(UPDATED) GMA reporter Julius Segovia faces child abuse complaint for allegedly embarrassing two students

Nahaharap ngayon sa reklamong child abuse ang GMA News reporter na si Julius Segovia matapos umano niyang hiyain ang dalawang batang estudyante sa harap ng iba pang mga estudyante sa isang journalism workshop sa Butuan City.


Sinampahan ng reklamong child abuse ang GMA News reporter na si Julius Segovia sa isang police station sa Butuan City nitong Sabado, June 27, dahil sa umano'y panghihiya nito sa dalawang estudyante, na parehong 9 years old, sa ginanap na campus journalism workshop sa nasabing lugar.

Sa tulong ng mga guro sa nasabing eskuwelahan, naghain ng reklamo ang mga magulang ng mga batang biktima laban kay Julius sa Butuan City Police Station 1 sa ilalim ng Women and Children Welfare Desk.

Ayon sa ulat ng Interaksyon.com, nakasaad sa blotter report na hiniya umano ni Julius ang mga biktima sa harap ng iba pang mga estudyante at pinagsalitaan daw ng hindi maganda habang ginaganap ang seminar workshop on campus journalism.

Ayon sa ina ng isa sa mga bata na si Cheery Ann, balak nilang gamitin ang nasabing police report para magsumite ng kaso sa korte dahil nagdulot umano ito ng trauma sa kanilang anak.

Nakiusap din umano ang kanyang anak na huwag nang pumasok sa paaralan dahil nahihiya itong harapin ang iba pang mga estudyante matapos ang ginawa ng reporter.

Ayon naman sa ulat ng Kickey Daily, nasaksihan umano ng isa sa mga guro sa nasabing paaralan—na nakilala bilang si Arcelie Cultura, Grade 6 adviser—ang pangyayari.

Ilang metro lamang daw ang layo ni Cultura nang makita niya nang pagalitan ni Julius ang dalawang estudyante dahil sa hindi umano pakikinig ng mga ito.

Nang tanungin ng guro si Julius kung bakit ito nagagalit, sinabi raw nitong “bastos” ang dalawang bata.

Sinabi rin daw ng reporter na paalisin na ang dalawang bata kung wala silang ginagawa.

Sinabihan din daw ni Julius ang mga bata ng “Kung bastusan lang ang gusto ninyo, magbastusan na tayo” sa harap ng iba pang mga estudyante na humigit-kumulang 400 ang bilang.

Ayon sa isa sa mga batang sangkot, kinunan daw nila ng “unflattering photo” si Julius na ipinapabura naman ng reporter.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inilahad naman ng isa sa mga bata, Grade 4 student, sa Butuan City SPED Center kung ano ang nangyari.

Na-excite daw ang bata kaya kinunan niya ng larawan ang kanilang speaker at hindi niya napansin na nagmukhang natutulog si Julius sa larawan.

Nagtawanan daw sila sa kanilang desk, pero hindi naman daw ang speaker ang pinagtatawanan nila.

Lumapit daw ang reporter at inutusan silang burahin ang nasabing larawan.

Natakot daw ang estudyante dahil galit ang reporter at napahiya siya dahil nakatingin ang lahat sa kanya.

Sinabi pa sa ulat na nagbayad ang bawat estudyante ng P2,800 at ang mga guro ng P3,000 para sa workshop.

GMA STATEMENT. Nakipag-ugnayan ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Corporate Communications ng GMA Network para sa panig ng News and Public Affairs tungkol sa isyung ito.

Narito ang kanilang sagot:

"The accusations against reporter Julius Segovia are being investigated by GMA in accordance with standard procedure.

"The Network assures the public that it does not tolerate any unprofessional and improper behavior from its officers, employees, and personalities."

JULIUS'S RESPONSE. Sumagot na rin si Julius sa akusasyon laban sa kanya.

Sa pamamagitan ng kanyang Facebook post nitong Miyerkules, July 1, itinanggi ng GMA reporter ang pamamahiya niya diumano sa mga bata.

Pahayag ni Julius, “I categorically deny all accusations hurled against me. It is not in my character to humiliate or abuse children as I also have nephews or nieces that I love dearly.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN