Gladys Reyes admits crying over Iglesia Ni Cristo controversy: "Napakaipokrita ko kung sasabihin kong hindi ako naapektuhan."

Gladys Reyes counts Ai-Ai delas Alas as one of her true friends: "During that time na gumagawa ako ng Let The Love Begin, siya ang unang, ‘Kapatid, okey ka lang?’ Sabi niya, ‘Glads, okey ka lang?’ Hindi yung pang-intriga na, ‘Uy, ano bang nangyari?!' Sa kanya, mararamdaman mo ang concern."


Hindi binago ng kontrobersiyang kinasangkutan ng Iglesia ni Cristo (INC) ang pananaw ni Gladys Reyes sa kanyang relihiyon.

“Napakaipokrita ko kung sasabihin kong hindi ako naapektuhan. Naiyak ako… naiyak ako dun sa nangyari.

“Imagine mo, after 101 years, ngayon lang may lumabas na ganyan. Talagang pagsubok, e.

“Pero sabi nga, kahit na anong relihiyon, talagang may mga pagsubok na dumarating.

“At sa akin, pinaninindigan ko ang aking post sa aking Facebook account, Twitter, Instagram account ko, na basta ako, alam ko na naglilingkod ako sa Diyos at hindi lang sa tao.

“Basta ako, maninindigan ako sa pananampalataya ko, hindi dahil sa nagisnan ko na ‘to kung hindi ito talaga ang nakilala ko at siyempre, sinampalatayanan ng buong pamilya namin hanggang sa nagkaasawa na 'ko, hanggang sa mga anak namin.

“Lahat ng itinuturo rito ay batay sa Biblia. At wala po kaming sariling biblia.”

Kamakailan ay laman ng mga balita ang pagkakagulong nangyari sa mga matataas na miyembro ng INC. Nagbatuhan ng mga akusasyon ng kurapsyon at pagsisimula ng gulo ang mga lider ng Iglesia at mga miyembro ng pamilya ng founder ng INC na sina Ka Eduardo, Ka Tenny, at Ka Angel Manalo.

Mas nakaagaw pa ng atensyon ang gulong nangyayari sa Iglesia nang sakupin ng higit pa sa isanlibong miyembro nito, ang palulukan ng EDSA at Shaw Boulevard nung gabi ng August 28 hanggang August 30. Maraming galit na mamamayan ang nagbuhos ng inis at reklamo sa social media laban sa INC dahil sa istorbong dulot ng traffic na sanhi ng biglaang pagtitipon sa EDSA.

Binigyang-diin din ni Gladys: “At hindi po totoo yung 10 percent—yung tithing. Hindi po totoo yun."

Ang tithing o pagbibigay ng sampung porsiyentong bahagi ng kinikita ng indibiduwal para sa simbahan o religious organization, ang isa sa mga akusasyong ibinabato sa Iglesia Ni Cristo.

“Kaya sabi ko nga, sana, bago tayo sarkastikong nagkokomento, sana inaalam muna nila,” saad niya sa press conference ng pelikulang Felix Manalo noong gabi ng Setyember 22 sa Manila Hotel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inamin ni Gladys na nasasaktan siya sa mga komentong naririnig o nabasa niya, maging ang mga pangba-bash sa INC sa social media.

Pero ayon sa aktres, “Wala na rin ako para makipag-away kasi alam ko naman ang totoo.”

Dahil sa nangyaring sa kontrobersiya, nakilala nila ng mister niyang si Christopher Roxas kung sino talaga ang mga tunay nilang kaibigan.

Isa si Ai-Ai delas Alas sa sobrang na-appreciate ni Gladys.

“Si Ate Ai-Ai, during that time na gumagawa ako ng Let The Love Begin, siya ang unang, ‘Kapatid, okey ka lang?’ Sabi niya, ‘Glads, okey ka lang?’ Hindi yung pang-intriga na, ‘Uy, ano bang nangyari?!' Sa kanya, mararamdaman mo ang concern.

“Of course, sila Angelu [de Leon], yung mga kaibigan ko. Sa totoo lang, ako, naging totoong tao ako sa mga iba kong kaibigan, kahit non-showbiz.

“Yung iba, repost nang repost. Kahit pinick-up lang sa Internet, kahit walang basehan.

“Ang sa akin lang, sana maging responsible tayo. Sana, alamin muna natin kung may katotohanan. Malaking responsibilidad ang social media.”

Dugtong niya, “Salamat talaga sa mga kaibigan namin na hindi agad humusga, hindi agad nagbigay ng sarkastikong komento at inaalam kung ano ang totoo.

"Kahit naman ako, hindi ako nagmamarunong na alam ko lahat.

“Kaya kahit sa ibang isyu, hindi ako ganun na basta-basta nagbibigay ng komento. Totoo yun, think before you click, di ba?”

EDSA RALLY. Tinanong din si Gladys kung totoong inobliga silang lahat na miyembro ng INC na sumama sa rally na naganap sa EDSA.

Sabi ni Gladys, “Hindi po, hindi naman sa obligado. Siyempre, isinaalang-alang din ang may sakit, yung hindi kayang pumunta.

“Siyempre, kapag sinabi mong mandatory, kahit ano pa ang kalagayan mo, pupunta ka.

“Katulad ako, during the time na nagra-rally, ako ay nag-i-inspect ng mga bus sa Bataan. Siyempre, ito ay nauna na at responsibilidad ko rin as board member [ng MTRCB o Movie an Television Review and Classification Board].”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kabilang sa duties ni Gladys bilang MTRCB board member ang mag-inspeksyon sa mga bus na nagpapalabas ng mga pelikula sa pagbiyahe ng mga ito.

TRAFFIC WOES. Sabi pa rin niya, “Nakaka-hurt lang nung time na yun, parang wow, yung traffic, parang kami pa ang may kasalanan. Nang matapos na, o, ganun pa rin, di ba?”

Ikinuwento na rin ni Gladys na noong kasagsagan ng isyu, meron daw siyang sinagot na celebrity na aktibo sa Twitter.

“Hindi ko na babanggitin [ang pangalan], pero parang may isang prominent na celebrity diyan sa Twitter na very active. Very active rin siya na ganunin ang INC.

"Parang pinost niya yung picture ng traffic na… ‘And it’s not yet the holiday season.’

“Hindi ako nakatiis na sumagot ng, ‘And there’s no rally,’ at tinag ko siya.

Dugtong ni Gladys, “Ito naman po ay ilang araw lang na ipinakita namin ang aming pagkakaisa. Sa mga nasagasaan, pasensiya na po. Pasensiya na po talaga pero, ganun naman yata talaga kapag may ipinaglalaban ka.”

Kuwento pa ni Gladys, “At saka, gusto ko lang pong iklaro, merong iba, yung pinost lang, yung kalat lang na iniwan [ng mga nag-rally].

"Sana pinost din nila na yung kalat, nilinis din ng mga kapatid. Hindi lang ng MMDA [Metropolitan Manila Development Authority], maging ng mga kapatid [sa Iglesia Ni Cristo].

“Kawawa rin naman, yun din naman ang in-instill sa amin, yung disiplina. Kung ano kinalat, ligpitin din naman.”

FELIX MANALO MOVIE. Kasama si Gladys sa pelikulang Felix Manalo, na tungkol sa buhay ng founder ng INC.

“Ang masasabi ko lang, finally,” ang masayang pahayag ni Gladys nang tanungin siya kung ano ang pakiramdam niya na natuloy na rin ang pelikula na ang unang titulo ay Sugo.

Tatlong taon na ang nakaraan mula nang magkaroon ng grand press conference para sa pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dinaluhan ito ng mga artista na kabilang sa original cast, kasama na si Gladys, na gumaganap na Ka Avelina, isa sa mga anak ni Ka Felix.

“Actually, I’ve been praying din for this. Sabi ko nga, kung hindi ito matutuloy, baka hindi rin kaloob ng Ama. Pero itinuloy, ibig sabihin, gusto rin Niyang matuloy.”

Isa raw sa ikinatuwa niya nang matuloy ito ay sa dami ng mga artistang nabanggit na gaganap bilang founder ng INC, kay Dennis Trillo napunta ang papel na Ka Felix.

Ani Gladlys, “Yung finally napunta kay Dennis Trillo yung role, yung tailor-made sa kanya, yung built niya, even yung mukha niya. Siya yung pinakamalapit, si Dennis Trillo.

“Not to mention, he’s an award-winning actor and alam naman natin ang versatility ni Dennis.

“Alam niyo, noong nagsu-shooting kami, hindi man ganun karami ang eksena naming magkasama, pero sa bawat eksenang yun—ito talaga, walang halong exaggeration—noong una ko siyang makitang tumayo sa tribuna, talagang na-teary-eyed ako.

“Noong nagsalita siya, noong nagbasbas siya, sabi ko sa kanya after the shoot, 'Salamat, salamat at tinanggap mo ‘to.’”

BLESSING IN DISGUISE. Naging blessing in disguise pa pala ang pabagu-bago ng direktor, produksiyon at pagpapalit-palit ng cast?

“Oo, correct, kaya pala hindi matuluy-tuloy noon, humahanap ng tama,” sagot ni Gladys.

Marami na rin ang nabalitang direktor na gagawa ng Felix Manalo. At si Joel Lamangan ang nagsilbing direktor nang si Dennis ang natuloy sa title role.

Inamin ni Gladys na takot siya kay Direk Joel.

Nakaranas daw siya na makagalitan nito sa shooting.

Nag-alangan pa nga si Gladys noong una na ikuwento ito.

SCOLDING FROM JOEL LAMANGAN. Aniya, “Alam niyo naman na si Direk Joel, e, very partikular sa time. Actually, noong second day pa naman namin na magkasama, medyo madugo ang eksena.

“Medyo tinanghali ako ng dating. Pero, few days pa lang, nagpaalam na 'ko sa talent coordinator na mali-late kami ni Christopher dahil sasamba kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yun pala, nagkaroon ng problema sa coordination, hindi nai-relay.

Nagpatawag daw ng quorum si Direk Joel nung araw na na-late si Gladys.

“Sinabi niyang, 'Hindi ko nagugustuhan na tayo ay tinanghali na ngayon, Gladys! Why are you late?!’

“Ganun, parang classroom. Mabuti na lang nag-review ako. Sabi ko, kasi po, sumamba ako.

Sabi raw ni Gladys kay Direk Joel, “Alam niyo po, one week ago, ipinagpaalam ko na ‘to sa mga coordinator. Ewan ko lang kung bakit hindi ini-relay sa inyo.”

Dagdag ni Gladys, “Kasi, nasa dressing room pa lang ako, may feeling na 'ko kung bakit nagpatawag ng meeting. So, sabi ni Direk Joel, ‘Kapag naman ganyang pagsamba, naiintindihan ko.’

“Ibig sabihin, valid naman po ang reason ko kung bakit kami na-late. And after that, hindi pa rin kami nakuntento.”

Sinabi raw ni Direk Joel kay Gladys, “Okey, you only have five minutes to finish your makeup.’

Patuloy ng aktres, “Kahit na isa pa lang ang kilay ko, sumalang na 'ko sa meeting sa takot ko.”

Personal pa raw niyang nilapitan si Direk Joel at ipinakita ang text messages niya sa coordinator ng pelikula na nagpaalam nga siya.

Nilinaw rin ni Gladys ang isyu na obligado raw manood ng Felix Manalo ang lahat ng kaanib ng INC.

“Sa totoo lang, ako, kaanib ako ng Iglesia Ni Cristo, although after ng church service namin binabanggit, pero never kong naringgan [na obligado manood lahat ng kapatid].

"Siguro, yung ibang kapatid namin na makakabasa ng interview na ‘to, sila rin, maaano nila na never kaming sinabihan na tayo po ay obligado.

“Never pong sinabi yun.

“Parang ina-update lang ang mga kapatid na, ‘'Eto na, finally, tapos na. Maipapalabas na.'

"Pero never kong pinakinggan na may tagubilin sa amin na, 'Tayo po ay kailangang pumunta sa sinehan, it’s a must, it's mandatory.' Walang ganun.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN