Handang tulungan ni Ai-Ai delas Alas si Jiro Manio, na laman ng mga balita ngayon dahil nakitang palaboy-laboy sa NAIA Terminal 3 nitong mga nakaraang araw at diumano’y wala sa tamang pag-iisip.
Gumanap bilang mag-ina sina Ai-Ai at Jiro sa tatlong film installment ng Tanging Ina: Ang Tanging Ina (2003), Ang Tanging Ina Ninyong Lahat (2008), at Ang Tanging Ina Mo (Last na 'To) noong 2010.
Sa ulat ni Nelson Canlas para sa "Chika Minute" ng 24 Oras nitong Miyerkules, July 1, sinabi ni Ai-Ai na susunduin sana niya ang aktor sa airport, pero sinabihan siyang mga kapamilya o kamag-anak lamang ang puwedeng sumundo kay Jiro.
“Dapat nagpunta ako sa kanya, pero sinabi naman nila sa pulis sa airport na kailangan family lang ang kukuha kay Jiro," pahayag ng Comedy Queen.
Idinagdag pa ni Ai-Ai na nag-aalala rin para kay Jiro ang mga artistang sina Marvin Agustin at Nikki Valdez, na gumanap na mga kapatid ng dating child actor sa Tanging Ina.
“Gusto rin nilang tumulong,” sabi pa ni Ai-Ai.
Sa Instagram post naman ni Nelson, nakikiusap umano si Ai-Ai sa bashers sa Internet na huwag munang husgahan si Jiro.
“Hindi niya kailangan yun ngayon. Ang kailangan niya ay tunay na tulong mula sa mga totoong tao," sabi ni Ai-Ai.
Handa rin daw ang aktres na personal na dalhin si Jiro sa rehabilitation facilities o ospital kung kinakailangan.
Nakikipag-ugnayan na rin daw si Ai-Ai sa mga kamag-anak ng aktor.
Samantala sa kanyang Instagram account, nag-post si Ai-Ai ng isang quote: “We don’t meet people by accident, they are meant to cross our path for a reason.”
Sabi naman niya sa caption ng nasabing post: “I may not be your biological mom .. But I’ll try to help you the very best way I can.”
.. I may not be your biological mom .. But ill try to help you the very best way i can .. ðŸ™Â💚
A photo posted by Martina Eileen Delas Alas (@msaiaidelasalas) onJul 1, 2015 at 3:04am PDT
Hindi man direktang sinabi ni Ai-Ai kung sino ang tinutukoy niya, inisip ng followers ng aktres na si Jiro ito.
Samantala, sinabi rin sa "Chika Minute" na ipinakausap na si Jiro sa isang psychiatrist upang matulungan ang aktor.
Sabi ni Cely Magpantay, isang psychiatrist, tungkol kay Jiro: “Madali naman siyang makausap basta ma-gain mo yung trust niya.
“Pero very reserved din siya.
“Nung tinanong ko siya kung gusto ba niyang may kasama or samahan namin siyang bumalik sa bahay, ayaw na niyang bumalik.”
Ayon naman sa tumatayong ama ni Jiro na si Andrew Manio, posibleng nag-iiba na ang pag-iisip ng Magnifico star dahil hindi na ito nakakainom ng gamot para sa epekto ng drug use niya dati.
Idinagdag din ng amain ni Jiro na matagal nang hindi gumagamit ng bawal na gamot ang aktor.
UPDATE: Personal nang nakausap ni Ai-Ai si Jiro Manio.
Ayaw na raw pag-usapan ng aktor ang pagkapariwara ng kanyang buhay.
Nangako naman ang Philippine Queen of Comedy na gagawin niya ang lahat upang maibalik sa normal ang pag-iisip ni Jiro.
Sabi pa nito, "Gusto ko lang ibalita na ok siya at sisiguraduhin kong mas MAGIGING OK PA SIYA."