Eddie Garcia declares support for Senator Grace Poe's presidential bid: “Napakagaling niya, may utak at may puso.”

Veteran actor Eddie Garcia says he won't endorse any other presidential candidate except Senator Grace Poe: “Hindi ako sasama kahit magbayad sila, dahil na kay Senator Grace na ako.”


Sa gulang niyang 86 anyos, wala sa bokabularyo ng veteran actor na si Eddia Garcia ang retirement.

“Hanggang kailangan ako ng industriya, hanggang may nagbibigay pa sa akin ng trabaho, nandito ako. Pero kapag wala na, e di tigil na.

“Kahit 100 years old old na siguro ako, kung aabot at kaya pa ng katawan ko, dito pa rin ako sa showbiz.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Eddie sa media launch ng pelikulang Tomodachi ng Global Japan Incorporated sa media launch nito noong September 18 sa Annabel’s Restaurant, Tomas Morato Ave., Quezon City.

Ito’y mula sa direksiyon ni Joel Lamangan at bukod kay Eddie ay pinagbibidahan din nina Jacky Woo, Bela Padilla, Pancho Magno, at Hiro Peralta.

Anong klaseng pelikula ang Tomodachi?

Sagot ng beteranong aktor, “It’s a drama love story between a Japanese and a Filipina.”

Sa hindi na mabilang na mga pelikulang nagawa niya, nakakaramdam pa ba siya ng challenge?

Sagot ni Eddie, “Oo naman. Bawat ginagawa kong project ay may kasamang challenge pa rin.

“Ako naman kasi, para sa akin, ang pag-aartista ay trabaho lang, e. Kung ano ang dumating na project, sunggaban mo.

“Bukod dito sa Tomodachi, ang isa pang movie ko ay Iadya Mo Kami ni Direk Mel Chionglo, starring Allen Dizon, Aiko Melendez, Ricky Davao, at Diana Zubiri.”

SECRET TO CAREER LONGEVITY. Si Eddie ba ang pinakabeteranong artista sa industriya na aktibo pa rin hanggang ngayon?

Sagot ng aktor na kilala rin sa tawag na Manoy, “Nag-start ako noong 1949, e. At palagay ko ay mayroon pang nauna sa akin diyan kamukha ni Anita Linda.”

Ano ang sikreto niya at hanggang ngayon, aktibo pa rin siya sa industriya?

“Well, ang sikreto sa tingin ko, ang kuwan diyan, kung anumang project ang ibigay sa iyo, pagbutihin mo. Kasi, iyon ang magiging best recommendation for your next project,” lahad ni Eddie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SUPPORT FOR GRACE POE. Hinggil sa usaping pampulitika, sinabi ni Eddie na kung tinulungan niya ang yumaong kaibigang si Fernando Poe Jr. [FPJ] noong tumakbo itong presidente noong 2004, ganoon din ang gagawin niya ngayon para sa anak nitong si Senator Grace Poe, na kailan lang ay naglahad ng kanyang kagustuhang maging pangulo ng bansa.

Sabi niya, “Noon, niyakag ako ni FPJ, e. Tutulungan ko rin siya [Senator Poe], habang kaya ko.”

Ipinahayag din niya kung bakit siya sumusuporta kay Sen. Grace.

“Napakagaling niya, may utak at may puso,” matipid na saad ng aktor.

Pahabol pa niya, “Napakaganda ng mga pinaplano ni FPJ noon, e. At sa palagay ko, kayang ipagpatuloy iyon ni Senator Grace.

“Nakapanghihinayang nga at wala na rin si Dolphy,” sabay tukoy ni Eddie sa pangangampanya nila ng yumaong Hari ng Komedya para kay FPJ noon.

Inusisa rin ng PEP si Eddie ukol sa mga puna ng bashers kay Senator Poe sa pagsasabi nitong ipagpapatuloy niya ang nasimulan ni FPJ.

“Sa palagay ko, ang ibig sabihin ni Senator Grace dyan, ipagpapatuloy niya ang nasimulan ni FPJ na pagbuklurin at pagka-isahin ang lahat ng Filipino,” paliwanag ni Eddie.

Paano kung bigla siyang aluking mag-endorse ng ibang pulitikong gustong maging presidente?

“Hindi ako sasama kahit magbayad sila, dahil na kay Senator Grace na ako,” diin ni Eddie.

SUPPORT FOR SHOWBIZ INDUSTRY. Sinabi rin ni Eddie na naniniwala siyang mas gaganda ang showbiz industry kung si Senator Grace ang magiging pangulo.

“Sa palagay ko ay malaki ang maitutulong ni Senator Grace sa industriya kapag naging pangulo siya.”

Sa tingin ni Eddie, ano-ano ang kailangan ng industriya?

“Well, dapat ay babaan ang taxes sa movies at iyong influx ng foreign films, dapat ay bawasan o kontrolin.

“Yung mga film festivals, pati iyong international, makakatulong yun sa ating industriya.

“Noong panahon ni [former president Ferdinand] Marcos, kung natatandaan mo, ang daming film festival.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Bawa't city noon ay may film festival—Olongapo Film Festival, Baguio Film Festival, Iloilo Film Festival, Davao Film Festival…

“Ngayon ay nawala na lahat 'yon, e.”

Ano ang wish ni Eddie sa election at sa kampanyang magaganap next year?

“Well, sana ay maging mapayapa ang election natin at magtagumpay si Grace,” dasal niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN