John Lloyd Cruz dismayed by rampant film piracy

John Lloyd Cruz laments the widespread piracy of local films: "Nakakalungkot mang isipin, pero yun na yata ang normal."


Ipinaramdam ni John Lloyd Cruz ang pagkadismaya at pagkabahala sa lumalaganap na pamimirata ng local films.

Sa presscon ng Honor Thy Father na ginanap sa Valencia Events Place, Quezon City noong December 17, linahad  niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang kanyang hinaing dahil sa paglaganap ng pirated copies ng A Second Chance, ang blockbuster movie nila ni Bea Alonzo.

Nadiskubre ito ni John Lloyd noong nasa Singapore siya para sa Asian screening ng nasabing box-office hit.

Saad ni John Lloyd, “Yun nga, e.

“Kasi po, kanya-kanya tayong trabaho rito.

“Like kami, meron kaming malasakit, meron kaming pakialam.

“Pero ang katotohanan po, medyo limited lang ang puwedeng maabot or reach namin.”

Ayon pa sa aktor, “Kumbaga, kaya po nandiyan ang OMB [Optical Media Board], siguro ipagkakatiwala na lang namin sa kanila ang trabaho para maingatan na mapirata ang mga pelikula.

“Kasi, naramdaman ko ‘yan dahil kagagaling ko lang sa Singapore at Asia para naman sa Asian screening ng A Second Chance.

“Nagkataon na habang nasa Singapore kami, may nag-upload sa Facebook ng buong pelikula.

“So, noong nag-iikot kami sa Singapore, may mga kapwa natin Pinoy na nagsabi sa akin na, 'Uy, napanood na namin ang pelikula niyo. Ang ganda, congrats!'”

Nagulat daw sila John Lloyd dahil kinabukasan pa ang screening schedule ng A Second Chance sa Singapore.

Kaya sabi niya raw, “Ha? Bukas pa lang ang screening namin.

“Tapos yun, napanood daw nila sa YouTube.

“Nakakalungkot mang isipin, pero yun na yata ang normal.

“Sana mabawasan yung mga sumusuporta hanggang sa umabot sa point na wala na sanang tumatangkilik ng ganun dahil malaki po ang epekto.”

Dugtong pa ni John Lloyd, “Totoo po yung plug sa sinehan, piracy is a crime. Pagnanakaw talaga siya.

"Pagnanakaw po.

“Sana wala talagang mamirata nito.”

 Nalulungkot ba siya sa nangyayaring pamimirata ng mga pelikula?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot ni John Lloyd, “Well, kahit ano namang klaseng pamimirata, nakalulungkot.

“Lahat ng effort ng bawat tao, pinagpaguran niya. Iniyakan niyo. Napaka-personal sa ‘yo. Pelikula niyo yun, e. Napaka-personal ng pagkakagawa.

“Kapag naba-violate along the way, nakalulungkot talaga.”

POLITICAL ENDORSEMENT.  Dahil sa kanyang kasikatan, kinikilala si John Lloyd na  isa sa mga pinaka-influential brand endorsers.

Gaya ng nakikita sa ibang sikat na showbiz celebrities tulad niya, malamang ay  kunin si John Lloyd para mag-endorse ng ilang mga kandidato sa nalalapit na eleksyon.

Sa ngayon, wala pang nababalitang kandidato na ie-endorse ni John Lloyd. Pero posible bang may i-endorso at suportahan siyang presidential candidate?

Pagklaro ng aktor, “Allowed naman kami.

“Alam ko may mga Kapamilya stars na nag-e-endorse.

“Kanya-kanya ‘yan.

“I don’t know. Maybe mas maganda kung iku-consult ko muna sa aking mother studio o sa Star Magic.”

May napupusuan na ba siyang kandidato?

“Ayoko munang magsalita at this point, medyo mahirap,” natatawang sagot ng aktor.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN