Marvin Agustin willing to give Jiro Manio a job

Marvin Agustin on Jiro Manio: "Inosenteng-inosente nung kasama namin, e. Yun ang memory naming lahat, e. So, for someone to go through something like this, kakailanganin ang tulong ng maraming tao."


Isa si Marvin Agustin sa nagpahayag na handa siyang tumulong at bigyan ng trabaho ang dating child actor na si Jiro Manio.

Sinabi ito ng aktor, na kilala rin bilang isang magaling na businessman, sa thanksgiving presscon ng teleseryeng Flordeliza kahapon, July 14, sa 9501 restaurant sa 14th floor ng ELJ Bldg. ng ABS-CBN.

Ngunit idinagdag ni Marvin na kay Jiro pa rin ang desisyon kung tatanggapin niya ang tulong.

“Sa lahat ng bagay, mahirap masyadong magprisinta ako, i-push natin yung mga bagay na gusto nating mangyari sa isang tao.

"Maganda na hintayin natin yung tao mismo ang maka-realize ng mga gusto niya talagang gawin.

“Siguro ako pa ang gagabay sa kanya basta handang-handa siya.

"Kung hindi pa siya handa, siguro yun ang dapat pag-focus-an ngayon, yung pagiging handa niya sa mga gusto niyang gawin."

Gumanap bilang magkapatid sina Marvin at Jiro sa Ang Tanging Ina movie franchise.

Nalungkot daw si Marvin nang unang makita sa social media ang kalagayan ni Jiro, na nakitang palaboy-laboy sa NAIA 3 at humihingi ng pagkain.

“Immediately, actually when I saw in social media, I called Mama Ai [Ai-Ai delas Alas, who played Marvin and Jiro’s mother in Ang Tanging Ina] right away.

"Hindi na ako sumagot sa mga threads. Tinawagan ko na agad, 'Mama Ai, anong tulong ang magagawa natin?'

“E, she was on top of things naman when I talked to her.

"Sabi ko, 'Sige, Ma, nandito lang ako. Kahit ano, sabihan mo lang ako. Anak mo ‘yan, kapatid ko ‘yan.'

"Inosenteng-inosente nung kasama namin, e. Yun ang memory naming lahat, e.

"So, for someone to go through something like this, kakailanganin ang tulong ng maraming tao.

"Pero gaya ng sabi ko, gusto ko siya ang makaramdam at humingi ng tulong para sa sarili niya."

Sa ngayon, hindi pa raw nakakausap ni Marvin si Jiro, at ang lahat ng updates ay nanggagaling kay Ai-Ai.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Si Mommy Ai pa lang ang kumakausap sa kanya.

"Hinihintay namin yung chance na yun na 'di siya magugulat at mabibigla.

"Gusto siyempre namin siyang puntahan at kausapin, pero ayaw naman namin siyang guluhin. Dahan-dahan.

"So, through Mommy Ai, siya ang kinakausap namin."

FLORDELIZA. Si Marvin ay nagbalik-Kapamilya at napanood sa afternoon soap na Flordeliza, na magtatapos na sa darating na Agosto.

Sa pagtatapos ng kanilang teleserye, sinabi ng aktor na mixed emotions ang nararamdaman niya.

“Pareho ang pakiramdam.

"Happy kasi napakasaya ng seven months na yun, working with these two girls [child actresses Ashley Sarmiento and Rhed Bustamante].

"Sinasabi nga ni Direk Wenn [Deramas] na mga professional at napakagagaling na mga bata sila.

"Malungkot, kasi sa bawat pagtatapos, may mga masasayang alaala na maiiwan."

Dagdag pa ni Marvin, “Naku, heto na, may mamamatay. Mahirap nang i-reveal, so yun ang hintayin nila.

"We are actually shooting yung mga last scenes namin ngayon, so may mga out of town kami.

"Abangan ninyo yun."

BACK TO SCHOOL. Samantala, ibinalita ni Marvin na magbabalik-eskuwela pala siya kaya lie-low siya uli sa kanyang showbiz career.

“Mag-aaral ako sa Ateneo Graduate School of Business, Master of Entrepreneurship.

"Medyo magiging busy, every day yun for eighteen months.

“Nakakainggit, e. Marami akong kaibigan na kinuha ang [MBA] na ito sa Ateneo o AIM [Asian Institute of Management].

"Dati ko pang pinaplano ito. Naging maganda yung schedule after Flordeliza.

"Mayroong term na nagbukas so grinab ko na yung opportunity."

“Saka di ka malulugi sa eskuwelahan, yung mga bagay na matutuhan mo, magandang experience lagi ‘yun.”

Sa usaping lovelife naman, sinabi ni Marvin na wala ito sa prayoridad niya sa ngayon.

Mukhang kuntento na siya sa pagiging ama sa kambal niyang anak na sina Santiago at Sebastian.

"Lovelife? I think sa dami ng nangyayari sa buhay ko, hindi."

Kumusta naman ang kambal niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Masayang banggit ni Marvin, “Great, ang lalaki na!

"Lumipat sila ng school, tapos na naman yung adjustment period nila.

"Enjoy na sila sa bago nilang school. Masaya yung dalawang bata."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN