Ronwaldo Martin reveals why brother Coco Martin doesn't want him to appear on TV yet.

An indie actor with five movies to his name (plus two more in the offing), Ronwaldo Martin was asked if he has considered acting in a teleserye. “Ayaw pa po ni Kuya, e," he said, referring to Coco Martin. Ronwaldo added, "Dito daw po muna ako sa indie para marunong na ako bago lumabas sa TV."


Gaya ng kuya niyang si Coco Martin, na nagsimula sa indie films, tila ganito rin ang landas na tinatahak ngayon ng nag-aartista na ring si Ronwaldo Martin.

Sunud-sunod ang mga proyekto ni Ronwaldo at ang pinakabago ay ang Kabisera, kung saan bida ang Superstar na si Nora Aunor.

“Charcoal artist po ang role ko dito na isa sa mga anak ni Ms. Nora,” sabi ng 18-year-old na baguhang aktor nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanilang shooting sa Bulacan noong Martes, September 1.

Patuloy niya, “Noong unang sinabi na kasama ako sa pelikula ni Miss Nora, natuwa po ako.

“Tapos si Kuya [Coco], sabi niya ayusin at galingan ko raw po.”

Kumusta ang experience niya na makatrabaho ang Superstar?

“Okey naman po. Hindi naman po ako nahirapan sa mga eksena namin kasi karamihan mga light lang.

“Meron din po akong medyo mabigat na eksena, yung nagdu-drawing ako tapos may mga emote-emote.

“Kasi sa story po ay pinatay ang tatay ko,” na ang tinutukoy niya ay ang karakter ni Ricky Davao.

INDIE. Bago niya pinasok ang pag-aartista, nag-acting workshop daw si Ronwaldo.

Ito ay ayon na rin sa payo sa kanya ni Coco.

“Nag-workshop po ako under Direk Dante Mendoza and dati rin sa ABS, pinag-workshop po ako ni Kuya kay Pen Medina po.”

Panglimang pelikula na ni Ronwaldo ang Kabisera na idiniderihe ni Real Florido.

Una siyang lumabas sa indie film na Captive, sumunod ang Tumbang Preso, Kasal, at Ari.

“Bukod po dito sa Kabisera, may isa pa po akong ginagawa ngayon, yung Laot.

"Tapos may isa pa po akong gagawin, yung Tuos naman po.”

Puro indie films ang projects na ginagawa niya, bakit hindi pa siya lumalabas sa isang TV show o teleserye?

Sagot ni Ronwaldo, “Ayaw pa po ni Kuya, e, dito daw po muna ako sa indie para marunong na ako bago lumabas sa TV.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May offer na ba sa kanya mula sa ABS-CBN kung saan nakakontrata si Coco?

“Wala pa po, pero siyempre naman po, okey sa akin na maging contract star ng isang network.

“Gusto ko magkasama kami ni Kuya,” nakangiting sabi ni Ronwaldo.

COMPARISON. Dahil magkapatid sila ni Coco, hindi maiiwasan na pagkumparahin sila.

“Okey lang, bahala sila,” sambit ni Ronwaldo.

"Kapag po ganun na napagkukumpara kami, siyempre nahihiya po ako… wala, basta!

“Ayoko rin po kasing mapapahiya sa kuya ko, e. Idol ko rin siya.

“Sobra ang paghanga ko sa kuya ko, hinahangan ko ang buong siya kasi ang galing niya, e.”

May pressure ba na kailangan masundan niya ang yapak ng kanyang kuya at maging kasing-galing niya bilang aktor?

“Hindi naman po, ayoko lang mapahiya sa kuya ko o magkaroon ako ng bad reputation na puwedeng makaapekto rin sa kanya.

“Pinapangarap ko po siyempre na maging kasing-galing din niyang artista, pero mahirap po.”

Hindi naman daw talaga pinangarap ni Ronwaldo na pumasok sa showbiz.

“Hindi naman po talaga, e. Ipinasok lang ako ni Kuya po.

“Sabi niya, ‘O, Nog, meron dun kina Direk Dante Mendoza na gagawing pelikula, gusto kang isama.’

“Ako naman, ‘Sige, Kuya.’"

KUYA COCO. Totoo bang si Coco ang nagku-kontrol sa mga kinikita niya ngayon mula sa mga pelikulang ginagawa niya.

Sagot ni Ronwaldo, “Opo, kasi po gusto niyang makapag-ipon ako, e.

“Gastador po kasi ako, tinuturuan niya akong mag-save at siya po ang humahawak ng bank account ko.

“Tapos kapag kumukuha ako ng pera, tinatanong niya kung saan ko gagamitin.

“Kumbaga, igina-guide po niya ako sa praktikal at tamang paggastos lang na yung may kontrol.”

Magkakasama sila sa bahay ni Coco sa Fairview, Quezon City, paano ba bilang kuya si Coco?

“Malambing po siya, maasikaso po siya.

"Lahat po ng kailangan ko at pati nung iba naming kapatid, hindi na namin sinasabi, alam na niya po.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Good provider po siya, opo.”

Istrikto rin daw si Coco.

"Istrikto siya dati pa pero okey naman po siya na kuya.

“Gusto niya lahat ng ginagawa puro tama, walang kalokohan o anuman.”

Takot ba siya kay Coco?

“Opo,” nangiting pag-amin niya.

“Siyempre po papagalitan ka, pagsasabihan ka niya.

“Kapag may nagawa ka na talagang grabe na, siyempre po hindi rin maiiwasan ‘yon.

“Kinukontrol ka niya na siyempre ayaw lang niyang mapasama ka.

“Pero hindi naman po sa punto na matinding sapak na, kanti lang, kumbaga.”

Si Ferdinand Lapus ang manager ni Ronwaldo, pero pagdating sa career decisions niya, lagi raw siyang kumukonsulta kay Coco.

“Siyempre po, gina-guide niya ako, e. Ayos lang po yun sa akin.

“Makikinig po ako sa mga advice ni Kuya kasi matagumpay siyang artista.

"Hindi ako mapapasama kung susunod ako sa kanya.”

CRUSHES. Muling nangiti si Ronwaldo nang matanong kung sino ang young actresses na crush niya.

“Si Gabbi Garcia po. Naging crush ko siya nung nagkasama kami sa isang project.

“At saka po si Anne Curtis, crush ko rin. Crush lang naman.”

Sino naman ang pangarap niyang makapareha o maging leading lady?

“Si Anne Curtis po kasi hindi lang siya maganda, magaling din siyang artista.

“At saka crush ko nga po, e, parang masarap katrabaho kapag crush mo,” nakangiting sabi ni Ronwaldo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN