Pormal nang inanunsiyo ni Senator Grace Poe na siya ay kakandidato bilang presidente sa May 2016 elections.
“Ako po si Grace Poe. Pilipino.
“Anak, asawa at ina, at sa tulong ng Mahal na Diyos ay inaalay ko sa inyong lahat ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan bilang inyong Pangulo,” saad ni Senator Grace sa kanyang speech na tumagal lamang ng 24 minuto.
Eksaktong 6:30 P.M. nang dumating ang senadora sa bulwagan ng Bahay ng Alumni sa UP Diliman, Quezon City, ngayong Miyerkules, September 16.
Ito rin ang parehong lugar kung saan inanunsiyo ng yumaong ama ni Senator Grace na si Fernando Poe Jr. ang pagtakbo nito bilang pangulo noong 2003.
Baon ang legacy na ipinamana sa kanya ng ama, ito ang bungad ni Senator Grace sa kanyang talumpati kanina:
“Simple lang ang prinsipyo ng aking ama na siya ring naging dahilan ng kanyang pagtakbo.
“Sinabi niya mismo sa bulwagang ito mahigit 11 taon ang nakalipas: importante sa isang lider ang katalinuhan pero mas mahalaga ang may tapat na pusong manilbihan upang tulungan ang mahihirap, labanan ang pang-aabuso, at pumanday ng isang lipunang masagana at makatarungan.”
Umikot ang tema ng speech ni Senator Grace sa kanyang hangaring bigyan ng bagong pag-asa ang sambayanang Pilipino, partikular na ang mga nangangailangan.
Ilan sa mga programa/proyekto na bahagi ng kanyang plataporma ay ang pagpapalakas ng "Study Now Pay Later," pag-ayos ng imprastrakturang may kinalaman sa transportasyon, reporma para sa mas mababang buwis, pagpapahalaga sa OFWs at “vulnerable sectors” tulad ng LGBT community, senior citizens, at "mga kapatid na Moro."
Pagbabalik-tanaw pa ni Senator Grace sa mga iniwang aral sa kanya ni FPJ noon: “Madalas niyang sabihin sa akin: 'Gracia, Ang kahirapan ay hindi iginuhit sa palad dahil nasa kamay ng tao ang pag-unlad.
“'Pero sa kanyang pag-ahon, hindi sapat ang kanyang sariling kayod, kailangang may kamay na humihila sa kanya.
"Di ba’t 'yan naman ang sukatan ng magandang pamahalaan at lipunan, lahat ay aangat, walang maiiwan!'”
Ngunit kapansin-pansin din ang pagbibigay-pugay ni Senator Grace kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, na itinuturing niyang huwaran pagdating sa pagiging tapat na lider ng bansa.
Matatandaang noong panahong hinihimok siya ni PNoy na umanib sa ilalim ng Liberal Party, nabanggit ni Senator Grace na tanging sa Pangulo siya nakikinig at hindi sa kung anuman ang hangarin o pananaw ng partikular na partido.
Pagpapatuloy pa ni Senator Grace sa kanyang speech, “Walang iisang tao o grupo na may monopoliya sa tuwid na daan.
“Malaki at malayo na ang nagawa ni Pangulong Aquino kaugnay sa pagpapanagot sa mga tiwali, at ako’y personal na nagpapasalamat sa kanya dahil nanumbalik muli ang kumpiyansa natin sa isang lider na tapat.”
Kung sakaling siya ang manalong presidente ng bansa sa 2016, nangako si Senator Grace na isa sa pangunahin niyang adbokasiya ay ang sugpuin ang korupsiyon at magkaroon ng transparency sa pamamalakad ng gobyerno.
Dugtong pa niya, "Dapat lang na ituloy at paigtingin ang pagsugpo sa korapsiyon.
"Papanagutin ko ang tiwali, kaibigan man o kaaway, subalit 'di lamang isang tao o partido ang dapat nagsusulong nito, kundi ang bawat isang Pilipino.
"Para higit na palakasin ang transparency sa gobyerno, isasabatas natin ang FOI [Freedom of Information Bill] sa lalong madaling panahon."
Pagkatapos ng programa ay hindi na nagbigay ng panayam sa media ang senadora.
Sinubukan ng PEP na kapayanamin ang mister nitong si Neil Llamanzares at anak na si Brian Poe Llamanzares, ngunit maayos na tumanggi ang mga itong humarap sa camera.
