Wally Bayola repays Dabarkads for second chance: "Parang suklian ko naman nang hindi naman kayo magsisi na binigyan niyo ako ng chance."

Ibinahagi ni Wally Bayola kung paano niya nagagawang gampanan ang iba't ibang karakter sa Kalyeserye ng Eat Bulaga!: “May activities kami na kumuha ka lang ng mga gamit, impromptu. Tapos paglabas mo, interbyuhin ka ng parang facilitator na, ‘Sino ka?’ Kailangan alam mo kung sino ka, ano ka. Kailangan masasagot mo lahat na tanong. Ganun ang training namin sa teatro, parang characterization workshop.”


Marami ang nagsasabing nakabawi na si Wally Bayola mula sa kinasangkutan niyang eskandalo noong 2013, dahil sa mahusay na pagganap niya sa iba’t ibang karakter sa Eat Bulaga.

Sa kasalukuyan ay kinagigiliwan ng mga tagasubaybay ng Kalyeserye ng Eat Bulaga! ang pagganap ni Wally bilang Lola Nidora at Duhrizz.

Kaya paulit-ulit na nagpapasalamat si Wally sa Diyos dahil binigyan siya ng pagkakataong makabalik pagkatapos ng iskandalong pinagdaanan niya.

Nagpapasalamat din ang komedyante sa mga sumusubaybay sa Eat Bulaga! o ang Dabarkads dahil tinanggap siya uli.

“Parang yung chance na ibinigay sa akin, parang suklian ko naman nang hindi naman kayo magsisi na binigyan niyo ako ng chance.

“I need to do my job very well,” seryoso niyang pahayag sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon, August 21.

Maging ang pamilya raw ni Wally ay aliw na aliw sa pinaggagawa niya sa Eat Bulaga.

“Sa bahay, sila ang number one na nagku-comment sa akin.

“Ang nanay ko, tawa nang tawa sa akin.”

Pati raw ang anak niyang may sakit, na sa bahay na lang nagpapagaling, ay natutuwa at nakikita niyang proud na proud sa kanya.

FRANKIE-YAYA DUB WEDDING. Natawa naman si Wally sa ipinost ni Joey de Leon sa kanyang Twitter account (@AngPoetNyo) tungkol sa pagpapakasal uli nina Frankie (Jose Manalo) at Yaya Dub (Maine Mendoza) sa inaabangang Kalyeserye ng Eat Bulaga!

Ayon sa Twitter account ni Joey, na ipinost niya noong Huwebes, August 20:

Check your sked on Saturday-Kasal Part 2 ni Frankie & Yaya at YAYA-O na si Lola Nidora!#ALDUBisfoREAL #EatBulaga @EatBulaga #ALDUBNation

— Joey de Leon (@AngPoetNyo) August 20, 2015

Sabi ni Wally, talagang kaabang-abang ang kasalang Frankie at Yaya Dub ngayong araw. Pero baka hindi pa naman daw mamatay si Lola Nidora.

Tinaningan na kasi ng doktor si Lola Nidora na hanggang ngayong Sabado, 2:30 P.M., na lang ang itatagal ng kanyang buhay.

Naghihingalo na raw kasi si Lola Nidora kaya nagdadatingan na ang mga kamag-anak nito.

“Kaya lang, si Lola marami siyang manggagamot—ang mga siyensiya, ang mga scientist—na ma-revive lang siya,” sabi ni Wally.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya asahan pa raw ang paglabas ng iba’t ibang karakter na gagampanan pa rin ni Wally. Lahat daw kasi sila ay mga kamag-anak ni Lola Nidora.

“Si Duhrizz na apo ni Lola Nidora, New Yorker siya dapat, e, hindi naman ako magaling mag-English… bahala na.”

DIFFERENT CHARACTERS. Ibinahagi ni Wally sa PEP na minsan ay nagugulat na lang siya pagdating sa location dahil doon lang niya nalalamang may bagong karakter siyang gagampanan.

Doon na lang daw siya nagpapatulong sa mga staff kung ano ang gagawin niya sa bagong karakter na gagampanan.

Ayon kay Wally, ang pagganap niya ng iba’t ibang karakter sa Eat Bulaga! ay kanyang natutunan sa teatro sa Bicol nung high school pa siya.

Nag-high school si Wally sa Naga College Foundation, kung saan daw siya natutong umarte sa teatro simula second year high school.

“Nung high school kasi, wala naman akong way para magkaroon ng scholarship.

"Hindi naman ako puwedeng maglaro ng basketball, kaya ako pumasok sa theater.

“Ang taong talagang sobrang pinagkakautangan ko ng loob… naging mentor ko dun, professor ko, si William Espejo.

“Hanggang pina-workshop niya ako sa Bulwagang Gantimpala, kay Tony Espejo naman, sa Metropolitan Theater.”

Ang pagganap daw niya ng iba’t ibang karakter na biglaan ay natutunan niya sa ilang exercises sa teatro.

“Dati kasi sa teatro, halimbawa eto yung mga props, mga costume, may mga wig.

“May activities kami na kumuha ka lang ng mga gamit, impromptu.

“Tapos paglabas mo, interbyuhin ka ng parang facilitator na, ‘Sino ka?’

“Kailangan alam mo kung sino ka, ano ka. Kailangan masasagot mo lahat na tanong.

“Ganun ang training namin sa teatro, parang characterization workshop.”

Bilang pagtanaw sa utang na loob, pumupunta raw siya sa ilang paanyaya ng dating eskuwelahan para makapag-share naman sa mga estudyante.

“Kaya dati, pag maluwag pa ang schedule ko, pag may mga workshops, iniimbita nila ako para mag-facilitate at magbigay ng isang acitivity.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN