Masculados Dos member Ozu Ong shot dead in carjacking incident in Angono

Marcelo de Guzman Ong II, also known as Ozu Ong, is a member of the all-male group Masculados Dos handled by director Maryo J. de los Reyes.


Isa sa miyembro ng Masculados Dos ang nasawi sa hinihinalang carjacking incident na naganap malapit sa Primrose Hills Subdivision sa Angono, Rizal, ngayong Linggo, Agosto 2, bandang alas-kuwatro ng madaling-araw.

Kinilala ang biktima bilang si Marcelo de Guzman Ong II o mas kilala sa screen name nitong Ozu Ong, 30.

Nagbigay ng detalye tungkol sa insidente ang kapatid ni Ozu na si Maan Ong sa panayam nito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kaninang umaga.

Ayon kay Maan, pauwi si Ozu galing ng show nito sa Timog Avenue, Quezon City, gamit ang sasakyan nitong itim na Toyota Hilux, na may plate number na AAO 2722, nang maganap ang insidente.

"Actually, galing siya ng show. Ang alam ko show ng Masculados diyan sa Timog Avenue.

"Ngayon, after ng show, pauwi na siya ng Antipolo.

"Actually, Angono na yun, e, bahay na nila, pauwi na siya... malapit na sa kanila.

"Ang balita is parang huminto yung sasakyan niya, parang nakahinto.

"Hindi namin alam kung bumaba siya or pinababa siya, binaril siya sa dibdib.

"Actually, gitna, e, gitna talaga yung pagkabaril, e.

"Wala siyang sugat, e, wala siyang sinapak sa mukha or whatsoever.

"Talagang binaril na lang, e, parang wala nang nangyaring usapan, e.

"Binaril na lang basta, kinuha na lang yung sasakyan niya."

Agad na sumugod sa pinangyarihan ng insidente ang asawa ni Ozu, ngunit ikinasama raw ng loob ng pamilya ng Mascualdos Dos member ang hindi pagtulong agad ng mga tao sa kanila upang madala si Ozu sa ospital.

Salaysay ni Maan, "Nung may nakarinig nilang may bumaril, saka lang nagkatao.

"Hindi nila ginalaw, ayaw pa nilang galawin.

"Nagmamakaawa yung hipag ko na, 'Dalhin na natin ng ospital! Dalhin na natin ng ospital!'

"Ayaw nilang galawin, hintayin daw ang S.O.C.O."

Dagdag pa niya, "So, nagmakaawa na siya hanggang sa pumayag na sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siguro umabot ng 5 to 10 minutes bago nadala ng ospital pa.

"E, malapit lang naman ang Antipolo Doctor's Hospital."

Hinihinala ng pamilya ni Ozu na dalawa o higit pang suspek ang gumawa ng krimen.

Sa huling mensahe ni Maan sa PEP, sinabi nitong katatapos lang ng autopsy sa kanyang kapatid na kinakitaan ng mga pasa sa katawan at tama ng baril sa dibdib.

Carjacking na rin ang hinalang motibo ng mga suspek dahil wala naman daw nakakaaway ang kapatid niya.

"Wala naman kami alam na kaaway niya, 'tsaka si Ozu, hindi na siya lumalabas ngayon, e.

"Lumalabas lang siya 'pag may show, 'pag may trabaho.

"Bahay-trabaho, bahay-trabaho, yun na lang ang gawain niya ngayon, e.

"Talagang nasa bahay lang siya, sa mga anak niya, yun na lang."

Balak ng pamilya ni Ozu na ilagak ang kanyang mga labi sa chapel malapit sa kanilang tirahan.

Ilan sa mga programang kinabilangan ni Ozu ay ang GMA shows na Munting Heredera (2011), Magpakailanman, at Diva (2010).


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN