It's Showtime host Vice Ganda concedes defeat to Eat Bulaga: “Hindi namin matatalo 'yan.”

Vice Ganda reveals that he and his co-hosts previously declined to do It's Showtime because they did not want to compete with Eat Bulaga, their rival noontime on GMA Network.


Nagsalita si Vice Ganda sa ere tungkol sa kumpetisyon sa pagitan ng kinabibilangan niyang noontime show sa ABS-CBN, ang It's Showtime, at ang noontime show ng GMA Network at TAPE Inc. na Eat Bulaga.

Ngayong Sabado, October 24, ay ginanap ang sixth anniversary ng It's Showtime, habang isinagawa naman ng Eat Bulaga! ang "Tamang Panahon" concert ng AlDub loveteam sa Philippine Arena.

Sa live airing ng It's Showtime kanina ay nagsalita si Vice tungkol sa pagtatapat na ginagawa ng ilang netizens sa kanilang programa at sa 36-year-old noontime show ng Kapuso network.

Katabi niya ang kanyang co-hosts sa programa na sina Anne Curtis, Vhong Navarro, Billy Crawford, Karylle, at Coleen Garcia.

Pahayag ng comedian-TV host, “Hindi niyo ho kailangan makipag-away sa tao kung sino ang number one na noontime show.

"Kami pong mga host ngShowtime at mga host ng Eat Bulaga! ay di magkakaaway sa totoong buhay.

"Kaya dapat kayo rin, di kayo magkakaaway."

THANKFUL FOR SIX YEARS. Sinimulan ni Vice ang kanyang speech sa pamamagitan ng pagsasabing masama ang kanyang pakiramdam, subalit pinili niyang maging masaya sa show dahil nakaabot sila ng anim na taon.

“Ang saya-saya ko kasi ang tweet ko nga kaninang umaga, ‘This is a day to be very grateful.’

“Sobrang grateful ko ngayong araw na ito kasi anim na taon, hindi biro 'yon, ha.

"Sa bilis na pagpapalit ng panahon, sa bilis ng mga gusto ng mga tao, sa bilis ng tiwala ng mga tao, ibang klase yung six years.

"At ang laki-laki ng nagbago sa paligid ko, ang laki ng nagbago sa mundong ginagalawan ko, ang laki-laki na ng bago sa buhay ko.

"At ano man ang mangyari, wala akong nararamdamang sama ng loob, o galit, lungkot, ngitngit.

“Puro tuwa lang at pagpapasalamat kasi ang laking blessing talaga nitong Showtime.

"Hindi lang sa akin, kundi sa inyong lahat, lalo na yung nakatutok pa din sa atin hanggang ngayon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Binalikan din ni Vice ang panahon nang alukin sila ng ABS-CBN management na tapatan ang Eat Bulaga! anim na taon na ang nakararaan.

“Nung ginawa nga tayong noontime, parang sabi kong ganun sa mga boss natin... 'Okay ba sa inyo na gagawin kayong noontime?'"

Sagot daw nina Vice: "Hindi po. Okay na kami sa morning show."

Ang Showtime ay dating morning talent show ng ABS-CBN, bago ginawang noontime variety show noong 2006.

"Lahat kami, di ba, lahat tayo nagkaisa na ayaw namin ng noontime, gusto namin morning show lang ganyan-ganyan.

“Sabi ng boss namin, ‘Bakit?’

"‘E, kasi lalagay ninyo kami sa noontime, di naman namin kayang talunin ang Eat Bulaga.'

“Di ba? Kahit pagsama-samahin namin ang powers namin dito at magtitiwarik ho ako dito, di ho namin kayang talunin ang Eat Bulaga.

“Ang sabi ng boss namin, 'Sino ba ang nagsabi sa inyo na tatalunin niyo ang Eat Bulaga?

"'Di naman namin kayo lalagay sa noontime para talunin ang Eat Bulaga. Sasamahan niyo lang sila sa pagpapasaya ng tao.'

“Kaya magmula ng araw na yun na inilagay kami sa noontime, hanggang ngayon, wala kaming nararamdamang ano.

"Kasi wala naman kaming intensiyong makipagtalo at makipag-away.

"Sa simula pa lang po, talo po kami.

"Itinataas po namin ang bandera nila dahil sila ay aming mga idolo at mga modelo.

"Hindi namin matatalo 'yan."

ACCEPT DEFEAT. Sinagot din ni Vice ang netizens na binabatikos sila, kung bakit hindi na lang sila sumuko na “talo” sila ng kalabang show.

Aniya, “Sabi nga nila, sa mga nagtu-tweet, sa mga nagko-comment sa Instagram, mga Facebook natin, ‘Ba't ayaw niyo pa kasi sumuko, e, talung-talo na kayo?’

"Paano ho ang gagawin namin? Dahil hindi na kami masyado nagre-rate, hindi na kami papasok?

"Paano naman ho yun mga taong pumunta sa studio? Paano na ho yun iilan naming fans na nag-aabang po sa amin, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang tanong ko nga sa sarili ko, 'Hanggang kailan nga?'

"Hangga’t may isang tao umaasa, hindi po kami matatapos.

“Nakalagay sa labas ng studio namin is 'Make People Happy. Yun lang ho ang goal namin.

“At maraming-maraming salamat dahil hinahayaan niyo kami hanggang ngayon na patuluyin sa bahay ninyo at sabay-sabay tayong nagtatawanan at dinadama ang good vibes mula Lunes hanggang Sabado, kasama ang Showtime family.

"Maraming, maraming, maraming salamat po."

Panawagan pa ni Vice sa mga nagtatalo-talo sa social media: “Huwag po kayo mag-away-away sa social media. Ang dami ko nang kilalang nabawasan ang mga friends sa Facebook dahil nakikipag-away kayo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN