Maine Mendoza gives heartfelt birthday message to Alden Richards

Maine Mendoza to Alden Richards: “Ang dami pa nating pagdadaanan, tayong dalawa. Pero ayun, sana huwag kang magbabago. Stay true to yourself.”


Pabirong hiniling ni Alden Richards kung puwedeng mahalikan niya sa kauna-unahang pagkakataon si Maine Mendoza (aka Yaya Dub) sa ika-24 na kaarawan ng Pambansang Bae ngayong Sabado, January 2.

Pagpapaalam pa ni Alden kay Lola Nidora, na ginagampanan ni Wally Bayola, “Lola, kapag nakita ko po si Maine, puwede ko po ba siya i-kiss?”

Ngunit agad ding binawi ni Alden ang kanyang kahilingan at sinabing sapat nang makasama niya si Maine.

Nang sa wakas ay magkita sina Alden at Maine sa Broadway studio, kinikilig na naghiyawan ang studio audience ng “Kiss! Kiss!”

Sagot ni Alden, “Kiss? Sige, ibibigay ko na!”

Dahan-dahang umaktong hahalikan ni Alden sa labi si Maine, ngunit sa huling sandali ay marespetong hinalikan ng aktor ang kamay ng dalaga.

Nangingiting sabi pa ni Alden, “Huwag muna!”

Sumang-ayon naman si Maine at sinabing, “Yun muna!”

Bukod sa masayang kulitan ng dalawa ay naging madamdamin ang mensahe ni Maine para kay Alden.

Sabi ni Maine kay Alden, “Happy birthday, shokoy!

“Alam mo, isang karangalan talaga na makilala kita at siyempre maging parte ng buhay ng isang Alden Richards.

“Alam mo, yung pangarap mo, pangarap ko, pangarap nating dalawa, sabay nating binubuo.

“Isipin mo, sa dinami-dami ng tao sa buong mundo, dito na na lang sa Pilipinas, sa dinami-dami ng tao sa Pilipinas, tayong dalawa pa yung pinagtagpo ng Diyos.”

Hirit naman ni Alden, “Alam mo kung bakit? Kasi we're Maine to be!”

READ: Alden Richards cries over surprise birthday celebration

MAINE'S PROMISE TO ALDEN. Hindi maitatangging naging malapit sa isa't isa sina Alden at Maine bilang magka-love team sa "Kalyeserye" segment ng Eat Bulaga! na nagsimula noong Hulyo 2016.

At katulad ng kuwento sa “Kalyeserye,” marami sa kanilang tagasuporta ang umaasang maging totohanan ang kanilang nararamdaman para sa isa't isa.

Ngunit sa ngayon, ang tanging ipinangako ni Maine kay Alden ay maaasahan siya nito bilang kaibigan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ng dalaga sa pagpapatuloy ng kanyang mensahe para kay Alden, “Ayun, kahit anong mangyari, lagi mong tatandaan na nandito lang ako for you as ka-loveteam mo at siyempre bilang kaibigan.

“God gave me you!”

CLOSEST GUY TO MAINE'S HEART? Gayunman, inamin ni Maine na tanging si Alden lamang ang nakapagpagawa sa kanyang kumanta sa harap ng maraming tao.

Si Alden din lang umano ang pinag-bake ni Maine ng cake para sa ika-24 kaarawan ng binata.

Dagdag pa ni Maine, maging mga magulang o ex-boyfriend niya ay hindi niya ginawan ng cake.

Sabi ni Maine kay Alden, “Ang lamig ng kamay ko, 'no?

“Pero tulad nga ng sabi ko, ngayon ko lang talaga ginawa ito para sa 'yo.

“Eto na lahat ng hinintay mo sa buhay, nasa harap na nating dalawa.

“Ang dami pa nating pagdadaanan, tayong dalawa.

“Pero ayun, sana huwag kang magbabago.

“Stay true to yourself.”

Sagot naman ni Alden, “Walang baguhan.”

Sa huli, ito ang sinabi ni Maine kay Alden: “I'm happy for you, Alden! Happy birthday!”

Sagot ulit ni Alden, “Thank you so much. Aldub you!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN