PNoy anoints Mar Roxas as successor for 2016 elections; Mar accepts the challenge to continue "Daang Matuwid"

Mar Roxas on PNoy's annointment of him as presidential bet in 2016 elections: "Napakalaking karangalan nito at sinusumpa ko, hindi ko dudumihan ang pangalan nila at lalong hindi ko dudumihan ang pangalan po ninyo. Sa pag-endorsong ito, ipinapasa mo rin ang pangarap at lakas ng bawat isa sa isang daang milyong Pilipino. Mga boss, hindi ko sasayangin ang tiwala ninyo."


“Ako si Mar Roxas, tinatanggap ko ang hamon ng ating mga boss: itutuloy, palalawakin, at ipaglalaban ang Daang Matuwid.”

Ito ang pahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas pagkatapos siyang pormal na iendorso ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bilang standard bearer ng Liberal Party sa May 2016 elections.

Ginanap ang pag-anunsiyo ni PNoy sa kanyang napiling presidential bet, sa Cory Aquino Hall ng Club Filipino, San Juan City, ngayong Biyernes, July 31.

Matatandaang sa naturang lugar din naganap ang makasaysayang panunumpa ng yumaong ina ni PNoy na si Corazon Aquino noong ito ay hinirang na Presidente ng Pilipinas noong 1986.

Dito rin pormal na inilunsad ni PNoy ang kanyang pagkandidato bilang Pangulo noong 2009.

Sa kanyang talumpati, nabanggit ni PNoy ang obligasyon niyang siguruhing magkaroon ng “malinis na halalan” at pumili ng lider na magpapatuloy ng adhikain ng kanyang administrasyon na tinaguriang “Daang Matuwid.”

Bagamat hindi siya nagbigay ng pangalan, tila tinukoy ni PNoy ang pakikipagpulong niya kamakailan kina Secretary Mar Roxas, Senator Grace Poe, at Senator Chiz Escudero kaugnay ng proseso niya ng pagpili ng tambalang karapat-dapat mamuno sa susunod na administrasyon.

Read: Senator Grace Poe feels PNoy wants her to be Mar Roxas’s VP in 2016 elections

Lahad ni PNoy, “Sa paghahanap nga po, kinausap natin ang mga taong maaaring magpatuloy sa Daang Matuwid at ang maraming mga sektor.

“Kinapanayam ko ang tatlong tao na sa aking pananaw ay kabalikat sa Daang Matuwid.

"Maganda nga po sana na ang mga kailangan pang magsanay ay talaga pong magkakaroon ng pagkakataong mahinog at maunawaan ang tunay na lalim ng pagkapinuno.

“Sa akin pong paniniwala, itong tatlo kung magkakasama-sama ay talagang matinding tambalan.

“Doon po, sa ngayon ay hindi pa tayo nagtatagumpay.

“Nagkaunawaan po kami. Mukha namang iisa ang aming hangarin.

“Pero hindi eksaktong paraan ang nasa sa isip para maabot ito.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kabila nito, tinuldukan ni PNoy ang espekulasyong tungkol sa kanyang preferred presidential bet nang pormal niyang iendorso si Mar, na tiyak umanong magpapatuloy ng misyon ng kanyang administrasyon.

Kabilang na rito ang pagpapanagot sa mga tiwali, patuloy na pag-angat ng ekonomiya ng bansa, at magpalawak ng serbisyong panlipunan.

Pahayag pa ni PNoy, “Ang sa akin lang po, bakit tayo magpapaakit sa 'baka,' kung meron namang sigurado?

“Siguradong may kakayahan, siguradong walang ibang boss kundi ang taong-bayan, siguradong walang ibang pinagkakautangan ng loob, siguradong walang ibang interes kundi ang bayan.

“Sa madaling-salita, doon na tayo sa siguradong itutuloy ang Daang Matuwid.

“Ang paniniwala ko po, ang taong ito ay walang iba kundi si Mar Roxas.”

 

MAR VOWS TO CONTINUE “DAANG MATUWID.” Sa kabilang banda, naging emosyunal naman si Mar nang pormal niyang tanggapin ang hamon na kumandidato sa pagka-Pangulo sa 2016 elections.

Matatandaang sa Club Filipino rin nasabi ni Mar ang mga katagang “bayan bago ang sarili” nang isinantabi niya ang planong tumakbo bilang Presidente, at pormal na hinirang si Noynoy bilang standard bearer ng Liberal Party noong 2009, para sa 2010 elections.

Sa kanyang talumpati ngayong araw, mas binigyang diin ng DILG secretary ang pagtanggap sa malaking responsibilidad na ipinataw sa kanya ni PNoy.

Ani Mar: “Mr. President, kung naaalala niyo po noong 2009, nag-usap po tayo bago po ninyo tinanggap na tatakbo ho kayo.

“Nagkasundo tayong isantabi ang personal na interes at isipin kung para saan ba talaga tayo nagsisilbi.

“Sabi mo sa akin noon, hindi mo puwedeng talikuran ang panawagang ipagpatuloy ang laban ng iyong mga magulang.

"Sa pag-endorsong ito, ang pakiramdam ko, ipinapasa mo sa akin ngayon ang mga ipinaglaban nila."

Sa puntong ito ay bahagyang naluha si Mar dahil malaking karangalan umano para sa kanya na ipagpatuloy ang adhikain ng mga yumaong magulang ni PNoy—sina Senator Ninoy Aquino at President Corazon Aquino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Patuloy na pahayag ni Interior Secretary Mar sa kanyang mensahe para kay PNoy: “Napakalaking karangalan nito at isinusumpa ko, hindi ko dudumihan ang pangalan nila at lalong hindi ko dudumihan ang pangalan po ninyo.

“Sa pag-endorsong ito, ipinapasa mo rin ang pangarap at lakas ng bawat isa sa isang daang milyong Pilipino.

“Mga boss, hindi ko sasayangin ang tiwala ninyo.”

Nangako rin si Mar na ipagpapatuloy niya ang plataporma ng Daang Matuwid na sinimulan ng administrasyong Aquino.

Aniya, “Alam nating lahat at nakita natin nitong mga nakaraang taon ang mga pangarap na ito ay kayang maabot.

“Kailangan lang isang gobyernong nakatutok sa kapakanan ng taong-bayan at tumutotoo sa sinumpaang tungkulin nito: gobyernong mabilis, maliksi at agarang nakakaresponde sa pangangailangan natin.

“Propesyunal hindi transaksyunal, walang bara-bara, walang patsamba kundi sistematikong pagtupad sa mga pangarap natin.

“Isang gobyernong ang tanging pinaglilingkuran ay ang ating mga boss na nagbigay sa kanya ng mandato at lakas.

"Ito ang nasimulan natin sa Daang Matuwid."

ROXAS FAMILY LEGACY: BAYAN BAGO ANG SARILI. Naging emosyunal din si Mar nang alalahanin kung paano siya napasok sa mundo ng pagsisilbi sa bayan.

Ang yumao niyang kapatid na si Congressman Dinggoy Roxas sana ang nakatakdang magpatuloy sa prinsipyong “bayan bago ang sarili,” na pamana ng kanilang lolo na si dating President Manuel Roxas at amang si Senator Gerry Roxas.

Tiyempong binisita ni Mar ang puntod ng kanyang yumaong ama, kapatid, at lolo, kagabi, July 29, at noong Linggo, July 26.

Kuwento ni Mar, “Nang nawala si Dinggoy, sa akin lumapag ang responsibilidad na isabuhay ang prinsipyong ito.

“Hindi ko ito kayang talikuran. Hindi ko kayang talikuran ang alaala ng Dad, ni Dinggoy, pati na ng aking lolo.

“Tungkulin ko ito kahit alam kong magbabago ang buhay ko at kakailanganin kong lumabas sa nakasanayan ko.

“I had to do justice to what I have been taught and to what I knew in my heart was right.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“I accepted the responsibility.”

Ilan sa mga namataang todo ang suporta kay Mar kanina ay ang misis niyang si Korina Sanchez, ang inang si Judy Araneta-Roxas, at anak na si Paolo.

Si Mar ay naihalala bilang senador mula 2000 hanggang 2010. Nagsilbi rin siya bilang Representative ng First District ng Capiz mula 1993 hanggang 2000.

Panandalian din siyang naging Secretary of Trade Industry sa ilalim ng administrasyon nina dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo at Joseph Estrada noong 2000 hanggang 2003.

Dito siya nakilala noon bilang "Mr. Palengke."

Sa kasalukuyan ay wala pang katiyakan kung sino ang magiging running mate ni Mar, ngunit umaasa ang marami na pumayag si Senator Grace Poe na tumakbo muna bilang Vice President bagamat matunog din ang kanyang pangalan sa presidential bets.

Ngayong tiyak na ang pagtakbo ni Mar bilang Presidente sa 2016, makakaharap niyang muli sa eleksyon si Vice President Jejomar Binay.

Matatandaang noong 2010 ay nagharap sila sa vice presidential race, kung saan tinalo ni Binay si Mar.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN