Nora Aunor on Kris Aquino’s offer to help: “May mga salita naman kasi na minsan hindi natutupad. Pero hindi ako umasa dun.”

Diretsahang sinabi ni Nora Aunor na hindi siya umasa sa naipangakong tulong ni Kris Aquino para sa kanyang operasyon sa lalamunan. Pero wala naman daw siyang sama ng loob sa Queen of All Media. Aniya, “Hindi. Ba't naman ako magtatampo? Hindi ko nga iniintay yun, e.”


Patuloy pa ring inaasam ng Superstar na si Nora Aunor na matuloy na ang operasyon niya sa lalamunan.

Ngunit hindi pa rin ito naisasakatuparan dahil nag-iipon pa raw siya ng kaukulang pondo para rito.

Sa guest appearance ni Nora sa dating Aquino and Abunda Tonight ng ABS-CBN, noong May 1, 2015, nangako sa kanya ng tulong ang mga host ng programa na sina Boy Abunda at Kris Aquino.

Kaya naman kinumusta ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Ate Guy ang tungkol dito.

Saad ng Superstar, “Nakatulong si Kuya Boy ng malaki.

"Kaya lang, sabi ko nga sa ‘yo, hindi pa yun sapat…

"Nag-aano pa ako kasi malaki talaga... milyon.

“Unang-una, pagdating mo dun, siyempre mag-aano ka ng hotel, wala ka namang bahay sa Boston.

“Yung hospital na pagdarausan ng pagpapagamot, walking distance lang dun sa hotel.

"Mag-i-stay ka dun, mga ilang linggo rin yun.

"Tapos nun, halimbawa pagkatapos ng operasyon, pupunta ka pa ng New York para magpa-therapy.

"Kung ilang buwan, hindi ko alam kung ilan.”

Yung kay Kris?

Nakangiting sabi ni Nora, “Dyusko, wala!

"Naku, sa mga tao [niya] siguro [ipinangako], di ba?

"May mga salita naman kasi na minsan hindi naman natutupad.

"Pero hindi ako umasa dun."

Hindi naman siya nagtatampo?

Diin ni Nora, “Hindi. Ba't naman ako magtatampo? Hindi ko nga iniintay yun, e.”

Eksklusibong nakausap ng PEP ang Superstar sa pocket presscon ng Little Mommy, ang upcoming primetime series ng GMA Network, nitong Martes ng gabi, October 6.

ON GRACE POE. Pagdating sa pulitika, hayag naman ang suportang ibibigay ni Nora sa kandidatura sa pagka-presidente ni Senator Grace Poe.

Sabi niya, “Grace Poe ako.

"Alamin mo na lang kung saan siya nanggaling—kay Ate Susan [Roces], kay kuya Ronnie [Fernando Poe Jr.].

“At minsan ko na rin siyang nakita at nakausap. Talagang may ano siya para sa mga tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Iba talaga kapag babae na may puso na marunong at madaling lapitan.

“Sigurado ako diyan na malaki ang maitutulong niya sa ating mga kababayan.

"Totoo 'yan. Lalo na yung mga problemang nangyayari ngayon.

“Naawa nga lang ako sa kanya kung siya na talaga, kung sakaling siya na ang uupo bilang presidente natin, yung mga naiwanan nung administrasyon ngayon, siya ang sasalo, di ba?

"Pero alam ko kakayanin niya yun para sa mga taong-bayan."

Hindi naman daw siya mag-aatubiling sumama sa campaign sorties ni Senator Grace.

Sabi ni Nora, “Siyempre hindi ako mawawala dun.

"Natatandaan ko, ako ang unang nagsabi nun na kung tatakbo si Senator Grace Poe, dun ako sa kanya."

ALDUB PHENOMENON. Hindi man masyadong pamilyar sa sikat na tambalang AlDub, natutuwa pa rin ang Superstar na inihahalintulad ito sa kanya.

Phenomenal kasing maituturing ang kasikatan ng tambalang Alden Richards at Yaya Dub o Maine Mendoza sa Kalyeserye segment ng Eat Bulaga.

Si Nora naman ay tinagurian ding phenomenal star dahil sa kanyang pagsikat mula sa pagtitinda lamang ng ice water noon sa riles sa Albay.

Siya na ngayon ang tinaguriang “one and only Superstar.”

Sabi ni Nora tungkol sa AlDub, “Kung ikukumpara sila sa akin, para bang nagiging ano... example ako ng mga kabataan.

“May mga nakikita siguro sila na ginagawa ko na para sa kanila magandang eksperiyensiya o magandang halimbawa.”



ON TV5. Ilang taon ding naging contract artist ng TV5 si Nora.

Ilan sa mga naging proyekto niya sa Kapatid network ay ang Sa Ngalan Ng Ina at Never Say Goodbye.

Pero mukhang hindi nasiyahan si Ate Guy sa ibang proyektong naging guest lang siya.

Sabi niya, “Matagal nang tapos yun. Three years nga akong walang ginawa, ‘no?

“Kinontrata naman nila ako pero guest-guest lang naman ang binibigay sa akin.”

Guaranteed ang kanyang kontrata dito kaya kahit wala siyang ginagawa ay sumasahod pa rin siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit ayon sa aktres, mas gusto niya talagang may pinagkakaabalahan siya.

“Ay, pangit naman yung suweldo ka nang suweldo, e, wala ka namang ginagawa.

“E, mas gusto mo yung may ginagawa ka.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN