Inihayag ng Kapamilya star na si Enchong Dee ang buo niyang suporta sa vice-presidential aspirant at Camarines Sur representative na si Leni Robredo.
Sa kanyang Instagram post ngayong araw, March 16, ibinahagi ni Enchong na kumpiyansa siyang hindi mangungarakot si Robredo kapag naluklok itong bise presidente sa 2016 elections.
Bilang isang kapwa Bicolano, saksi umano si Enchong sa naiambag ni Robredo, hindi lang bilang government official kundi pati na rin ang libreng serbisyong ibinibigay nito bilang isang abugada.
Pahayag ni Enchong patungkol kay Robredo, “Hindi ko siya iboboto dahil sumakabilang buhay si Sec. Jess [Jesse Robredo, former Department of Interior and Local Government Secretary], kundi dahil sa totoo lang, mas matagal nanilbihan si Cong. Leni Robredo sa Naga City, Camarines Sur [kahit wala siyang posisyon sa gobyerno] kumpara sa mga politikong madalas kong nakikita sa telebisyon.
“Paano? Dahil marami siyang natulungan sa Naga para makamit ang hustisya, paano uli?
“Dahil mahusay na Attorney siya, na madalas pro bono ang mga cases, opo! Lawyer sya na hindi nagpapabayad kadalasan.”
Sa huli, iginiit ni Enchong na boluntaryo niyang ineendorso si Robredo bilang bise presidente sa darating na halalan.
Giit pa ng Kapamilya actor, “HINDI AKO BINAYARAN ng kahit na sino para isulat ‘to.
“Hindi rin ako tinext o tinawagan ng kahit na sino para gawin ‘to.
“Kakagising ko lang at alam ko wala akong nilalabag sa ginagawa ko.
“Bawat isa sa atin ay may opinyon kaya ibinabahagi ko lang ang rason ko kung bakit siya ang pangalawang pangulo ko.
“May responsibilidad tayo bilang #Pilipino para usisain at pag-aralan ang mga kandidato, gawin natin yun kasi tayo din naman makikinabang nito sa susunod na anim na taon.”
Sa pinakabagong SWS survey, makikitang humahabol ang ranking ni Robredo sa top vice presidential candidates na sina Senator Chiz Escudero at Senator Bongbong Marcos.
Mula sa kanyang 19 percent share of votes noong Pebrero ay tumaas ito sa 24 percent ngayong Marso.