Mich Liggayu on status of her lovelife: “Single and trying to be happy.”

Ayon sa baguhang singer-actress na si Mich Liggayu, mas napatunayan niya kung sino ang mga tunay na tagasuporta at nagmamahal sa kanya nang dumaan siya sa mga kontrobersiya.


“Sana po. Hopefully, magtuluy-tuloy na po.”

Ito ang sagot ni Mich Liggayu nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung tuluy-tuloy na ba ang kanyang pagsabak sa showbiz.

Nakausap namin si Mich nitong Martes, June 30, sa story conference ng upcoming comedy-horror film na Echorsis, na pagbibidahan nina John “Sweet Lapus, Benjamin Alves, at Alex Medina.

Bago ito, unang sumabak sa pag-arte si Mich nang magbida siya sa Wattpad Presents: How To Break Up with the Bad Boy sa TV5, kasama sina Vin Abrenica at Mart Escudero.

Nakilala si Mich nang maging YouTube sensation sila ng kanyang yumaong boyfriend na si Jam Sebastian, na mas kilala sa tawag na Jamich.

Nang pumanaw si Jam noong Marso dahil sa sakit na lung cancer, inulan ng kontrobersiya si Mich, kagaya ng pagkaka-link niya sa isang aspiring singer at alitan nila ng ina ng yumaong kasintahan.

Naramdaman ba ni Mich na nabawasan ang suporta sa kanya dahil wala na ang Jamich?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot niya, “Actually, dito ko po nakita na mas madami pa rin ang nagmamahal at naging nandiyan para sa akin.

“Mas na-prove nilang totoo silang nandiyan para po sa akin.

"Kasi, kahit ano pong mangyari, ipinakita nila na kahit anong mangyari, hindi sila mawawala sa tabi ko.

“Mas nagbigay pa po sila ng love and support para maparamdam po sa akin na may kasama ako palagi.”

Pakiramdam ba niya ay nabawasan ang mga sumusuporta sa kanya?

Sagot ni Mich, “May iba pong nababasa na sinasabi po nila na dati daw po fans sila ng Jamich, pero dahil may mga issues, parang naguguluhan po sila.

“Well, yung part na 'yon, naiintindihan ko naman po.

"Kasi siyempre, hindi mo naman po alam yung buong istorya kaya baka po nami-mislead lang po sila.”

Dahil sa mga kinasangkutang isyu, may namba-bash kay Mich. Paano niya ito hinaharap?

“As much as possible, tina-try ko pong i-avoid kapag may negative na nasasabi ang ibang tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi lahat naman po, lalo na sa panahon ngayon, lagi silang may masasabi kahit kanino pa po ‘yan.

“'Di ko na lang siya pinepersonal kasi alam ko po na yung mga ganung klaseng tao ay may pinagdadaanan din po siguro, kaya iniintindi ko na lang po sila.”

Bukas na ba siya na makipag-date muli?

Aniya, “Ngayon po, hindi ko pa po naiisip yung part na 'yon ng buhay ko, kasi mas gusto ko po ngayong mag-focus sa sarili ko naman po muna.

"Kasi medyo hindi pa po stable ngayon ang pakiramdam ko.

"May times po na nadi-depress talaga ako, kaya gusto ko sana mag-focus din kung paano ko mapapaigi ang sarili ko.

"Para sana, in the future, kung magiging okay ang career o magiging mas okay po sana.”

Paano niya sinasabi ito sa mga nanliligaw sa kanya?

“Wala naman po, kasi ever since, hindi naman po ako lapitin ng mga boys.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, ngayon, wala naman po.

“Ewan ko, baka natatakot po siguro sila sa hitsura ko o baka mukhang mataray.”

Ano ang estado ng personal niyang buhay ngayon?

“Single and happy naman, trying to be happy. Trying to love myself more,” sagot niya.

ECHORSIS. Samantala, ang Echorsis ang first movie ni Mich, kung saan gaganap siya bilang girlfriend ng character ni Alex.

“Bagong experience na naman po para sa akin.

"Parang na-excite ako, at the same time, kinabahan ako, kasi ang mga makakasama ko ditong mga artista, e, yung mga matagal na po sa industry na ‘to.

"Parang may halong pressure kasi first movie din po."

Hangad daw ni Mich na magtagal din siya sa industriya, na pangarap na niyang maging bahagi mula pa noong bata siya.

“Actually, ever since bata pa po ako, dream ko na talaga makapasok sa ganitong industry.

"Kasi sobrang love ko ang entertainment—yung pag-perform, yung singing, dancing, at acting.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sana po, in the future, ma-bless po ako na sa mainstream na po talaga.”


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN

Close