Jimboy Martin on winning Pinoy Big Brother 737: “Worth it po.”

Nagbunga raw lahat ng paghihirap ni Jimboy Martin sa loob ng Bahay ni Kuya pagkatapos siyang tanghaling Pinoy Big Brother 737 Teen Big Winner. Sa palagay niya, bakit siya ang nanalo? Sagot ni Jimboy, “Siguro, yung kung sino po ako. Kasi ayun lang naman po ang ginawa namin sa Bahay ni Kuya, ang pagpapakatotoo.”


“Worth it po.”

Ito ang deklarasyon ng itinanghal na Pinoy Big Brother 737 Teen Big Winner na si Jimboy Martin tungkol sa kanyang tinamong tagumpay pagkatapos ng ilang buwang pananatili sa Bahay ni Kuya.

Sa Big Night ng ABS-CBN reality show, na ginanap sa Albay Astrodome, Legazpi City, noong Linggo, November 8, naungusan ni Jimboy ang mahigpit na katunggali sa titulo na si Ylona Garcia nang makuha niya ang 56.76 percent ng mga boto.

Pero bago raw siya tanghaling Big Winner, naikundisyon na ni Jimboy ang sarili sa pagiging Second Big Placer.

Saad ng 18-year-old Barrio Rapper ng Nueva Vizcaya, "At saka kagabi po, ini-expect ko na sa sarili ko na ako na ang Second Big Placer para hindi na po ako aasa…

"Hinahanda ko na po yung sarili ko.

"Kumbaga, kapag matawag man po ako, handa na ako.

“Kapag hindi man po ako matawag, mas magaan po yung loob ko.

"Kaya ganun po yung ginawa ko, hinanda ko talaga ang sarili ko.”

Ilang buwan bago ang Big Night, namuhay na sa labas ng Bahay ni Kuya ang Teen Big Four na sina Jimboy, Ylona, Bailey May, at Franco Rodriguez.

Kaya alam daw ni Jimboy na malakas si Ylona pati ang tambalan nila ni Bailey.

Pero hindi raw nagpaapekto rito si Jimboy.

Saad niya, “Ako po, tinake ko po yung mga advice sa amin na huwag magpaapekto kung anumang nakita sa online.

"Tapos nag-think positive lang po ako, yung mga nagawa ko dati, yung mga nagawa kong tama.

"Kaya mas gumaan at nagiging mas malakas ang loob ko kapag nagti-think positive po ako."

Pero noong inanunsiyo na ang kanyang pangalan bilang Teen Big Winner, wala raw pagsidlan ang galak na kanyang naramdaman.

Ani Jimboy, “Ako po, sobrang masaya, kasi natupad ko na yung isa sa mga pangarap ko.

"At nag-flashback po lahat ng experiences ko noon, lalo na noong bata pa ako hanggang sa lumaki.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At sa lahat ng natutunan ko sa Bahay ni Kuya, biglang nag-flashback po.

"Worth it po," sambit pa niya.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media si Jimboy sa loob ng Big Brother House, nitong Lunes ng hapon, November 9.

Kasama niyang humarap sa press si Miho Nishida, ang itinanghal na Regular Edition Big Winner.

Read: PBB 737 winner Miho Nishida admits lack of proficiency in English: “I’m pride of myself.”

“GUSTO KO PONG MAGING ARTISTA.” Sa tingin ni Jimboy, ano ang nagustuhan ng viewers sa kanya?

Tugon niya, “Siguro, yung kung sino po ako.

"Kasi ayun lang naman po ang ginawa namin sa Bahay ni Kuya—ang pagpapakatotoo.

"At saka siguro yung hindi po ako sumuko sa mga tasks.

"Yun lang naman po ang ginawa ko. Basta ipinakita ko po kung sino ako."

Bukod sa kanyang sarili, labis din daw ang saya ng pamilya ni Jimboy na sa wakas ay magkakaroon na sila ng sariling bahay at lupa.

Isa kasi sa mga premyo niya bilang Teen Big Winner ay ang house and lot.

“Nakita ko po sa kanila na sobrang saya nila. At ako din po, dahil mabibigyan ko na sila ng bahay at lupa.”

Sa ngayon daw, nais ni Jimboy na ipagpatuloy ang kanyang nasimulang karera sa showbiz.

“Gusto ko po maging artista, e.

"Tapos gusto ko rin pong magka-album, so hindi ko pa alam kung anong pipiliin ko.

“Basta magkaroon man po ako ng opportunity na mabigyan ng trabahong ganun, ga-grab ko po yun para sa kinabukasan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN