PEP EXCLUSIVE. Nora Aunor says Sharon Cuneta deserves to be included on iconic movie queens list

Nararapat lang daw ang ginawang pagpupugay ng Superstar na si Nora Aunor sa ibang artista, katulad na lamang ni Sharon Cuneta, na nakaligtaang parangalan ng 63rdFAMAS Awards sa kanilang Iconic Movie Queens of Philippine Cinema award.


Ayon sa Superstar na si Nora Aunor, ang ginawa niyang pagbanggit sa mga pangalan nina Sharon Cuneta, Bea Alonzo, at Marian Rivera sa nakaraang 63rd FAMAS Awards ay isang tungkulin bilang kaparehong alagad ng sining ang mga ito.

Si Nora ay kabilang sa mga aktres na ginawaran ng FAMAS ng Iconic Movie Queens of Philippine Cinema award noong September 20; kasama sina Gloria Romero, Susan Roces, Maricel Soriano, Dawn Zulueta, at Sarah Geronimo.

View: Sarah, Susan, Gloria, Nora, Maricel, and Dawn hailed as FAMAS Iconic Movie Queens

Sa kanyang speech ay binanggit ni Nora ang mga aktres na sa tingin niya ay karapat-dapat ding bigyan ng pagkilala ng FAMAS, kabilang na nga si Sharon.

Sabi ng Superstar sa kanyang speech: “Gusto ko pong hatiin ang karangalan na ito sa apat na tao na sana po ay makita rin natin sa entablado sa mga susunod na taon.

“Unang-una na ay si Ms. Sharon Cuneta, dekada otsenta.

"At itong year 2000 na si Bea Alonzo at si Marian Rivera, gusto ko pong ialay ang award na ito sa kanila."

Sa kabilang banda, nagpasalamat naman si Sharon sa Superstar sa pagbanggit nito sa kanyang pangalan.

Ngunit umamin ang Megastar na na-offend siya nang bahagya dahil sa hindi pagkakasama sa kanya ng FAMAS sa mga pinarangalan.

Read: Sharon Cuneta “a little offended” by FAMAS snub on Iconic Movie Queens of Philippine Cinema award

Nang eksklusibong makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Nora sa pocket presscon ng Little Mommy, ang upcoming primetime series ng GMA Network, kagabi, October 6, ay inusisa namin siya tungkol sa kanyang speech sa FAMAS.

Pahayag ng Superstar tungkol sa Megastar, “A, dapat lang.

"Totoo naman yung sinabi ko.

"Kasi ako, magsasalita lang naman ako kapag totoo yung sinasabi ko.

“Kasi, let’s face it naman, nung '80s talaga… '80s and '90s nga, e, talagang siya naman ang namamayagpag nun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At saka nga, nung ano, mga latter part ng '90s, si Judy Ann Santos.

"Ibig sabihin… hindi ko naman kinukuwestiyon yung ibang nandun, pero mas gusto kong makita yung karapat-dapat na nakikita ko dapat na nakakasama ko sa stage."

Ayon pa kay Nora, hindi lang naman sa larangan ng pelikula namayani ang kasikatan ni Sharon.

“Kasi si Sharon naman, hindi lang naman sa pelikula, maski sa TV, recording... lahat, e, kung tutuusin.

"E, yun dapat ang tingnan nila [FAMAS]."



“MAHAL KO SI SHARON…” Sa panayam kay Sharon ng Tonight With Boy Abunda noong Biyernes, October 2, nagsabi pa ang Megastar ng “I love you, Ate Guy” dahil sa pagtatanggol ng Superstar sa kanya.

Reaksiyon dito ni Nora, “Mahal ko rin naman si Sharon, alam ng Diyos.

“Sabi ko nga sa kanya... nagtampo sa akin iyan minsan.

"Kasi noong nag-umpisa pa lang siyang mag-artista, yung Dear Heart yata yung unang pelikulang ginawa niya, pinuntahan niya ako sa Corinthians, sa bahay namin, para imbitahan ako dun sa premiere night.

“E, nagkataon ang dami kong problema noon kaya hindi ko siya naharap. Kaya nagtampo sa akin yun.

"Kaya mabuti naman at nagkaroon ng pagkakataon na magkausap kami at na-explain ko naman sa kanya at naintindihan naman niya.

“At yung sinabi ko naman dun sa FAMAS, totoo naman yun.”

Nagsabi rin si Sharon na hinahanap niya si Nora, pero wala pa raw paraan kung paano niya ito kokontakin.

Nakontak na ba siya nito?

Ayon kay Nora, “Magkikita rin kami niyan.

"Alam mo, ang pagtanggol mo sa kapwa mo artista, ibig sabihin nun, hindi na kailangang ipangalandakan na ‘Uy, ipinagtanggol kita!'

"Kasi lahat naman yun, mula sa puso."



“HAPPY WITH GMA.” Pagkatapos ng exclusive contract niya sa TV5, madalas nang mapanood ngayon si Nora sa mga programa ng GMA Network.

Nagkaroon siya ng guest appearances sa dating primetime series ni Dingdong Dantes na Pari ‘Koy at sa drama anthology na Magpakailanman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngayon, magbibida naman siya sa upcoming primetime series ng GMA na Little Mommy.

Gaganap siya ritong lola ni Kris Bernal at asawa ni Bembol Roco.

Ano ang pakiramdam na madalas na siyang nagtatrabaho sa GMA?

Nakangiting tugon ng Superstar, “Iba ang Siete. Iba talaga ang Siete.

"Pati yung pakikisama nila, ibang-iba, na hindi ko naman nakikita sa ibang istasyon.

“Ay, masaya ako, masaya ako!

"At kapag masaya ako magtatrabaho, e, walang kaproble-problema, lalo na at kasama ko si Manoy Eddie."

Ang tinutukoy ni Nora ay ang veteran actor na si Eddie Garcia na kasama rin sa Little Mommy.

Gaya ni Nora ay nagbabalik din sa Kapuso network si Manoy Eddie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN