Hindi lang labanan sa televiewers at ratings ang nangyari noong Sabado, September 26, sa pagitan ng dalawang noontime shows ng pinakamalalaking TV stations sa bansa.
Maging sa social media, partikular na sa Twitter, ay umabot ang salpukan ng Eat Bulaga! ng GMA Network at It’s Showtime ng ABS-CBN.
Ginanap ang It’s Showtime sa Araneta Coliseum bilang bahagi ng kanilang 6th anniversary kickoff.
Bukod sa full force ang mga big bosses ng Kapamilya Network, first time din nagsama-sama sa iisang stage ang tatlo sa pinakasikat na loveteams nila ngayon—KathNiel nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, JaDine nina James Reid at Nadine Lustre, at LizQuen nina Liza Soberano at Enrique Gil.
Bukod sa kanila ay imbitado rin ang iba pang big stars ng Kapamilya network tulad nina Coco Martin, Kim Chiu, Xian Lim, Julia Montes, at Richard Yap.
Idineklara naman ng Eat Bulaga, na 36 taon na sa ere, ang September 26 bilang "National Pabebe Wave Day." Pero sa kanilang regular studio sa Broadway Centrum lamang ginawa ang kanilang programa.
Ang kalaban naman ng tatlong Kapamilya loveteams ay ang sikat na sikat na "Kalyeserye" loveteam nina Alden Richards at Yaya Dub (Maine Mendoza) na AlDub.
Noong Sabado rin ginanap ang unang pag-akyat ng ligaw ni Alden kay Yaya Dub.
TWITTERVERSE. Trending pareho sa Twitter ang dalawang shows na may kanya-kanyang hashtags noong araw na iyon —#AlDubEBforLove para sa Eat Bulaga at #ShowtimeKapamilyaDay naman sa It’s Showtime.
Sa kabuuan, nagtala ang #AlDubEBforLove ng 25.6 million tweets samantalang ang #ShowtimeKapamilyaDay ay 6.33 million lamang.
Ito ay sa kabila na noon pa lamang Biyernes ng hapon, September 25, ay nagsimula na ang #ShowtimeKapamilyaDay; samantalang eksaktong alas-dose ng madaling-araw ng Sabado na nagsimula ang #AlDubEBforLove.
Dahil dito, dalawang beses na-reset sa zero ang #ShowtimeKapamilyaDay since nagsimula ulit ang bilang ng tweets pagpatak ng 12 A.M. ng Sabado.
Pareho ring naging top trending topic worldwide noong September 26 ang hashtags para sa Eat Bulaga! at It's Showtime, ayon sa Trendinalia.com.
Ang #AlDubEBforLove ay nasa unang puwesto, samantalang nasa ikaapat na puwesto naman ang #ShowtimeKapamilyaDay.
Nauna nang nagpasalamat sina Alden at Maine sa AlDub Nation sa walang kapaguran nilang pagtu-tweet gamit ang kanilang official hashtag.
Read: Alden Richards and Maine Mendoza overwhelmed by more than 20M tweets for #ALDubEBforLOVE
Pero nakapukaw sa atensiyon ng karamihan ang mensahe ng pasasalamat na nakalagay sa official Facebook fan page ni Vice.
May ginamit kasi itong "real and organic tweets," na tila may pinaparinggan .
Ayon sa mensahe sa FB fan page ni Vice: “Maraming maraming salamat po sa lahat ng Madlang People, Little Ponies at mga Kapamilya (dito sa Araneta at sa kani-kanilang tahanan) na tumutok sa It's Showtime!
“Thank you din sa lahat ng nakisali sa Twitter Party at nagpa-trend sa ‪#ShowtimeKapamilyaDay with 6.33M REAL and ORGANIC TWEETS.
“Patunay lamang na TOTOOng pinag-usapan sa social media ang @itsshowtimeofficial_ig at mga Kapamilya Stars na naging bahagi ng ANIMversary Kick-off ng programa.
“Maraming Salamat, mga Kapamilya!”
Maraming maraming salamat po sa lahat ng Madlang People, Little Ponies at mga Kapamilya (dito sa Araneta at sa...
Posted by Vice Ganda on Saturday, September 26, 2015
Ang 'organic at real' ay tumutukoy sa mga tweet na orihinal at hindi nagpapa-trending lang o gumagamit ng auto tweets.
Umalama naman dito ang AlDub fans dahil naninindigan silang ang bawat isa sa 25.6 million tweets na nakuha ng #ALDubEBforLOVE ay totoo at hindi gumamit ng anumang manipulasyon.