Susan Roces breaks silence on black propaganda against daughter Grace Poe

Susan Roces on daughter Grace Poe being called 'ampon': “Never ko siyang tinawag na ampon, lalong never never ko siyang tinawag na pulot. How dare they use that word!”


Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsalita ang veteran actress na si Susan Roces tungkol sa mga paninira laban sa anak niyang si Senator Grace Poe.

Dahil sa matunog ang pangalan ni Grace sa 2016 elections ay kinukuwestiyon ng ibang kampo ang citizenship at ang pagiging adopted nito.

Humarap si Susan sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media ngayong hapon, August 18, sa presscon ng iniendorso niyang Champion laundry soap.

Nag-renew ng kontrata ang veteran actress para sa Champion na ngayon ay may hashtag na #Katapatan.

Ayon kay Susan, mas masakit ngayon ang mga paninira kay Grace kumpara nang kumandidato noong 2004 ang kanyang pumanaw na asawa, ang King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr.

Pahayag niya, “Marahil ngayon kasi personal, e, kasi tungkol sa pagkatao.

“Wala silang karapatan para magsalita nang ganoon, although hindi dapat ikagalit.

“Katulad nga ng sinabi ko sa ating interview tungkol sa Champion, ngayon, libreng namamahayag ang mga tao.

“And this is a fine opportunity and I'd like to think of it on a positive note.”

Patuloy niya, “Ngayon may pagkakataon, halungkatin na nila kung ano ang gustong halungkatin.

“I will appreciate it kung maipo-produce nila kung sinumang tao ang makaka-match ng DNA ng anak ko.

“Aba, e, magpapasalamat ako sa kanya dahil matagal na naming hinahanap.”

“GRACE IS MY DAUGHTER.” Naging emosyunal si Roces nang magsalita tungkol sa paulit-ulit na akusasyon na ampon, pulot o foundling ang kanyang anak.

“’Yang mga salitang ‘yan ay malaking bahagi ng pagpapalaki ko sa aking anak.

“Never ko siyang tinawag na ampon, lalong never never ko siyang tinawag na pulot.

“How dare they use that word!”

Diin pa ng veteran actress, “Grace is our daughter.

“Nakakabit pa ang pusod niya nung siya ay matagpuan sa simbahan ng Jaro [Iloilo], kukuwestyunin nila kung citizen siya ng bansang ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ko alam kung ano ang pamantayan nila.

“Binalewala nila ang paggamit niya ng pangalan ng kanyang ama, Ronald Allan Poe, at ng aking pangalan, Jesusa S. Poe, nung siya ay nag-fill up ng application ng candidacy.”

ITINADHANA NG DIYOS. Madamdaming pahayag pa ni Susan, “Bakit? Ano ang karapatan nila na iwalang-bisa yung ipinaglaban namin sa korte para magkaroon siya ng tunay na birth certificate?

“Maliit na bata si Grace noon.

"Itinadhana ng Panginoong Diyos na kami ay magkakasama.

“Itinuturing ko na mapalad ako. Napakapalad ko dahil biniyayaan kami ng anak ng Panginoong Diyos.

“Oo, siya’y natagpuan sa simbahan.

“Sabi ko nga sa anak ko, ‘Anak, mabubuti ang mga tao, kung sino man sila dahil hindi ka nila itinapon sa basura, sa bahay ka ng Panginoong Diyos inilagak.

“’Salamat at pinagtagpo ang ating landas dahil ipinanalangin ko sa Diyos na magkaroon ako ng anak at dinescribe ko ang hitsura niya.

“'Sabi ko na may mga matang katulad mo na nagniningning, may kulot na buhok na katulad ko.'

“Ngayon, basta-basta na lang na may darating at sisirain ang lahat?

“Wala silang karapatan na duru-duruin ang anak ko at tawaging hindi citizen ng bansang ito."

Bilang isang ina ay labis daw na nasasaktan si Susan sa mga paratang na ibinabato sa kanyang anak.

Saad niya, “‘Yang pakiramdam na ‘yan ay hindi lamang nararamdaman ng isang ina na tao.

“Kahit hayop, nasasaktan kapag minamaliit o hindi ginagawan ng tama.

“Pagmasdan ninyo ang kilos ng askal. Hindi na yung mga high breed na aso, askal.

“Makikipaglaban nang patayan sa pagtatanggol, huwag mong mahipo-hipo ang mga tuta ng bagong panganak na inahin na aso, sasakmalin ka nila.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN