Luis Alandy reacts to sudden appearance of Brian Poe Llamanzares at My Fair Lady presscon to introduce himself to Jasmine Curtis-Smith

IMAGE Mart Francisco

Luis Alandy reacts to Brian Poe Llamanzares's surprise appearance at their presscon to formally introduce himself to Jasmine Curtis-Smith. "Siguro, kanya-kanyang diskarte 'yan. Kanya-kanyang diskarte depende sa lalaki. Pero so far, ako, hindi naman ako ganung klaseng personality," he says.


Ayon kay Luis Alandy, maganda raw ang timing ng pag-alok sa kanya ng bagong seryeng My Fair Lady ng TV5.

Katatapos lang halos kasi ng primetime series niya sa GMA na The Rich Man's Daughter.

Sa My Fair Lady, na magsisimulang umere sa September 14, gagampanan ni Luis ang karakter ni Hero, isa sa mga leading men ni Jasmine Curtis-Smith.

Sa presscon ng serye na ginanap sa Manila Peninsula Hotel, Makati City noong September 3, tinanong agad ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Luis kung wala bang alok sa kanya ang GMA na bagong programa at kailangan niyang tanggapin yung sa TV5.

Nakakontrata si Luis sa GMA.

Paliwanag niya, “Well, yun nga po, kakatapos ko lang ng The Rich Man’s Daughter.

“Actually, they are pushing for extension kasi okey yung ratings niya. Maraming followers, sobrang dami talaga.

“Kahit saan ako magpunta, yun ang sinasabi nila na pinapanood nila yung The Rich Man’s Daughter.

“Pero siguro dahil medyo nag-over budget kami, kaya naintindihan naman namin ang desisyon ng network.

“At least yung ending namin naging controversial.

"Masaya naman at before pa yun, before pa kaming matapos, nasabi na sa akin na TV5 is planning to do an adaptation of My Fair Lady.

“Kaya bago pa mag-last day ng taping, nag-storycon na kami. Nagpaalam naman ako nang maayos.”

WITH GMA'S FULL CONSENT. Halos kapipirma lang ni Luis ng panibagong kontrata sa Kapuso network kaya natutuwa siya dahil pinayagan siyang makagawa ng project sa TV5.

Biniro namin siya, ano ang meron sa kanya at pinayagan siya ng network kahit na nakakontrata siya.

Ayon kay Luis, “Well, ano rin, naalala ko, noong magpaalam din kami na mag-guest role ako sa soap nina Derek Ramsay at Alice Dixson, yung For Love or Money, pinayagan din akong mag-love triangle nina Derek at Ritz Azul.

“I think yung relationship naman ng GMA at TV5, okey naman.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ROLE. Pinanood daw ni Luis ang Korean version ng My Fair Lady nang malaman niyang makakasama siya rito.

Si Luis ang gaganap bilang environmentalist lawyer.

Naaliw daw siya sa karakter ni Jasmine na may pagka-brat.

Pero yung karakter daw niya, “...may pagka-maepal siya, makulit, di ba.

"Kapag nanood ka ng typical Korean series or movie, parang merong ganun sa karakter nila, e.”

SURPRISED BY BRIAN'S APPEARANCE. Nangiti si Luis nang tanungin namin siya tungkol sa biglang pagsulpot ng anak ni Senator Grace Poe na si Brian Llamanzares sa presscon nila.

“Hindi ko naman siya kilala personally.

“Nagulat... nagulat kami. Nagulat ako. Pero nalaman ko lang kung sino siya nung papunta na siya.”

Ano ang reaksiyon niya nang makita si Brian?

“Well, nagulat ako, nagulat ako for Jasmine. Nagulat na natawa,” sabi niya.

Bilang isang lalaki, kung sakali at meron siyang crush na crush na babae o aktres, siya ba yung tipo na iso-sorpresa sa isang event o presscon ang kanyang crush para maipahayag ng kanyang nararamdaman?

Sabi naman ni Luis, “Siguro, kanya-kanyang diskarte ‘yan.

“Kanya-kanyang diskarte depende sa lalaki. Pero so far, ako, hindi naman ako ganung klaseng personality.

“Siguro magpaparamdam ka muna, bago yung pupunta.

“Nakakahiya rin kay Jasmine, parang hindi niya alam ang reaksiyon niya."

NON-SHOWBIZ GF. Pagdating naman sa kanyang lovelife, mas open na itong magsalita tungkol sa kanyang non-showbiz girlfriend.

Noong una naming makita sa posts niya sa Facebook at Instagram ang tungkol sa kanyang girlfriend, nakiusap ang aktor na huwag na lang daw itong isulat.

Pero sabi namin kay Luis, ipinu-post naman niya kaya nakikita rin ng publiko.

“Hindi kasi, respect din sa family ng girl—non-showbiz at nasa isang mataas na company rin siya.

“Sa social media naman, kapag pinost mo naman dun, bihira naman na mag-comment dun.

"Hindi naman ako yung artista na maraming nagku-comment or nagba-bash,” rason niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Halos tatlong taon daw siyang walang karelasyon kaya tinanong namin si Luis kung ano ang mga nagustuhan niya sa girlfriend.

Ayon kay Luis, “Very simple lang talaga. God-fearing. Ang ganda ng values niya.”

IS SHE “THE ONE?” Bago pa lang daw ang relasyon nila ng girlfriend kaya hindi pa niya masabi kung saan ito hahantong, pero sana nga raw, sila na.

Nabanggit niya dati na kapag nakipagrelasyon siyang muli, ang gusto niya, yun na ang makakatuluyan niya.

“Sana, kasi ilang taon na rin ako. Totoo naman, kasi you hope for the best. Yun din ang pinagdasal ko.

“Ang tagal ko rin na hindi pumasok sa isang relationship, yun din ang pinagdasal ko na sana, you find the one,” pahayag pa niya.

Pero sabi rin niya, “Sa ngayon, hindi ko pa rin naman iniisip ‘yan.

“I’m just enjoying and, actually, she’s very happy for me na sunud-sunod yung projects. Kaya sabi ko, good luck charm ka yata sa akin, kasi sunud-sunod nga.”

Bukod sa My Fair Lady, sisimulan na rin gawin ni Luis ang pelikula niya kasama ang Superstar na si Nora Aunor sa Kabisera.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN