PNoy gives blessing to Liberal Party senatorial slate; hits detractors of "Daang Matuwid"

PNoy on Koalisyon ng Daang Matuwid: "Tayo ang may totoong tandem. Tayo ang may totoong rekord at plataporma. Tayo ang nasa panig ng prinsipyo at reporma. Tayo ang Daang Matuwid."


Buong paninindigang inihayag ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III ang kanyang suporta para sa Koalisyon ng Daang Matuwid.

“Sa pangunguna nina Mar [Roxas] at Leni [Robredo], kasado na ang puwersang magpapatuloy, magpapalawak, at lalaban para sa ating mga Boss, ang sambayanang Pilipino,” pahayag ni PNoy sa isang bahagi ng kanyang speech.

Dugtong pa ng Pangulo, "Maliwanag nga na habang tagpi-tagpi ang grupo ng iba: Tayo ang may totoong tandem.


"Tayo ang may totoong rekord at plataporma. Tayo ang nasa panig ng prinsipyo at reporma. Tayo ang Daang Matuwid."

Ito ay matapos pormal na inanunsiyo ang kumpletong senatorial slate ng Liberal Party na kinabibilangan nina Senate President Franklin Drilon, Senate Pro-Tempore Ralph Recto, at Senator Teofisto Guingona III.

Kasama rin sa lineup ang mga dating senador na sina Francis Pangilinan, resigned food security czar, at Panfilo Lacson, na nagbitiw na rin sa kanyang puwesto bilang Yolanda rehabilitation czar.

Kabilang din sa listahan ng Liberal Party senatorial candidates ang mga miyembro ng kabinete ng Aquino administration at ilan nga rito ay nagbitiw na sa kanilang panunungkulan.

Ito ay sina dating Department of Justice Secretary Leila de Lima; former Energy Secretary Jericho Petilla; former TESDA Director General Secretary Joel Villanueva; TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid; current PhilHealth Director Risa Hontiveros; COOP NATCCO Party List Representative Cresente Paez; at DILG Assistant Secretary for Muslim Affairs and Special Concerns at former Maguindanao officer-in-charge Nariman Ambolodto.

Ginanap ang assembly sa Liberal Party headquarters sa Balay, Cubao, Quezon City, ngayong Lunes, October 12.

Nauna nang idineklara si DILG Secretary Mar Roxas bilang presidential bet ng Liberal Party noong July 31, habang si Camarines Sur Representive Leni Robredo ang hinirang na vice presidential bet noong October 5.

DETRACTORS? Dito ay kapansin-pansing kinondena ni PNoy ang mga “kalaban ng Daang Matuwid,” sa pamamagitan ng pagbahagi ng tatlong katangian ng mga ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Una na rito umano ang mga kandidatong hindi kayang tumbasan ng aksiyon ang kanilag mga pangako.

Dagdag pa ni PNoy, “Palagay ko po, pag dumating ang panahon na napako ang ipinangako, alam na natin kung bakit.

“Diin ko po, noong kunwaring panig pa sila sa atin, maraming pagkakataong nakatulong na sana sila sa solusyon.”

Tila pinatutsadahan din ni PNoy ang isa sa mga kandidatong kasama umano sa mga “nagpahirap” sa sambayanan noong mga nakaraang administrasyon.

“Habang ginagalang ko ang aking mga Boss na nagbigay ng mandato sa akin, nariyan naman silang umaasang nag-uulyanin na ang taumbayan.

“Ang hirit pa: Time to move on na raw. E, ang sabi naman ng aking ina: 'Reconciliation with justice' ang kailangan.

“Alam n’yo po, sa Simbahang kinabibilangan ko, ang paghingi ng tawad ay sa Diyos at sa pamayanan.

“Ang tanong ko nga: Paano natin pagkakatiwalaan ang hindi humingi ng patawad, at di nakakakita ng pangangailangang magpaumanhin?"

Sa huli, pinaalalahan ni PNoy ang mga botante laban sa mga kandidatong hindi maganda ang track record, ngunit matindi kung manira ng iba.

“Ang pangatlo po, yung halatang aminado na sa kanilang napakasahol na track record, kaya tinatangka nilang ipresenta na kasinsahol at kasinsama nila ang lahat.

“Sinusunod nga nila ang sinabi ng isang matandang politiko: Kung di mo kayang bumango, pabahuin mo na lang ang iba."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN