: Jiro Manio on his biggest regret in life: “Siguro yung di ko pag-amin sa mga kasalanang nagawa ko, lalo na dun sa mga taong hindi ko napagbigyan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN