Alma Moreno considers interview with Karen Davila a "learning experience"

Alma Moreno: "Masakit dahil may mga humusga agad sa aking kakayahan. Pero parte ito ng mas marami pang tatahakin ko sa aking pagtakbo bilang senador. Alam ko na mas marami ang nakaintindi at nakaunawa sa kung ano ang maaari kong gampanan bilang kinatawan ng kababaihan sa Senado."


Nagpapasalamat ang aktres at senatorial candidate na si Alma Moreno sa kanyang mga tagasuporta na nakisimpatiya sa kinalabasan ng interview niya sa ANC Headstart With Karen Davila.

Ngunit aminado ang konsehala ng Parañaque City na nasaktan siya dahil sa masasakit na salitang natamo niya pagkatapos kumalat sa social media ang nasabing interview.

Read: Senatoriable Alma Moreno ANC interview with Karen Davila goes viral; believes same-sex marriage is a sin

Pahayag ni Alma sa Cinema News, sa pamamagitan ng text, “Masakit dahil may mga humusga agad sa aking kakayahan.

“Pero parte ito ng mas marami pang tatahakin ko sa aking pagtakbo bilang senador.

“Alam ko na mas marami ang nakaintindi at nakaunawa sa kung ano ang maaari kong gampanan bilang kinatawan ng kababaihan sa Senado.

“Malinis po ang hangarin ko at handa po akong maglingkod sa bayan.

“Kasama ko ang Diyos sa bawat desisyon ko at alam kong di Niya ako pababayaan.”

Ano ang naging reaksiyon ni Alma sa mga nagsasabing hindi niya pinaghandaan ang nasabing interview?

May iba ring nagsasabi na baka hindi pa siya handang tumakbo bilang senador.

Pahayag ng actress-politician, “Lahat tayo ay may kani-kaniyang opinyon. Ako po ay nagpakatotoo lamang.

“Maaaring hindi ko napahayag ang aking sariling opinyon nang maayos pero ang lahat ng bagay ay napag-aaralan.

“Ang aking pagtakbo ay hindi ko lamang po sariling desisyon kundi hiningi po ng ilan sa ating mga kababayan na ako ay tumakbo sa Senado. Lalong-lalo na ang aking mga kasamahan sa liga, ang PCL [Philippine Councilors League].

“Kasabay nito ay aking pagdarasal sa Diyos at paghingi ng sign. Siya rin po ang nagbigay sa akin ng wisdom.

“Handa po akong maglingkod sa ating mga kababayan.”

Na-pressure ba siya sa mga tanong ni Karen?

Saad ni Alma, “Na-pressure po ako at nakaramdam ng nerbiyos dahil yun po ang kauna-unahang interview ko sa news.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ganoon pala ang pakiramdam pag sinunod-sunod ka ng tanong.”

Pero diin niya, “Hindi ko po sinisisi si Karen Davila, ginagawa niya lamang ang kanyang trabaho.

“Hindi rin po nagkaroon ng briefing bago ako sumalang.

“Nagkausap pa kami ni Karen bago magsimula at sinabi ko po talaga na ninenerbiyos ako.

“Hindi daw nila talaga sinasabi sa kanilang guest kung ano ang itatanong at dahil dito, marami akong natutunan at itinuturing ko na isang learning experience sa buhay ko.”

Ano ang mensahe ni Alma sa mga taong nagtatanggol sa kanya?

Aniya, “Sa mga taong nakisimpatiya at sumuporta sa experience kong ito, sa mga naniniwala sa kakayahan ko, lalung-lalo na sa mga anak ko na laging nandiyan para sa akin, masaya ako at lubos po ang aking pasasalamat sa inyo at mas lalo pang tumibay ang aking dibdib.

“Ang nais ko lamang po ay paglingkuran kayo. Salamat po.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN